Published on

Noel Lapuz     Ang makitira at magpatira

Halos lahat tayo dito sa Winnipeg ay nakaranas na makitira sa unang salta natin. May iba’t iba tayong naging karanasan sa pakikitira. Mayroong masaya, malungkot at minsan ay nakaka-ilang. Kahit pa sabihing ang nagpatira sa atin ay kamag-anak ay hindi mawawala kung minsan ang hindi pagkakaunawaan.

Mabuti na lamang at sobrang bait ng umampon sa amin dito sa Winnipeg. Noong dumating kami dito noong 2009 ay nakitira kami nang ilang buwan sa aking kapatid. Siyempre, kahit kapatid ko siya ay nahihiya rin ako, lalo na ang asawa ko, na makitulog, maki-kain at makitira sa bahay nila nang libre. Ubod din ng bait ng aking bayaw kaya’t lalo kaming nahihiya sa sobra nilang kabaitan. Kaya’t nang magkaroon kami ng pagkakataon na makakita ng bahay na mauupahan ay nagpaalam kami nang maayos at nagpasalamat upang ’ika nga ay magkaroon kami ng kahit papaano ay mapag-uumpisahang tahanan. Isa ang pamilya ko sa masuwerteng nagkaroon ng mabait na pamilya na umaalalay sa amin habang kami ay nasa adjustment period bilang mga bagong dating – at maging hanggang sa kasalukuyan.

Ngunit maraming kuwento akong nalaman tungkol sa mga karanasan ng iba nating kababayan tungkol sa pakikitira at maging magpatira.

Isang nakitira

Isang kababayan, na itago na lang natin sa pangalang Tita Paning, ang mayroong matinding karanasan nang una silang dumating dito sa Winnipeg. Tatlumpung-taon na ang nakalilipas nang binalikan namin ang nakalulungkot nilang karanasan. Una silang nakitira sa bahay ng kaniyang kapatid. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ay pinalayas sila tatlong araw pagkatapos nilang dumating. Twenty dollars lamang ang dala ng kaniyang Tatay noong panahong iyon at wala silang matitirahan pansamantala.

Labing walong taon pa lamang si Tita Paning noon at dama niya ang hinagpis, kalungkutan at awa sa kaniyang mga magulang at mga kapatid dahil sa nangyari. Mabuti na lamang at may nagmagandang loob sa kanila na nagpaunlak ng pansamantalang matutulugan. Hindi kuwarto ang kanilang tinirahan kundi storage. Mabuti na lamang at hindi panahon ng winter noong sila’y dumating. Kung hindi ay matinding ginaw, sakit o maging kamatayan ang dinanas ng kanilang pamilya.

Dahil sa pagsisikap ni Tita Paning at ng kaniyang mga magulang ay unti-unti silang nakaraos sa hirap. Mahabang panahon ang kanilang paghihirap bago marating ang rurok ng tagumpay. Sabi nga ni Tita Paning sa akin, hindi raw siya marunong mag-reklamo dahil lahat na yata ng uri ng sakit at pagod ay naranasan na niya. Kung makikita mo si Tita Paning sa kasalukuyan ay hindi mo sasabihing tatlumpung taon na siya rito. Hindi siya nagyayabang, hindi nag-aastang mataas, kundi bitbit pa rin niya ang pagpapakumbaba bunga na rin ng kaniyang naging karanasan.

Isang nagpapatira

Habang binabaybay ko ang Selkirk Avenue lulan ng Bus No. 16 ay nakakuwentuhan ko ang isang kababayan na kasalukuyang nagpapatira ng kamag-anak. Inis na inis siya dahil ubod daw ng tamad ang kaniyang mga pinatitira. Tatlong buwan na raw na nakikitira sa kanila ay tila walang balak kumuha ng maayos na trabaho at lumipat ng bahay.

Bukod dito, ay wala raw halos hiya kung gumamit ng kanilang mga appliances at hindi man lamang nagkukusang makibahagi sa mga gastusin sa bahay at maging maghugas ng plato at maglinis ng bahay. Hindi naman daw niya masabihan dahil magmumukang napakasama na niya kung sisingilin niya sa mga gastusin. Kilala niya ang kamag-anak na ubod na maramdamin.

Dama ko ang stress na dinadanas ng kababayang ito. Nahihiya siyang pagsabihan ang kamag-anak at baka kung ano ang masamang isipin sa kaniya. Nagpapakiramdaman na lang daw sila ngunit tila manhid yata ang kaniyang kamag-anak. Wala ring pasintabi ang kaniyang mga kamag-anak kung manood ng TV, gumamit ng kanilang sasakyan at bumili ng kung anu-anong personal na bagay tulad ng mamahaling cellphone na sa tingin niya ay hindi praktikal at importante sa kalagayan nila ngayon. Hindi magtatagal ay sasabog na raw siya sa inis at dederetsuhin na niya ang kaniyang kamag-anak at sasabihing maghanap-hanap na sila ng matitirahan.

Isa pang nakitira

May isang kababayan naman ang naka-jamming ko sa inuman na naikuwento ang kaniyang karanasan nang una silang makitira sa kaniyang Tiyahin. Sa unang linggo pa lamang nila ay mayroon ng listahan siyang natanggap na babayaran. Nandoon ang bayad sa tubig, kuryente, pagkain, telepono, cable, gasolina at accommodation sa kanilang pakikitira. Nagmistulang hotel nga raw ang kanilang natirahan dahil lahat ng bagay at services ay mayroong charge. Hindi nagtagal ay nagpaalam ang kaniyang pamilya at kumuha ng apartment. Nagulat sila nang malaman na mas mura pa ang kanilang binabayad sa apartment kumpara sa bayad nila sa pakikitira sa kaniyang Tiyahin. Kaya pala noong paalis na sila ng bahay ng kaniyang Tiyahin ay pilit sila nitong kinukumbinsi na huwag munang umalis. Tubong lugaw pala si Tiyang sa pag-charge sa kaniyang pobreng kamag-anak!

Lahat tayo ay may ibat-ibang naging karanasan noong tayo ay makitira at maging sa mga nagpatira. Kung minsan may pagkukulang ang nakitira at nagpatira. Kadalasan din ay umaabuso ang nakikitira at nagpapatira.

Kung kayo ngayon ay nakikitira pa lamang, sana ay pagsumikapan ninyong makakuha agad ng trabaho upang maka-usad kayo nang unti-unti. Kapag sa palagay ninyo ay kaya na ninyong umupa ng bahay ay magpaaalam kayo nang maayos at magpasalamat sa nagpatira sa inyo.

Sa mga nagpapatira naman, sana po ay habaan n’yo pa ang inyong kabaitan at pasensya sa pagtanggap sa inyong mga pinatitira. Ang hindi pagkakaunawaan ay puwedeng maayos sa pamamagitan ng pag-uusap. Sana rin po ay huwag nating gawing negosyo ang magpatira sa ating mga kamag-anak o kaibigan.

Ang makitira sa hindi mo bahay ay nakakahiya at nakaka-ilang. Ganoon din naman ang magpatira nang mahabang panahon ay medyo nakaka-stress.

Sa pagwawakas, kung magulang naman natin ang darating at titira sa ating tahanan ay huwag po natin silang ituring na nakikitira. Bagkus, tanggapin sila bilang gabay at ilaw ng ating mga tahanan. Ang mga magulang natin ay nagsakripisyo para iwan ang kanilang tahanan sa Pilipinas. Tanggapin natin sila dito nang masaya, maayos, may pagmamahal at malasakit. Iparamdam natin sa kanila na ang mga tahanan natin dito sa Winnipeg ay extension ng ating tahanan sa Pilipinas.

Welcome back sa aking Nanay at Tatay na nagbakasyon mula sa Pilipinas at bumalik na muli dito sa Winnipeg, hopefully for good!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback