Print E-mail
Tuesday, 01 September 2009 00:29

Paquito

May mga nagtatanong kung bakit daw kaya walang mga naglisaw na politiko sa dalawang Pinoy Pavilion nitong nakaraang Folklorama? Ang naisagot ko, eh, kasi, sa 2011 pa yata ang Provincial elections. Pero teka, nang bumisita ako sa Nayong Pilipino Philippine Pavilion, eh, naroon ang MP na si Joy Smith. Kinumusta pa nga kay Fred De Villa ang Winnipeg Filipino Breakfast Council kung tuloy pa rin ang Fridays Walk-in-Forum.

***

Katulad ng nabanggit ko sa nakaraang isyu ng Pilipino Express, marami akong natanggap na positive comment tungkol sa Pilantik. Isa doon ang e-mail ni G. Richard Ignacios na sa tema ng mga tinatanong, sa wari ko’y bago pa lang dito sa Winnipeg.

Dear Ka Paquito, Ito ay kaugnay ng e-mail na natanggap n’yo mula sa isang [pangalang ng sumulat ng e-mail – ed.].

Tuwing nakakakuha ako ng sipi ng Pilipino Express ay una kong binabasa ang column n’yo dahil nararamdaman ko ang tunay na Pilantik ng Dugong Pilipino sa bawat pagtalakay ninyo sa mga issues dito sa Manitoba pati na rin sa Pilipinas.

Ang mga katulad [ng sumulat ng e-mail –ed] ay dapat lamang kumuha ng GMRC (Good Moral and Right Conduct) na tila hindi kabilang sa curriculum dito sa Canada. Hindi ko minamasama ang mga kabataang dito na lumaki sa Canada, pero iba pa rin ang turo ng isang tipikal na nanay at tipikal na titser mula sa Pilipinas.

Ka Paquito, ipagpatuloy n’yo po ang Pilantik para sa kapakanan ng mga marami nating kababayan!

May tanong po ako, bakit po ba laging nagbebenta ng ticket itong PCCM? Kada kilos e, fund raising, socials, etc? Gaano ba kalubog sa utang ang PCCM? Bakit ba sila nalubog sa utang?

Isa pang komento. Bakit madalas na splitted-up ang mga organisasyon dito sa Winnipeg? Bakit dalawang grupo ang senior… ang basketball… ang Philippine Folklorama… ang Kapampangan… ang Ilocandia…? Ano ba ito? Bakit kaya ganito?

Salamat po!

***

G. Ignacios, higit na maraming kabataang-Pinoy na dito ipinanganak, eh, mayroon sila ng hinahanap mong GMRC. Kakaunti lang naman ang wala ‘non. May kutob akong [ang sumulat ng e-mail], eh, hindi po dito ipinanganak na ang inaasal ay waring “ibong nakatuntong sa gulugod ng kalabaw.” Tungkol sa Folklorama, sa pagkaka-alam ko ay kinailangan ng taga-pamahala ang dalawang Philippine pavilion na katulad din hiling sa ibang nasyon. Ang maganda, eh, hindi sila nag-papasiklaban sa halip ay nag-iiwan ng paghanga sa mga nakakapanood. Ikinalulungkot kong hindi masagot ang ibang mga tinatanong mo dahil hindi ko rin alam. Silang mga kinauukulan lamang ang maaaring makasagot sa mga hangad mong malaman. Maraming salamat po.

***

Inamin ni Finance Secretary Margarito Teves na lumubo ng 4.2 triyong piso ang utang ng Pilipinas dahil ibinayad sa utang na hindi naman totoong inutang. Tulad ng nabanggit ko na noon sa pitak na ito, ‘yon ang interes sa mga dating pagkakautang. Lumalabas ngayon na binayaran ang utang sa pamamagitan ng panibagong utang.

***

Ang Makati Business Club ay nanawagang ipaliwanag ni Mrs Arroyo ang kanilang “remarkable growth of wealth.” Baka naiinggit lang dahil nadaig sila sa negosyo.

***

Kaya daw maraming napapatay na sundalong Pinoy sa Mindanao, eh, dahil bukod sa peke, puro dakdak lang ang kanilang commander-in-chief. Naku naman, kahit biro lang ‘yon, eh, masakit ah. Kaya seguro nadadalas ang lamyerda ni Gloria sa ibang bansa, kasi, eh, nabubuwisit sa mga kritiko.

***

Patuloy ang pagtaas ng political temperature sa Pilipinas. Hindi kukulangin sa limang pangkatin ang maglalabu-labo para manahin ang mahigit sa apat na trilyong pisong utang ng administrasyong Arroyo.

***

Walang alam” si Noynoy Aquino, sabi ng ilang kontra kaya hindi dapat maging pangulo ng bansa. Baka nga, walang alam sa pagpapayaman, sa kurapsyon at pandaraya. Ang isyung “walang alam” ay “hinambalos” din noon kay Ramon Magsaysay, Sr at Tita Cory pero naging presidente at minahal ng sambayanan. Samantalang ang mga “may alam” ay kinasusuklaman.

***

Nagbanta noon si Erap na kung hindi magkakaisa ang oposisyon, siya ang tatakbo sa pagka-Pangulo. Hindi lang ang mga alipores ng Palasyo kundi pati ang mga hindi nagka-isang oposisyon ang mga umuupak sa kaniya ngayon.

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM.

Have a comment on this article? Send us your feedback