Print E-mail
Monday, 16 November 2009 00:29

Paquito Rey Pacheco

Patuloy ang ugong ng civic, provincial and federal elections. Nakatakda sa Oktubre 2011 ang sa city. Baka magka-snap election sa probinsya. Ang pederal, eh, maaaring tawagin ano mang oras kung ang oposisyong Liberal ay makasungkit ng suporta sa ibang minoryang partido.

***

Ang pagkakahirang kay MLA Flor Marcelino as Minister for Culture, Heritage and Tourism ay maituturing na karangalan din ng ating lahi. Ano mang pintas sa kaniyang kakayahan sa tungkulin ay lalatay din sa ating mga balat. Kailangang tulungan si Flor na mapagaan sa halip maging pabigat sa pasaning nakaatang sa kaniyang balikat. Putulin na sana ang ugaling hindi pa man nag-iinit sa upuan ang Ministro, eh, inuupakan na ng ilang naiinggit na kababayan.

***

Natalakay nga ang Visiting Forces Agreement sa dalawang-araw na stopover ni Mrs. Clinton sa Manila. Ang isyu ay nilunod ng pangakong US aid. Sinabi naman nina Sen. Joker Arroyo at UP Prof. Clarita Carlos, “huwag munang magtatalon sa pangakong tulong, laway pa lang ‘yon.”

***

Ang free trade ni Bill Clinton, Mulroney, Tabako at Gloria ay tinalikuran ni Barack Obama. Huli na nang matauhan si Kano sa resulta. Ang isa sa mga dahilan kaya ang kabuhayan nila ay bumagsak, sapagka’t ang sariling mga kapitalista ng Amerika ay nasungkit ng China. Binaha ng murang produkto ang pandaigdigang merkado.

***

Kumita ng papuri ang pagbitiw sa BIR ni Sixto Esquirias. May delicadesa. Dapat daw pamarisan ng mga may katungkulan sa pamahalaan. Hah? Baka walang matirang opisyal sa Palasyo at sa mga departamento ng gobyerno.

***

Hindi na raw tamad si Juan. Hinahamak ang lahat “kahit isang kahig, isang tuka” para mabuhay ang pamilya.

***

Kandidatong muli ang dating gobernador ng Bulakan, Josie dela Cruz sa ilalim ng Partido Del Pilar (PDP). Pangunahing proyekto kung mananalo ay ituloy ang pagtatayo sa Balagtas ng first mega-store complex for cooperatives, farmer-fishermen and small and medium sized enterprises showcasing NFEX’s business system. Ibinalitang may 20 mayor sa 24 na bayan ng Bulakan ang sumusuporta sa kanila ni Pacifico Aniag, ang kaniyang runningmate. Ang makalaban ni Josie ay malamang ang dating ka-live-in sa kapitolyo.

***

Unang ibinunyag noon ni Sen. Madrigal ang alegasyong overpricing ng Villar family sa mga lupang kinailangan sa C-5 project ng gobyerno. Kamakailan naman, sinabi ni Gilbert Remulla ng NP ang umano’y overpricing din sa lupang kinalalagyan ngayon ng SCTEX Tarlac exit sa loob mismo ng Hacienda Louisita ng mga Aquino. Ang NBN-ZTE scam, eh, hindi ba may overpricing din? Sana ang mga naghahangad humalili sa administrasyon Arroyo, eh, ‘yong walang hilig sa overpricing.

***

Pagbabago ang sinisigaw ng LP at NP kung sila ang mananalo. Anong pagbabago? Sino-sino ba ang nasa likod nila ngayon? Karamihan ay sila-sila ring mga kasama noon ng kasalukuyang nasa Palasyo. May pag-asa bang maibangon ang mamamayang lugmok sa hirap ng Pangulong kinatawan ng dynasties, elites, cronies, oportunista at balimbing? Ang ibang trapo ay nililigawan pa, kahit hindi kusang lumalapit. Naku po, baka lalong masasadlak sa dusa ang bayan ko?

***

Maliwanag na nagkakawatak-watak ang mga kasapi sa NPC dahil sa bombang pinasabog ni Chiz Escudero. Nayanig din ang mga trapo sa ibang partido. Ang joke: “No Presidential Candidate,” ang kahulugan daw ngayon ng NPC.

***

 “Escudero can win as an independent presidential candidate,” sabi ni Enrile. May posibilidad nga lalu na kung si Erap, eh, nag-iisip na ng graceful exit para hindi ma-ambush ng Korte Suprema. Maaari rin namang ang pagka-bise-presidente ang lahukan ni Chiz? Pag nangyari, malamang “dagain” sina Mar at Loren.

***

Dahil sa dami ng lalahok sa 2010 presidential elections, ang uupong pangulo ng Pilipinas ay makakatulad na naman sa mga nakaraang halalan. Hindi tunay na pinili ng mayoryang botante. Malayo sa tunay na demokratikong sistemang, kahit simple majority, as 50 plus one percent mula sa suma-total ng mga botante. Ang nagluklok ay boto ng minority at hindi ng majority.

Paquito Rey Pacheco worked for 21 years in Philippine radio broadcasting. He is a former PRO for Radio in the Office of the Secretary of Philippine National Defense and former Chairman of the Rural Broadcasters Council of the Philippines. He was a reporter for Bagong Buhay newspaper. In Winnipeg, he was the News Director of Good Morning Philippines for 13 years on CKJS Radio 810 AM.

 

E-mail: This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it

Have a comment on this article? Send us your feedback