
Nananawagan po ang pitak na ito: Kailangan ang inyong mahalagang tulong sa ating mga kababayang sinalanta ng bagyong Ondoy. Huwag sanang magkait ang ibat-ibang asosasyon ng mga Filipino-Canadian dito, kahit man lang para sa kani-kanilang lalawigan.
*** Ngayon ang mabisang pagkakataon na makapaghatid ng kinakailangang tulong sa mga naging biktima sa Metro Manila, gayun din sa may 25 probinsya na biktima ng malaking baha. Isang gintong pagkakataon para maipadama natin ang pagmamahal sa kapuwa. ***
Maaaring may magsamantala sa sitwasyon ngunit huwag sanang maging hadlang sa ating maka-taong layunin. Sila na ang bahalang magdala ng bigat na dadagan sa kanila bilang ganti ng panahon. *** Tutulong ka ba kabayan? Manunuod ka na lang ba sa malupit na pagsubok na ito sa ating buhay? *** Isa sa mga feedback na natanggap ko ay mula sa isang kadarating na immigrant, may anim na buwan pa lamang daw siya dito. Sinipi ko ang isang bahagi ng kaniyang komento sa pinadalang e-mail: Alam n’yo po, naging OFW din po ako sa Middle East at nakita ko ang kaibahan ng mga Pilipinong OFW kumpara sa mga immigrants. Sa aking karanasan at opinion, mas may pagkakaisa ang mga OFW kaysa mga immigrants. Doon sa Qatar at Dubai na aking pinanggalingan ay hindi ako nakarinig ng mga iringan ng mga organisasyon bagama’t marami po ang mga grupo doon. May diwa ng pagkakaisa at nagkakasundo. Kapag may naa-api, ay lalong umiigting ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Pinoy. Hindi kami umaasa sa embahada. Sa tulong ng mga Pinoy organization ay nakakatulong po kami sa mga kababayan nating na-aagrabiyado ng kanilang mga employer. Walang pasiklaban, walang papogian dahil nakatuon po kami sa pagtulong. Sana maging inspirasyon ng mga immigrants dito sa Winnipeg ang mga OFW natin na nasa maraming sulok ng mundo. Sila na nagsusumikap at malayo sa kanilang pamilya ay nagpapakita ng tunay na malasakit sa ating lahing kayumanggi. Mabuhay po kayo, Kaka! – Richard. *** Isang pangunahing dahilan sa nangyaring pagbaha ay ang balitang tatlong pangunahing dam ang sabay-sabay na nagpakawala ng naimbak na tubig. Marahil nangangambang mabugnos dahil sa malakas na ulan. Ang mga tinukoy na Dam ay Angat, Ipo at Montalban. Hindi unti-unti kundi marahil biglaan ang nangyaring pagpapakawala ng tubig. *** Ang tubig na nagmula sa Ipo at Montalban ang nagdulot ng biglang pagbaha sa San Mateo at Marikina. Hindi nakayanan ng Marikina river ang bugso ng tubig na umapaw at nagpalubog sa maraming lugar ng magkabilang panig tulad ng Pasig at Taguig. *** Ang nagpa-baha naman sa Pampanga at Bulakan ay ang pinakawalang tubig sa Angat Dam na hindi nakayanan ng mga Ilog Apalit. Kalumpit at Pandi-Balagtas. *** Nagsama ang pinakawalang tubig mula sa Angat at Ipo Dam na nagdaan sa Marilaw river na nagpalubog naman sa mababang lugar doon. *** Tag-ulan sa Pilipinas hanggang Nobyembre. Sana’y huwag nang masundan pa ang nangyaring hagupit ng panahon. Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM. E-mail:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it
Have a comment on this article? Send us your feedback
|