
Opinions
![]() |
Utang na naman! |
Isa sa pinakamadaling gawin dito sa Winnipeg ay umutang. Mapa-kotse, bahay, groceries, damit, pagkain, alak, etc. ay pwedeng utangin. Ang payo ng lahat ng banko, kailangan daw na magkaroon ng credit history, lalo na ang mga bagong immigrants kaya’t mag-iisyu sila ng credit card. Kapag mahusay magbayad, lalaki nang lalaki ang credit limit at makalipas lamang ang ilang buwan o taon, kapag maganda ang credit history ng isang tao ay aalukin ito ng utang para pambili ng kotse o bahay. Ang sarap mamili hindi ba? Ang problema ay ang pagbabayad.
Ubos ang baon
Si Rico ay bagong dating dito sa Winnipeg kasama ang pamilya. Galing siya ng Saudi kaya’t may dalang baon na pang-down payment sa pagbili ng kotse. Sa unang linggo pa lamang niya ay inatupag niya agad ang pagbili ng sasakyan para service nilang mag-anak at para gamitin sa paghahanap ng trabaho. Siyempre, hindi cash ang pagkakabili ni Rico ng kotse kundi utang. Nag co-sign ang kaniyang pinsan na siya ring nagpaunlak ng tirahan para sa kaniyang pamilya. Makalipas ang ilang linggo, wala pang makuhang trabaho si Rico. Patay! Paubos na ang baon. Paano na ang bayarin sa kotse? “Babalik na lang ako ng Saudi,” sabi ni Rico sa pinsan niya. “Teka-teka, pano naman ang utang mo? sagot ng pinsan. Nagkagalit ang mag-pinsan, nahila ng bangko ang kotse. Lusaw ang pera ni Rico. At last, nakakuha na ng trabaho si Rico sa bakalan. By the way, dati siyang Project Engineer sa Saudi Arabia. Sa ngayon ay nagtitiis muna si Rico at ang kaniyang pamilya sa pagsakay ng bus. Lesson na natutunan niya dito sa Canada: huwag munang sasagupa sa utang.
Pumirma, nadisgrasya
Halos dalawampung taon na si Allan dito sa Winnipeg. Mapagbigay siyang kapatid. Five years ago ay nakiusap ang kaniyang kapatid na pumirma siya bilang guarantor sa pagbili niya ng kotse. Pumayag naman si Allan. Dinala ang sasakyan sa Vancouver dahil doon nakakuha ng trabaho ang kaniyang kapatid. Si Allan ay nagbalak ding magpalit ng kotse. Bulok na bulok na kasi ang kaniyang minamanehong sasakyan at gusto niyang regaluhan ang sarili dahil sa mahabang taong pagta-trabaho. Si Allan ay walang mintis sa pagbabayad ng kaniyang credit card at anumang pagkakautang. Laking gulat niya ng ma-deny siya sa pag-aapply ng car loan. Lumabas na may bad credit daw siya! Paano ito nangyari? Ito palang kapatid niya sa Vancouver ay natanggal sa trabaho at matagal nang hindi nakakabayad ng kotse. Lesson ng buhay ni Allan: huwag basta-basta pipirma sa pagkakautang ng iba para hindi madisgrasya.
Walang tao ang bahay
Umattend ako ng house warming ng isang kaibigan. Malaki ang bahay, maganda. Bago. Malaki rin ang monthly payment nila. Kaya’t hataw sa trabaho ang mag-asawa. Seven days a week magtrabaho ang mag-asawa. Pareho silang may full time at part time jobs. Bukod dito, ang dalawang anak nila ay tumutulong din sa pagbabayad ng mortgage sa bahay at iba pang gastusin bilang mga working students. Nagkita kaming muli sa bus. Nagkumustahan. Payat na payat na ang kaibigan ko. Halatang laging pagod. Nagsimula siyang magkuwento ng buhay nila sa kasalukuyan. Sabi niya, “Mabuti pa noong maliit lang ang bahay namin, may life pa kaming pamilya, pero ngayon, wala na. ’Yung bahay naming malaki, naging tulugan na lang. Malaki nga, wala naman laging laman.” Habang nagkukuwento ang kaibigan ko ay unti-unti siyang naidlip, siguro dahil sa sobrang puyat at pagod. Ginising ko siya nang malapit na siyang bumaba sa Graham sa may Donald. Bago kami maghiwalay sabi niya sa akin: “Pare, lesson itong nangyari sa amin: huwag maghahangad ng malaking bahay kung hindi pa kaya.
Todong kaskas, nakakabutas
Sa bawa’t pagbili sa supermarkets at department stores ni Evelyn ay kaskas siya nang kaskas ng credit card. Aminado siyang ito ang kahinaan niya – ang shopping to the max. Noong nasa Pilipinas pa lamang ay naging alipin na si Evelyn ng credit card. Bago nga siya makarating dito ay nagkaproblema siya sa kaniyang bangko dahil sa kaniyang mga maiiwang utang. Mabuti na lamang at nagawan niya ito ng paraan. Pero eto na naman si Evelyn. Kaskas na naman nang kaskas. Ang kaso, pagdating ng bills ay hindi niya nababayaran nang buo ang kaniyang utang kaya’t nagkakaroon ito ng mataas na interes. Lumipas pa ang ilang buwan, lubog na siya sa utang mula sa credit card. Pumunta siya sa bangko at nagpaconsolidate ng loan. Pinagsama-sama ang kaniyang utang sa bahay, kotse at credit card. Ang mga maliliit na bagay na dapat sana ay bayad na agad ni Evelyn ay nakapila pa rin sa kaniyang babayarin na tatagal hanggang tatlumpung taon. Sa ngayon, wala na siyang kakaskasin. Lesson mula kay Evelyn: huwag mo munang ikaskas.
Wala sigurong taga-Winnipeg ang walang utang. Kung mayroon man ay bihirang-bihira. Bahagi ng buhay natin ang utang dahil ito ay nakakatulong sa pag-establish ng ating credit history. Kaya lang, kung hindi tayo marunong magbayad sa oras ay tiyak na magiging problema ito. Kung mapapasubo at malulubog lamang tayo sa utang ay makakabuti sigurong huwag muna nating ituloy. Sana matuto tayong maghintay ng tamang panahon. Madaling umutang. Mahirap magbayad.
Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).