Published on

Noel Lapuz     Winnipeg, ito na ba 'yun?

Ano ang naging larawan ng Canada sa isip ninyo bago kayo magpunta dito? Pinangarap n’yo ba ang isang magandang lugar, malinis, maluwag, hindi ma-traffic, maraming nagtataasang gusali, maunlad, isang paraiso? Sa mga iniwan natin sa Pilipinas, kapag nakikita nila ang mga larawan natin sa facebook, pansin n’yo ba na madalas silang nag ko-comment ng “ang ganda naman jan”, “buti pa ikaw nandiyan na sa Canada”, at marami pang mga positibong comments bukod sa pag “like” nila sa inyong mga pictures.

Pag-landing namin dito sa Winnipeg, dalawang taon na ang nakalilipas ay iba ang naging impresyon ko sa itsura ng lungsod na ito. Tila malayo sa itsura ng pinangarap ko noong hindi pa ako nakakarating dito. “Ito na ba ang Canada?” tanong ko sa sarili ko. Parang walang dating, parang hindi nakaka-impress.

Dahil sa Pebrero kami dumating dito at kasagsagan ng matinding winter ay hindi agad ako nakakita ng kapitbahay. Nakakabingi ang katahimikan ng mga unang araw namin. Gusto ko mang maglakad-lakad ay hindi ko magawa dahil sa kapal ng snow sa paligid. Pagsilip ko naman sa bintana ay bihirang-bihira ang nakikita kong tao. Nagbiro tuloy ako sa Ate ko at tinanong ko siya: “May mga tao ba sa kapitbahay n’yo? Wala pa kasi akong nakikitang tao mula nang dumating ako, eh.”

Nakaka-excite ang mga unang araw. Ngunit sa paglipas ng isang linggo, nakakainip na, gusto ko na ng aksyon, gusto ko nang gumala at makipagsapalaran sa bagong lugar na aming piniling manirahan. Natuto agad akong mag bus. Ang Polo Park ang tangi kong alam na landmark, kapag naligaw ako, ito lang ang kailangan kong balikan at tiyak na makakauwi ako sa bahay na aming tinutuluyan. Kabado ako nang una akong sumakay ng bus, pero hindi ako nagpapahalata na bagong salta ako sa Winnipeg. Alerto akong nakikinig kung ano na ang istasyon na susunod para hindi ako maligaw.

Sumakay ako sa free bus o ang Downtown Spirit, kung saan dumadaan sa kada sulok ng downtown. Habang nagmamasid ako sa itsura ng downtown, muli kong nasabi sa aking sarili, “ito na pala iyon, ito na pala ang Winnipeg”.

Magiging sinungaling ako kung sasabihin ko sa aking sarili at sa aking mga kaibigan na napakaganda ng lugar na aking pinuntahan. Minsan ang dami sa ating mga kababayan ang masyadong makapag-kwento kung gaano kaganda dito at gaano kadali ang mamuhay dito. “Punta na kayo dito, madali ang trabaho, maganda pa ang lugar, madali kayong magiging successful!” Ito ang kadalasang pamatay na panlilinlang ng marami sa ating mga kababayan. Akala tuloy ng maraming tao sa Pilipinas ay paraiso ang kanilang pupuntahan.

Hindi kagandahan ang itsura ng Winnipeg. Hindi rin biro ang matinding lamig dito at ang haba ng winter. Hindi madaling maghanap ng maayos at akmang trabaho, lalo na sa mga professionals. Hindi masyadong bongga ang pagdiriwang ng pasko. Hindi nakaka-impress ang kalat at baho ng downtown. Hindi gaanong nakaka-agaw ng pansin ang mga pasyalan. Yun na lang mga beaches dito sa Manitoba, kulay burak. Pasensya na kung masyado akong rude, pero talaga namang kulay burak ang beaches dito.

At isa pang nakakainis dito, wala akong mabiling Tender Juicy hotdog!

Sa kabila ng mga hindi kagandahan sa Winnipeg, ay nandito pa rin tayo. Nagsusumikap mabuhay para maitaguyod ang ating pamilya. Tumatanggap ng mga trabahong hindi akma sa ating mga pinag-aralan. Nilulunok ang pride para lamang umunlad ang buhay. Halos wala tayong pahinga sa pagkayod dahil marami tayong bills na babayaran. Kung dati si Mister lang ang nag-tatrabaho, ngayon pati si Misis ay kayod na rin. Maraming nabago sa ating buhay mula nang matupad ang pangarap nating makarating sa Canada. Ang tanong, masaya ka ba?

Tinanong ko na rin yan sa sarili ko. Masaya ba ako? Nasa itsura ba ng lugar ang kaligayahan ko? Bakit noong nasa Pilipinas ako ay parang hindi rin ako masaya dahil sa kalakaran sa gobyerno at nakaparaming problema? Bakit noong nasa Middle East ako ay hindi rin ako masaya kahit na walang tax ang suweldo ko? Bakit napakahirap kong sumaya kahit nasaan ako? Bakit puro pangit ang nakikita ko?

Ngayon ko naisip-isip na kahit saan man tayo naroon, nasa Pilipinas o dito man sa Canada, ang kasiyahan ng tao ay natutupad kung paano niya tingnan ang mga positibong bagay sa kaniyang paligid. Hindi sukatan ang yaman o ganda ng lugar upang maging maligaya ang isang tao. Ang kaligayahan ay wala sa Winnipeg, wala rin sa Pilipinas, kundi nasa puso ng bawat isa.

Pangit man ang paligid, tiyak na gaganda ito kung bukas ang pinto ng kaligayahan sa ating mga puso. At dahil dito, puwede nating masabi na kahit saan mang dako ng mundo tayo naroroon ay puwede tayong sumaya.

Ito na nga pala ‘yun, Winnipeg – maganda!

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback