Pilantik • Agosto 1 - 15, 2009 Print E-mail
Saturday, 01 August 2009 00:28

Paquito

Paumanhin po sa mga nag-ingay kamakailan sa gallery ng Manitoba Legislature na nahagip ng Pilantik. Karapatan daw nila iyon sa ilalim ng prinsipyong demokrasya ng gobyernong Canada. He, he, he. Mga kabayan, sa alin mang demokratikong bansa ay may mga kautusan at batas na pinaiiral para sa kabutihang panglahat tulad ng mga tuntuning pinatutupad sa lehislatura ng probinsya. Bawal ang mag-ingay sa gallery habang may sesyon. Huwag sana tayong maging “balat-sibuyas.” Ang pasaway, eh, “balat-Elepante.”

***

Hindi po ninyo naitatanong, matagal din akong nag-cover sa Kongreso ng Pilipinas. Ipinagbabawal din doon ang mag-ingay sa gallery. Kaya lang, hindi rin pinapansin ang sumasaway. Sana, iyong mga hindi magandang ugaling ganoon, eh, huwag na nating dalhin dito. May hangganan po ang karapatang-pantao kahit sa demokrasyang sistema ng gobyerno.

***

Ano ba ang layunin ng bagong-tatag na Manitoba Council of Filipino-Canadian Association (MACFA)? Mayroon nang umbrella organization, ang Philippine Association of Manitoba (PAM) na kilala na sa tatlong sangay ng gobyerno. Bakit hindi na lang pagsiglahin ang PAM? Dahil ba sa mga grants na inaakalang masusungkit sa tulong ng nakilalang lider pero ang mga problema sa kaniyang probinsya, eh, hindi niya maayos? Naku, malamang ay sumabog tayo at pagtatawanan.

***

Invitation by Obama to Ms Arroyo “…is a mistake,” ayon sa July 26th edition ng Washington Times editorial. Magagamit lang daw “political cover” ni Gloria sa kaniyang mga “…troubles at home.” Amen.

***

Wala mang sinabing goodbye si Gloria sa SONA ay bahala na ang kaniyang inupakang mga nasa oposisyon at kritiko sa motibo ni Ms Arroyo. Aba, tiniyak naman ni FG na si Goyang, eh, hanggang June 30, 2010 na lang, eh.

***

Marami daw nagawa ang administrasyong Arroyo sa nakaraang walong taon. Nakasulat at laman ng mga diskurso na hindi pinapansin ng mga tao. Kasi papel at laway lang daw naman?

***

Mindanao war pulling RP down,” sabi ni US Ambassador Kristie Kenny. Hindi lang iyon; pati ang balitang, “Mindanao as kidnapping Capital of the World.”

***

Ang nangyayaring bombahan sa Pilipinas at Indonesia ay, “…kagagawan daw ng Jamaah Islamiyah (JI),” sabi ng NSA, si Norberto Gonzales. May JI kaya sa AFP at PNP?

***

Marami daw ang pumapasok na dayuhang professionals sa Pilipinas ngayon samantalang marami ding Pinoy professionals ang umaalis naman at nagtutungo sa ibang bansa.

***

Kung tuloy ang paghina ng pisong-Pilipino vs foreign currency, madadagdagan ang utang ng bansa na hindi naman totoong inutang.

***

Sabi ng isang maka-Arroyo, kaya lang daw si Ex-Defence Sec. Nonong Cruz Jr. ay nagpapakulo ng senaryong martial law, marahil ay gustong makuhang kandidatong senador ng oposisyon. Sa LP kaya ni Mar Roxas sasabit?

***

Sina Sen. Manny Villar at Vice-Pres. Noli De Castro, kung matutuloy ang 2010 elections ang malamang magka-tandem. Pareho silang “iwas-pusoy” sa mga TV at kauring forum na kasama ang ibang presidentiables.

***

Tuloy daw ang pagkandidato ni Erap. Sino kaya kina Loren at Chiz ang kaniyang magiging running mate? Sakaling manguna sila sa makukuhang boto at ilalaglag naman ng Korte Suprema si Estrada, ang magiging eskuwater sa palasyo ay manok ni Danding.

 

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM.

Have a comment on this article? Send us your feedback