
Opinions
![]() |
Kapag nanalo ang Ginebra |
Masarap ang feeling ng nananalo sa kahit anumang larangan. Champion sa basketball, nanalo sa jueteng o ending, nanalo sa pustahan, sa sabong at iba pang uri ng pagkaka-panalo. Pansin na pansin sa isang tao ang kakaibang ngiti kapag siya ay nanalo sa kahit anumang bagay. Naalala ko tuloy noong kainitan ng Ginebra team sa PBA. Malungkot ang barangay Ginebra kapag natatalo ang tropa ni Jawo. Walang kibuan sa klase, mga nakatungo at tahimik. Pero kapag naman panalo ang Ginebra ay hindi magkamayaw ang kuwentuhan tungkol sa katatapos na laro. Masaya, maingay at masigla ang barangay kapag panalo ang Ginebra.
Mga bandang 8:20 ng gabi noong Miyerkules, Oktubre 27 nang makita natin ang iba’t-ibang reaksyon ng mga tao sa resulta ng civic election. Abot tenga ang ngiti ni Sam Katz nang matapos ang bilangan. Hindi magliligpit ng gamit si Sam sa Mayor’s Office dahil tuloy ang kaniyang panunungkulan sa susunod na apat na taon. Samantala, parang wala halos nagbago sa City Council dahil lahat ng incumbent councillors na tumakbo para re-election ay nanalo. Kasama na rito siyempre ang nag-iisang Fil-Canadian city councillor na si Mike Pagtakhan na unang nahalal noong 2002 at muling pinalad noong 2006, at sa katatapos na civic election noong Miyerkules na kung saan tinambakan niya ng libo-libong boto ang dalawang challengers.
Panalo ring maituturing si G. Marc Lemoine, ang Election Officer ng city dahil sa napaka-ayos, tahimik, at organisadong halalan. Saludo ako sa grupo ni Marc sa pagkakadiskarte ng matagumpay na halalan mula simula hanggang katapusan. Ang hindi alam ng marami, ang automated voting machines na ginamit sa katatapos na civic election dito sa Winnipeg ay katulad din ng ginamit sa Pilipinas noong Mayo para sa kauna-unahang automated election.
Kung tutuusin ang panalo o tagumpay ng mga nahalal na pulitiko ay hindi lamang para sa kanila. Ang tunay na nananalo sa halalang ito ay ang taumbayan. At ang taumbayan ay binubuo ng lahat ng tao sa Winnipeg, botante man o hindi, bumoto man kay Sam o kay Judy. Sumuporta man kay Harvey o kay Lito. Nag-volunteer man kay Mike o hindi. Ang tagumpay ng eleksyong ito ay para sa ating lahat!
Patuloy na magmamasid si Judy sa mga desisyong gagawin ni Sam na nangako naman na bukas lagi ang pinto ng Mayor`s Office para kaya Judy. Magandang senyales ito ng pagbibigay respeto sa naging desisyon ng bayan.
Tapos na ang civic election pero simula pa lamang ito ng pagbabalangkas ng mga programa para sa syudad. Bilang mga stakeholders ng pamayanang ito, karapatan ng bawa’t isa ang makialam sa iba’t ibang civic issues. Hindi sapat na binoto lang natin si Sam o Judy. Mas mahalaga ang patuloy nating pagiging mapagtanong sa mga issues na bumabalot sa ating pamayanan. Alam sana nating lahat kung sino ang ating kani-kaniyang councillor kaakibat ang phone numbers nito, address, e-mail at maging ang website.
Tandaan din nating lahat na hindi natin boss ang Mayor bagkus ang taumbayan ang boss ng lahat ng mga pulitiko. May accountability ang lahat ng mga pulitiko sa bawat programa, polisiya o bagong batas na ipapatupad ng konseho. Magmasid tayo at makialam.
Si Sam ay hindi ang Winnipeg dahil ang Winnipeg ay ikaw mismo at ang lahat ng iba pang taong naninirahan at tinanggap dito.
Ang panalo ng Barangay Ginebra ay laging nakasalalay sa bawat bumubuo nito. Hindi si Jaworski ang barangay kundi ang lahat ng naniniwala sa team na ito.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.