Published on

    Agosto 16 - 31, 2011

 

Hangga’t walang agresibong lider na mapipili ang mga Liberal sa Manitoba, ang partido ay malamang na kusang mawala.


Dahil sa rural support, ang popularity vote ng PC sa Manitoba’s October 4 elections ay mas malaki sa NDP. Subalit posibleng manatili pa rin sa poder ang NDP na popular sa Winnipeg at bunga ng mga binagong ridings sa city. Hula ko sa resulta, 30-25 and 2 for the Liberal sa provincial legislature.


Ang bagong patakaran ng Canada sa “Sponsorship of Parents” ay may good and bad effect. Kung kompleto ang requirements, medyo bibilis daw ang processing ngayon kumpara sa nakaraang taon. Ang problema ay tungkol sa bagong requirements. Kailangang may katibayan ang sponsor kung siya’y namamasukan sa same Canadian employer for the last 12 months at suma total ng kaniyang kinita sa nabanggit na panahon. Gayon din ang kailangang gawin ng kaniyang asawa. Ilan ang kanilang anak with their respective age. Ang kanilang parents ay dapat walang serious medical problem and no criminal records.


Plano ng Ottawa na magbawas ng budget. Hinikayat din ni PM Stephen Harper ang mga Mayor na magbawas ng mga gastusin. Kung masusunod, hindi malayong magkaroon ng negatibong epekto sa trabaho.


Sa tulong ng US Congress, naisalba raw ang debt default. Gayunman, ang US economy ay nanatiling matamlay. Kung may mga nakakakuha, higit namang marami ang nawawalan ng trabaho.


Sa Pilipinas

Ang dakdakan ng Pilipinas at Tsina tungkol sa West Philippine Sea ay nabalitang lumulubha. Sana hanggang sa dakdakan na lang.


Kailangan ng Pilipinas ang matigas, hindi saling-pusang diplomatiko ng Maynila sa Beijing. Ang may apilyidong See at Lee ay hindi dapat maging pangunahing katangian.


Ang mga talumpati ni PNoy sa sariling wika ay kumita ng malawakang papuri mula sa kaniyang mga “boss.” Naiintindihan ng marami ang kaniyang sinasabi. Kasi nga naman, ang kahalagahan ng sariling wika ay pinupuri at naririnig lang kung Agosto.


Ang binuhay na isyu sa nangyaring dayaan noong 2004 at 2007 elections ay luma na raw, ayon sa mga nasa kampo ng hinalinhang gobyerno ni PNoy. Oo naman, subalit malalim ang sugat ng kahirapang tiniis ng maraming Pinoy.


Sa totoo lang, ang sinasabi ng mga bagong whistleblower ay dapat pagdudahan. Bakit ngayon lang? Hindi sila tumulad sa mga opisyal at sundalo ng AFP na nagrebelde laban sa bulok na sistema ng pamamahala. Nanlaban at nagtiis ng pitong-taong mabilanggo ng dahil sa bayan.


Tuloy pa rin naman ang pintas ng mga kritiko sa nakaraang SONA ni Pres. Noynoy. Marami daw mahahalagang isyu na hindi nabanggit. Tama rin naman, pero kung sasabihin namang lahat ang mga planong ipatutupad ng administrasyon, kapos ang isang oras sa diskurso at malamang maging boring. Sabi nga ni Sen. Joker Arroyo, “inaantok kasi ako,” kaya hindi na siya dumadalo sa SONA mula pa noong 1994.


Ang wangwang ng gobyernong Aquino ay simbulo daw ng “tigil abuso” sa kapangyarihan ng mga tao. Pero may negatibong kahulugan, tigil ang imbestigasyon sa mga alipores? Halimbawa ay ang mga iniiwasang buklating kaso ng mga bulok at maasim na bumalimbing at nasa basket ngayon ni PNoy?


Isa pang insidente ay tungkol sa mahigit dalawang libong container van na nawala. Kung hindi sadyang itinago, bakit tumagal nang may apat-na-buwan bago lumutang. Bilyon pisong halaga ng koleksyon sa buwis ang naglaho. Na-wangwang na ba ang imbestigasyon?


Ang Freedom of Information bill na pangako ni PNoy ay gayun din? Isusulong daw naman, pero maraming isisingit na kondisyon. Halatang takot mabigyan ng ganap na kalayaan ang mga nasa Tri-media. Sabagay, sa halip na watchdog, may mga miyembro na “attack-dog at lapdog.”


Nakakalungkot ang political drama na umiiral ngayon. Bintangan, tanggihan at takpan sa mga nabubulgar na anumalya. Papano nga kaya mahahango sa kahirapan ang mga Mr. and Mrs. Juan Pasangkrus?


Kapuri-puri ang ginawang pagbibitiw sa Senado ni Sen. Juan Zubiri. Nabanggit ko nga dito noong nakaraang isyu na “sana magpaka-lalaki siya.” Iyon nga ang nangyari. Ipinakita ang pagiging tunay na lalaking may karangalan. Isang halimbawa ng politikong may delicadesa.


History na rin ang balitang si Mike Arroyo ang promoter ng nangyaring dayaan sa eleksyon noong 2004 at 2007. Ang mga kongresista at senador na mga alipores ni Gloria noon na ngayon ay nasa bakuran ni Noynoy ay nangangatwiran. Mababaw naman. Hindi raw nila alam na nagkadayaan. Nagtatanga-tangahan. Nabokya ang mga kandidato ng oposisyon sa Maguindanao noong 2007, hindi ba nila alam ‘yon?


Nagpasingaw ng kani-kaniyang baho ang dalawang senador. Mister “Noted” daw si Sen. Kiko Pangilinan para mapagtakpan ang nangyaring dayaan noong 2004 elections na nasungkit ni Gloria, sabi ni Sen.Vic Sotto. Ang buwelta naman ni Kiko ay super balimbing daw si Vic. Kumampi kay Gloria para manalo sa senatorial elections noong 2007.


Sina Mr. & Mrs. Arroyo kahit kapuwa may seryosong karamdaman ay nahaharap sa maraming magastos na asunto. May katwiran nga palang dapat magpayaman bago lisanin ang Malacañang. Ang bagong Ombudsman na si Ex-SC justice Morales ay hindi makakaiwas sa bintang na maka-PNoy kung ang mga Arroyo ay kabilang sa mga unang kakasuhan ng plunder and corruption.


Nasa watch list na ng NBI si Ex-FG Mike Arroyo. Wala daw naman sa isip niya na mag-TNT. Halimbawa, kung naka-confine sa ospital at ayaw payagan ng doktor, hindi rin makakauwi para harapin ang kaniyang asunto?


Teka nga, hindi raw sa mga Arroyo ang binentang mga helikopter sa PNP? Sino ba ang tumanggap ng bayad? Bangko? At kanginong account? ‘Yon ang dapat malaman.


Ang mga Arroyo daw naman ngayon ang binubuweltahan ng milyon-pisong ginastos ng kanilang kampo to demolish Ping Lacson. Tila nga, “walang utang na hindi pinagbabayaran.”


Ang mga career official sa DFA ay nabigyan ngayon ng pagkakataon sa administrasyon ni PNoy. Sana gayun din ang nasa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Iwaksi na ang political weather-weather syndicate. Mahalagang manatili sa kani-kanilang posisyon ang mga may mahabang karanasan. Total, karaniwang sila ring ang aasahan ng mga bagong singkaw.


Nahihirapang maihanap ng puwesto ang mga kapartido ni PNoy na natalong kandidato sa pagka-senador noong nakaraang halalan. Kahit ambassadorial position ay malabo, dahil ang priyoridad ni DFA Secretary Albert Del Rosario ay mga career officials.


Wala nang magawa ang PNP para masugpo ang mga carjacking. Ang mga biktima ay nagtatag na ng vigilante group na panlaban.


May napalabas palang tatlong daang milyong piso ang PCSO para sa intelligence fund to fight terrorism and jueteng operations. Tila nalusaw. Natero-bulsa ang iba at ang jueteng naman ay lalong dumami ang binubula.


May nagkuwento: Pagkaraan ng apat-na-taon, nagkita ang dalawang magka-klase sa High School.

“Kumusta ka Tekla,” bati ni Petra.

“Heto single pa rin, buti ka pa may nasilo na,” sagot ni Tekla.

“Pano mo nalaman?” agaw ni Petra.

“O, hayan di ba wedding ring mo ‘yan? Kaya lang, mali ang daliring kinalalagyan.”

“Oo nga mali,” galit na tugon ni Petra.

“Bakit nga mali giit,” ni Tekla.

“Kasi, mali nga ang napili kong husband, eh,” sabi ni Petra.


Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhaynewspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail: frpacheco@shaw.ca

Have a comment on this article? Send us your feedback

1