|
|
| Saturday, 01 October 2011 00:19 | |||||||
Darating din pala ang panahon na tuluyan ko nang tatalikuran ang napakagastos at nakamamatay na bisyong paninigarilyo. Sinadya kong ilathala o isa-publiko ang desisyong ito para kung sakaling makita ninyo akong naninigarilyo ay maaari ninyo akong harapin at sabihing sinungaling ako. Hindi birong isyu ang pagtigil sa pagyoyosi. Napakahirap, lalo na’t kung ilang dekada na akong naging alipin nito. Sa unang araw ng pagtigil ko ng yosi ay para akong mababaliw. Para akong asong ulol na naglalaway, lalo na kung katatapos ko lang kumain. Hindi rin ako gumamit ng alternatibo sa yosi tulad ng kendi dahil baka naman ang bagsak ko ay diabetes. Kaya ang ginawa ko ay nag-isip ng iba’t ibang paraan upang mapagtagumpayan ang himagsikan ko laban sa sigarilyo. MagastosUna, sinabi ko sa aking sarli na hindi naman ako ipinanganak na may kambal-yosi (parang kambal-ahas ni Amaya, he he). Noong sanggol ako ay dede o tsupon ang ipinasok sa aking bibig at hindi yosi. Dahil dito ay kaya kong alisin ang isang bagay na hindi namang orihinal na nakakabit sa aking pagkatao. Isa pa, ubod ng gastos magbisyo ng sigarilyo dito sa Canada. Kung sa Pinas ay puwedeng patingi-tingi; dito sa Canada, isang kaha ang labanan. At eto pa, ikumpara mo na lamang ang presyo ng yosi sa Pinas at Canada, tiyak malulula ka sa difference. Doon, kung may dalawang piso ka, puwede mo nang magawa ang bisyo mo. Dito sa Canada, kung wala kang at least $12.00 (katumbas ay humigit kumulang sa 500 pesos), wala kang mauupaop na yosi. Kaya kung magkukwenta ka sa gastos mo ng yosi sa loob ng isang taon ay aabot ito ng around $650. Ang halagang ito ay katumbas halos ng 25 sakong bigas sa Superstore o 25 lata ng gatas ng baby ko. LupaypayMahirap simulan ang pag-quit sa yosi. Hindi ko itinatanggi na magpa-hanggang ngayon ay minsan ko pa ring hinahanap-hanap ang kakaibang dulot nito. Pero pilit kong nilalabanan ito sa pamamagitan ng paggawa ng pagkaka-abalahang bagay para ako makalimot sa craving. Bukod sa magastos ang yosi, alam naman nating lahat na nakakamatay ito. Noong nagyoyosi pa ako ay madali akong hingalin. Kaunting takbo ay para na akong matetepok. Pero simula nang tumigil akong magyosi ay sumigla ang pangangatawan ko – ready ako kahit saang bagay na pisikal, hehehe. (Alam n’yo na ang ibig kong sabihin dahil matanda na kayo). Gusto ko ring idagdag na ang patuloy na pagyoyosi ay maaaring mauwi sa pagiging impotente ng lalake. Hihintayin n’yo bang maging walang silbi si Junior? Baka ako gayahinGusto ko ring magpakita nang kahit paano ay magandang ehemplo sa aking tatlong anak na barako. Ayokong pagdating ng araw ay magyosi din sila dahil nagyoyosi din ang Tatay nila. Todo rin ang supporta sa akin ng aking pamilya – malaking bagay ito para sa tuluyan kong pag-quit. Ang bahoIsa pa, hindi n’yo ba napupuna na kumakapit sa damit, lalo na sa jacket, ang amoy ng yosi? Kapansin-pansin ito sa winter at tiyak na nakakabawas ito ng pogi points kapag medyo amoy yosi ka. Mas maganda siguro ang amoy mo ay Irish Spring (bagong goli) kaysa amoy beha. At kapag hindi ka na nagyoyosi, hindi ka na magmumukang tanga na lalabas ng bahay para lang magyosi habang ang temperature ay halos -40 with a windchill of -50! Fall na. Malapit na namang lumamig. Kung may balak kang mag-quit, siguro ito na ang panahon. Man versus cigaretteMaraming beses na rin akong nagtangkang mag-quit pero madalas din akong nabigo. Pero darating din ang panahon nating lahat na smokers o ex-smokers na kakalimutan na natin ang sumpa ni Mr. Boro (Marlboro), Kuya Philip (Philip Morris) at Uncle Winston (obvious naman na Winston). Isa pa, tulad ng sinabi ko kanina, kahiya-hiya ako sa mga taga Winnipeg at mga readers natin kung hindi ko paninindigan ang aking desisyong ito. Alam kong marami sa inyo o may kakilala o mahal kayo sa buhay na hanggang ngayon ay alipin pa ng sigarilyo. Bakit hindi ninyo ipabasa ang article nating ito o puwede ring padalan n’yo ako ng email sa This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it para naman makapagkuwentuhan tayo at magkatulungan. Hindi ako Doktor o Guidance Counsellor, pero sa palagay ko, makakatulong ang simpleng kuwentuhan para ma-motivate ang tao para wakasan ang pagkakabihag sa sigarilyo. Kung ang PC, NDP at Liberal ay napakaraming issues, promises at pambobola na ibinabato sa inyo ngayong panahon ng eleksyon, kakaiba naman ang kampanya ni Batang North End. Simple lang, sumali na kayo sa Himagsikan Laban sa Yosi! Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata- Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Have a comment on this article? Send us your feedback
|




