Published on

Noel Lapuz     Ritwal sa New Year


Ano ang ritwal mo habang sinasalubong ang bagong taon? Noong bata pa ako, excited ang tropa kong mga batang looban sa paglundag. Pampatangkad daw kasi ito lalo na’t medyo pandak ka kumpara sa iyong mga ka-edad. Bukod dito, ang mga tindera doon sa amin ay inihahanda ang mga barya sa kani-kanilang mga bulsa o supot ni hudas (yun bang parang apron na nakatapis sa tindera na may malaking lalagyan ng pera). Buenas daw kapag meron kang barya sa bulsa at pakakalansingin mo ito habang sinasalubong ang bagong taon. Yung tiyuhin ko naman ay nakagawian ng hampasin ng maso ang bakal na poste ng Meralco. Pambihira ang ingay na bigay ng bawa`t pagpalo niya sa poste. Bilib ba bilib naman ang mga bata habang pinapanood ang tiyuhin kong taun-taon na lang ay napapag-tripan ang poste ng Meralco. Iyun namang kapitbahay naming Intsik ay mayroong malaking palanggana na naka-display sa kanilang sala. Ang palanggana ay may lamang bigas at nakaturok dito ang luya (para daw sa good health), gabi (para daw sa bonding ng family), pera (para dumami pa lalo ang pera niya), pulang ribbon na simbolo ng suwerte at mga coins para sa tuluy-tuloy daw na pag ambon ng suwerte. Siyempre, ang bigas ay simbolo ng masaganang pagkain. Actually, ginaya ko ito noong nagka-pamilya na ako. Pero hindi ko na naipagpatuloy nung mangibang bayan na ako.

Noong kalakasan ko pang uminom ay naghihiwalay ang taon na naglalasingan kaming mga barkada. Biruin mo, nagsimula kaming uminom ng 1994 at natapos kaming uminom ng 1995! Walastik! Sarap ng tagayan! Sisimulan namin sa T5 (Tanduay 5 years) at babanlawan namin ng malamig na beer. Pero sabi sa amin ng matatanda, huwag na raw naming uulitin na maglasing na naghihiwalay ang taon dahil buong taon daw kaming magiging lasing. Parang totoo nga ang sabi sa amin ng matatanda, noong 1995 nga ay puro na lang inuman ang inatupag naming tropa. By the way, gusto kong banggitin ang mga pangalan ng mga tropa ko kahit hiwa-hiwalay na kami. New year naman eh, kaya greetings portion muna tayo. Eto na sila – ang BEC BOYS: Jonathan (Atan) Gregas – nasa Amerika, may magandang asawa at waiting pa sa pagdating ng trophy (baby); Junjun (Anjo) Alcaraz – gwapings pa din pero medyo malapad na ang noo, matagumpay na negosyante sa Pinas, may kambal na anak at humirit pa ng isa; Edwin (Taba) Ramos – pabalik-balik sa China at may sarili ng pharmacy sa Pampanga, mataba pa rin – kailangangang mag-diet; Nathaniel (Anye) Gregas – babaero pa rin hanggang ngayon pero laging ready sa tropa lalo na’t pag may umuuwi ng Pinas, sekreto ang trabaho niya; Angie (London Girl) Felipe – abala pa rin sa tong-its at pag-mamanage ng mga apartments, nag-iisang balake (t-bird) ng tropa – walang mambabastos at uupakan namin; Emil (Pokwang) Ramos – naka base na sa Bulacan at nag-aasikaso ng mga kahayupan, mahirap intindihin pero lagi naming iniintindi; Edwin (Alaksabal) Lardizabal – nagpunta ng Japan hindi bilang dancer kundi isang Engineer, nagbalik-loob na sa… Pinas; Manny (Negro) Hernandez – nasa Tambak pa rin (ang aming lugar na kinalakihan), siga pa rin at patuloy na naglalaro ng gatilyo ng baril – huwag kayong matakot, mabait na tao yan si Negro. Hindi ko syempre makakalimutan ang Godfather ng tropang ito na si Reverend Noel (Tukayo) Baybayang mentor ng grupo, matalino, magaling magluto (at maganang kumain), aktibista - hinihintay ko ang pagdestino niya dito Canada.

Balik tayo sa ritwal kapag bagong taon, siyempre hindi mawawala ang paputok. Sabi ng mga Intsik, ang paputok daw ay ritwal para pantaboy sa mga masasamang espiritu. Kung totoo ito, sana ay magpaputok ang mga Pilipino malapit sa tanggapan ng BIR, Customs, Public Works at sa harap ng mga city halls. Baka sakaling mataboy ang masasamang espiritu. Dito kaya sa Winnipeg, puwede kay tayong magpaputok sa harap City Hall?

Isa pang sikat na personal na ritwal ay ang paggawa ng New Year’s resolution. Number one sa listahan ng mga smokers ay ang pagtigil sa pagyoyosi. Sa mga lumba-lumba naman ang katawan, ay ang pag da-diet. Sa mga babaero naman ay ang pag-dispacha sa mga kulasisi. Sa mga tamad mag-aral ay ang pagiging seryoso sa pag-aaral. Sa mga tsismosa, ang pagkakaroon ng preno sa pagsasalita at ang hindi pakiki-alam sa buhay ng may buhay.

Kung pag-aaralan natin ang lahat ng mga ritwal na ito, isa lang ang nakikita kong common denominator – ang pagbabago. Gusto nating lahat na mapangyari ang pagbabago sa ating mga usual na ginagawa. Gusto natin ng pag-angat sa buhay, maayos na pamilya, successful na career at magandang lipunan. Lahat tayo ay positibo ang tingin at pagsalubong sa bagong taon. Kung visible nga lang ang mga positive stimulus kapag New Year ay ang sarap sarap nitong pagmasdan, hindi ba? Ganumpaman, ramdam natin ang positibong aura sa araw na ito. May pag-asa tayong tinatanaw. Handa tayong sumalubong sa mga bagong pagsubok sa buhay, matapang tayong haharap sa mga problema at taas-noo tayong makikibaka para sa pagbabago.

Anuman ang ating ritwal sa pagsalubong ng bagong taon, gaano man ka-simple o ka-bongga ang pagdiriwang nito, ang mahalaga pa rin ay kung paano natin babalikan ang nakaraang taon para magpasalamat at salubungin ang bagong taon na may bagong pag-asa.

Wala naman sigurong ritwal na matulog ng mahimbing at maghilik bilang pagsalubong sa bagong taon. Kung mayroon man, gumising na po kayo at magsaya, mag-ingay, magpasalamat, mag- awitan at magputukan na tayo!

Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat mula sa inyong lingkod Batang North End at Pilipino Express kasama ng aking pamilya (Gee, ang aking nag-iisang asawa; Kuya Freedom at Franco – ang aking mga anak); sa umampon sa amin ng dumating kami rito sa Winnipeg at patuloy na nakasuporta sa amin – ang aking Ate na si Ellen Gatpayat at ang napakabait kong bayaw na si Kuya Gil Gatpayat (na nag-aalaga pa kay Franco kapag wala kami ni Misis); mga regular bus riders ng Bus No. 16 (Selkirk-Burrows or Manitoba); mga kapitbahay ko sa Flora Place lalo na sa mag-asawang Jim at Maggie Peary - ang aking mga surrogate parents na lahing Metis; mga ka-inuman sa Redwood; mga tropa kong katutubo lalo na kay Lorne Ducharme - isang Cree na nagtuturo sa akin ng kanilang mga awit at salita (at kalokohan); mga graffiti artists at mga alagad ng sining sa Downtown at sa lahat ng mga taga North End, Winnipeg, Manitoba!

Inaanyayahan ko kayo na magsumite ng inyong mga kuwento, karanasan at puna sa noellapuz@gmail.com.

Have a comment on this article? Send us your feedback