Published on

    Food trip

 
 
Batang North End sa Ma Mon Luk Restaurant

Sa kahabaan ng Quezon Avenue malapit sa simbahan ng Quiapo ay matatagpuan ang paborito kong restaurant – ang Ma Mon Luk. Mula pa noong binata ako ay naging parokyano na ako dito. Iba ang sarap, ang amoy at ang anyo nito na para bang nasa dekada sisenta ka dahil sa mga antique na lamesa, plato, kutsara at maging ng mga tauhan. Hindi ito air-conditioned kundi mayroong malalaking sinaunang ceiling fans. Pagpapawisan ka habang nilalasap mo ang numero unong siopao at napakalasang mami.

Madalas akong matakam sa sarap ng siopao at mami ng Ma Mon Luk. Pero matagal pa sigurong panahon bago ko matikmang muli ang paborito kong tsibug. Kaya naman, hindi ako tumitigil sa paghahanap ng kahit paano’y kahawig na lasa ng siopao at mami ng Ma Mon Luk, pero bigo pa rin ako.

Ganumpaman, napapawi ang aking mami-siopao craving ng iba pang mga putaheng natitikman ko dito sa Winnipeg. Marami na rin akong naging paboritong kainan dito na may iba’t-ibang specialties. Tulad na lamang ng tapsilog, pusitsilog at kung anu-ano pang silog sa isang kainan sa Sargent Avenue. Panalo sa lasa ang mga silog dito. Madalas ko pa ngang nakakasabay ang mga Winnipeg Police na naging suki na rin ng resto na ito.

Kung gusto ko naman na tipong piyesta ang kainan ay doon ako pumupunta sa Henry Avenue para sa garantisadong engrandeng handaan. Maraming pagpipilian at para bang dumayo ka sa probinsya nila Chester Pangan.

At siyempre, dahil sa Ilokana ang aking kumander ay tiyak na kasama rin sa itinerary ng food trip natin ang patok sa sarap na kainan sa Arlington sa may kanto ng Manitoba. Number one dito ang pinapaitan, sisig at ang napakasarap na paksiw na bangus.

Syempre, hindi lahat ng napuntahan kong resto o tindahan ay naging positibo ang feedback ng aking panlasa. Mayroon ding mga pagkakataon na medyo bad trip tayo sa lasa ng mga kinain natin. Tulad na lamang ng experience ko sa pagbili ng karyoka sa isang aguahan. Ubod ng kunat ang karyoka! Halatang halatang luma ito pero binenta pa rin. Mula noon ay binura ko na sa listahan ang store na iyon. Bukod sa suplada ang kahera ay makunat pa ang karyoka.

Anyway, balik tayo sa good experience natin sa tsibug. Kung lumpiang sariwa naman ang trip ko ay pumupunta ko sa gawing Maples. Sarsa pa lang ng lumpia panalo na. At kung mag papanghimagas naman, lalo na kung summer, ay doon pa rin ako tatambay sa gawi ng Maples, sakto pagkatapos kong magpa-chiro.

Kung tipong ibang putahe naman bukod sa Pinoy dishes ay mayroon pa rin akong mga paborito. Tulad na lang ng kainan ng noodles sa William – na pag binasa mo ang pangalan ng resto ay para kang nagmumura. Andyan din ang mga dikit dikit na Chinese resto sa King St. At kung gagawi naman tayo ng McPhillips ay tiyak ang stop-over natin para kumain ng ribs ala Lea Salonga.

Minsan trip ko ding kumain ng foul medames (pagkaing arabo) at kubus sa Ellice Ave. Dito naman ay para kong binabalikan ang panlasa ng Middle East. Kung sobra ang gutom ko ay susundutin ko pa ito ng shawarama.

Kapag meryenda naman ang pag-uusapan ay one way ang takbo ko sa bakery sa Tyndall para bumili ng hot at siksik na pandesal. Ang amoy ng tinapay sa labas pa lang ng bakery ay nakaka-attract lalo na sa mga galing ng simbahan. Suki siguro dito si Monsignor.

Ang daming puwedeng puntahan kung gusto ninyong mag-food trip. Syempre huwag kayong aalis na mag-isa lang. Isama n’yo ang pamilya o barkada at i-enjoy ang lasap ng bawat putaheng inyong titikman.

Ang kainan o piging ay naging bahagi na ng kulturang Pinoy. Para sa akin, ang piging ay isang selebrasyon para sa masayang buhay at pasasalamat sa Diyos dahil sa pagbibigay sa atin ng panlasa. Imagine ninyo kung wala tayong panlasa?Walang kuwenta di ba?Walang lasa –Teka, aattend pa ako ng piyesta.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback