Print E-mail
Tuesday, 01 November 2011 00:19

    Paalam, pinsan

Winnipeg, Lunes, October 24, 2011, mga bandang alas 8:30 ng umaga. Nakatanggap ako ng e-mail mula sa aking Ate upang ipabatid ang isang nakalulungkot na balita. Inatake sa puso ang isa sa pinaka-malapit kong kaibigan at paboritong pinsan na nasa Pilipinas – si Manny Hernandez. Binawian siya ng buhay ilang oras pa lang ang nakalilipas habang ginagawa ko ang artikulong ito. Mas bata sa akin si Manny. Kuya Noel nga ang tawag niya sa akin. Halos sabay kaming lumaki at nagka-isip sa isang payak na komunidad sa Tambak-Hagonoy, Taguig. Marami kaming pinagdaanan ni Manny.

Mula sa pagiging bata, halos sabay kami ni Manny na sinalubong ang mga pagsubok at hamon ng buhay. Madalas kaming mag-usap ng kung anu-anong bagay mula sa mga plano sa buhay, pulitika, relihiyon at pag-ibig. Isa si Manny sa grupo ng BEC (Beer and Cornick) Boys na minsan ko na ring nailathala sa aking kolum. Kasabay ng BEC Boys si Manny na tumawa, umiyak, nalasing, nalungkot, nagalit, nangarap at nanalig.

Minsan din kaming naging aktibo sa simbahan – sa Bagumbayan Evangelical Church (BEC) na pinagkukunan talagan ng grupo naming BEC Boys. Halos araw-araw kaming nagkikita ng grupo sa simbahan at sa labas ng simbahan. Bagamat aminado ang grupo namin na kami ay pala-inom ay hindi naman nawawala sa aming puso ang pundasyon ng aming Kristiyanong pananalig. Masasabi ko na si Manny ang pinakamahusay na mag-lead ng panalangin sa aming grupo. Sa Vacation Church School sa Paso, Bagumbayan kung saan naging volunteers kaming grupo ay doon ko unang narinig na maglead ng prayer si Manny. Pinuri pa nga siya ni Ate Leah Perfecto (ang aming Christian Education Director) at nagbiro pa na para daw siyang Pastor kung manalangin.

Kapag dumadalaw siya sa bahay namin sa Signal Village, Taguig ay lagi ko siyang ni-rerequest na mag lead ng prayer bago kami kumain. Sabi nga ng panganay kong anak na si Freedom ay para daw laging may misa kapag nagdadasal si Tito Manny niya. Laging taimtim kung manalangin ang aking yumaong pinsan.

Bagamat mas bata si Manny sa akin ay may mga pagkakataon din na ako ang binibigyan niya ng payo lalu na sa aking mga kahinaan. Ang payo niya ay dinadaan niya sa biro at pang-iinis. Siya rin ang nagbansag sa akin bilang “Labo”. Pinsan ko siya ngunit mas matimbang ang aming pagkakaibigan.

Huli kaming nagkita nang personal noong 2009 bago ko nilisan ang Pilipinas kasama ang aking pamilya. Ibinilin ko pa sa kaniya ang aking mga magulang at kapatid. Ang huli kong sinabi sa kaniya ay “Pinsan, paki tingnan-tingnan na lang sila Nanay at Tatay dito ha?” Hindi ako nagkamali ng bilin ko kay Manny. Lagi nga siyang nakaantabay lalu na noong panahon na na-ospital ang aking pamangkin. Si Manny ang pinakamadaling tawagin para hingan ng oras para tumulong.

Noong isang buwan ay nag-post ng picture si Anye (miyembro ng BEC Boys) sa Facebook kasama ang grupo. Birthday celebration iyon ni Anye. Ubod ng dami ang mga comments sa picture dahil nandoon si Manny, Anye, Ate Angie, Toto, Edwin Alaksabal, Edwin Taba, Sheila at Rio. Absent siyempre ako, si Athan na nasa U.S. at si Anjo na busy sa mga anak. Hanggang noong isang linggo ay may nag-co-comment pa sa picture dahil nagkalabasan ng mga lihim na kalokohan ng BEC Boys. Kahit sa Facebook lang ay nagkatuwaan kami. Hindi ko alam na yun na pala ang huling picture ng grupo na buhay si Manny.

Gusto kong umuwi ng Pilipinas para masilayan ang labi ng aking mahal na pinsan at kaibigan. Pero hindi ko ito basta-basta magagawa.

Pang-apat si Manny sa mga malapit kong kaibigan na namatay. Una si Resty Villaverde ng Kulturang Alyansa ng Taguig, pangalawa si Ka Pablo Pascua, ang aking Tatay-tatayan sa Munisipio ng Taguig, si Pareng Romy Bilaw na aking kasama sa pakikibaka at si Manny Hernandez ang aking pinsan, kaibigan at katropa kahit kailan.

Ngayon ko lalung naramdaman ang pagiging sagrado ng paggunita ng Undas. Ang paggunita sa mga yumao nating mahal sa buhay ay maituturing din bilang panahon ng pagpapasalamat sa kanila. Hindi na natin maibabalik ang kanilang buhay dahil ito’y hiram lamang natin sa Diyos. Ngunit maaari nating buhayin ang kanilang magandang alaala at puwede nating balik-balikan ang ibinahagi nila sa mundo noong sila’y nabubuhay pa.

Hindi lamang sana ang komersyalismong trick or treat ang pag tuunan natin ng pansin ngayong November 1 kundi ibaling din natin ito sa pagninilay-nilay at paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay.

Ang paggunita ko ngayong Undas ay iniaalay ko sa aking mga mahal sa buhay at mga kaibigan na yumaon na lalung-lalo na kay Manny Hernandez. Paalam, pinsan.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata- Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback