
Opinions
![]() |
Sino ang bida sa Pasko? |
Ilang taon na rin ang nakalilipas ng maranasan ko ang pinakatahimik na Pasko sa buong buhay ko. Nangyari ito nang una akong magdiwang ng Pasko sa Middle East. Hindi holiday ang Pasko dito, kundi ordinaryong working day. Pero mabait pa rin ang may-ari ng kompanya na aking pinagtrabahuhan dahil pinag-half day na lang ang mga Kristiyano para magkaroon kami ng pagkakataon na makatawag man lang o maka-chat ang aming mga mahal sa buhay.
Pag-uwi namin sa flat ay kani-kaniya kaming dumiskarte ng puwesto para makatawag sa aming pamilya. Hindi nagtagal ay nagmistulang call centre ang flat dahil sa sabay-sabay na tawag para batiin ang mga mahal sa buhay ng maligayang Pasko. Maya maya pa, ay may narinig akong hikbi, na unti-unting lumakas at naging hagulgol. Alam kong tinitiis ng bawa’t isa ang hindi mapaiyak dahil sa lungkot na nadarama sa araw mismo ng Pasko. Subali’t nanaig pa rin ang masidhing kalungkutan. Ang mga barako, matipuno at matatapang na OFW ay nalusaw ang mga puso. Sabay sabay na nag-iyakan sa araw na masayang-masaya ang halos lahat ng tao sa Pilipinas.
Dahil sa karanasang ito ay lalo kong na-appreciate ang tunay na kahulugan ng Pasko. Kung sabagay, lalo mong mararamdaman ang sarap ng buhay kung naranasan mo na ang todong sakit at lungkot. Madalas ay malaya nating tinatamasa ang ginhawa ng buhay at dahil dito, nakakalimutan na nating magpasalamat. Kadalasan ang Pasko ay nagiging katumbas ng inuman, kainan at parties na kung saan ang esensiya at diwa ng Pasko ay laging nakakaligtaan. Kung hindi ko pa naranasan ang naging malayo sa aking pamilya at mga kaibigan sa araw ng Pasko ay hindi ko pa tunay na madarama ang mensaheng ipinaaabot ng kapaskuhan.
Kung babalikan natin ang unang pasko ay kapuna-puna ang pagiging payak at aba nito. Hindi sa ospital, bahay o palasyo ipinanganak ang Dakilang Manunubos kundi sa isang sabsaban kasama ng mga hayop. Mula sa pagkakapanganak kay Hesu-Kristo hanggang sa pagkamatay niya ay masasabi nating kaawa-awa ang kaniyang naging karanasan dito sa mundo. Ipinanganak sa sabsaban at ipinako sa krus! Kakayanin ba natin ang naging abang kalagayan ng ating mismong Diyos? At kung ikaw ay isang Ina, papayag ka ba na iluwal mo ang iyong anak kasama ang mga hayop?
Kahanga-hanga ang pag-ibig na iniukol sa atin ng Diyos. Nalilinlang ang mga tao kung sino ba talaga ang celebrant sa araw na ito. Bakit minsan ay mas sikat pa si Santa Claus kaysa sa tunay na may kaarawan. Kamakailan ay nagkaroon ng Santa Claus parade dito sa Winnipeg. Kahit malamig ay nagtiis ang mga tao para masaksihan ang pagdaan ni Santa Claus. Sa kahabaan ng parade ay may nakalimutan ang lahat – ang mismong celebrant.
Nakalulungkot isipin na dahil sa secular na kaisipan ng maraming tao ay pilit na hindi isinasali si Hesu-Kristo sa mismong araw ng Pasko. Dahil sa sobrang talino ng mga tao ay nabibigyan nila ng matibay at logical na argumento kung bakit hindi dapat maging tampok si Hesu-Kristo sa pagdiriwang ng Pasko.
Sa isang Christmas episode ng Family Guy ay lantarang ipinakita sa pamamagitan ng komedya na hindi dapat ipagdiwang ang Pasko kung si Hesu-Kristo ang magiging bida. Mismong Parents Council pa ang nagpatupad nito dahil kailangan daw na maging very secular at non-religious ang pagdiriwang ng Pasko. Habang pinapanood ko ang cartoon TV series na ito ay napa-iling ako at napag-isip-isip kung gaano na kasama ang mundo.
Sa Paskong ito, hindi sana mabalot at matabunan ang tunay na mensaheng ipinaaabot sa atin ng Diyos. Hindi ito ordinaryong kaarawan kundi ito ay pagsilang ng pag-asa.
Ang bida sa araw ng Pasko ay hindi si Santa Claus, hindi ang Snowman, hindi rin ikaw o ako, kung hindi ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Huwag sana tayong mahihiya na ipagdiwang ang kapanganakan ng ating Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.
Happy Birthday po aming Dakilang Tagapagligtas – Jesus Christ!
Inaanyayahan ko kayo na magsumite ng inyong mga kuwento, karanasan at puna sa noellapuz@gmail.com.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Kasalukuyang Executive Assistant ni Point Douglas Councillor Mike Pagtakhan.