|
|
| Sunday, 01 January 2012 00:00 | |||||
Teka muna, nagkakanda-kuba ako sa pagtatrabaho pero sarap buhay ang mga lintik na ito! At makakapal ang mga mukhang manghingi sa akin ng pera. Hindi yata parehas ito. At eto pa, exempted sila sa pagbabayad ng buwis at maraming benepisyo mula sa gobyerno kumpara sa akin na visible minority lang. Pilit kong iniintindi kung bakit ganito ang sistema ng buhay ng maraming katutubo na napadpad sa .siyudad. Pilit ko ring kinukumbinsi ang aking sarili na malaki ang utang na loob ng mga migrante sa kanila dahil sila ang unang tao dito sa Canada. Pero nakakapundi rin. Racist ba akong ituturing kapag pinuna ko sila? Hindi ko naman sila binabastos kundi sinasabi ko lang ang nakikita ko – ang realidad ng buhay sa downtown, sa North End at iba pang bahagi ng Winnipeg. Tiyak yung mga pulitiko ay duwag na isapubliko ang katotohanan tungkol sa problema kaugnay ng mga katutubo. Mataas ba ang respeto nila sa mga katutubo o takot lang silang maging unpopular sa pagtalakay sa isyung ito? Ang latest count para sa taong ito ng homicide sa Winnipeg ay 34 cases na. Napakataas nito kumpara sa ibang siyudad sa Canada. May mga usap-usapan na nga kung crime capital na ba ng Canada ang Winnipeg. Sa mga kasong homicide, robbery, droga at ibang pang crime-related incidents, kapansin-pansin na malaking porsyento ang partisipasyon dito ng mga katutubo. Dapat na ba tayong ma-alarma? Nasaan na yung mga pangako ng mga pulpol na MP, MLA, Mayor at mga Councillors tungkol sa pag-solve ng crime? Tapos na kasi ang eleksyon, kaya siguro petiks muna sila. Gusto kong linawin na hindi ako galit sa mga katutubo. Galit ako sa sistema kung bakit sila nagkaganito. Ang sistemang bulok. Sa aking part-time job sa isang research firm ay naging subject ng aming study ang kalagayan ng mga Indian reserve communities sa mga liblib na lugar ng Manitoba. Nag-conduct kami ng mga panayam sa maraming reserve communities at doon ay napatunayan ng aming study ang third-world na kalagayan ng mga kawawang katutubo sa reserve. May pagkakataon na halos mapaluha ako sa ibinahagi ng isang katutubo tungkol sa kalunos-lunos na sistema sa kanilang komunidad. Mababa ang uri ng edukasyon, may problema sa pamamahala sa komunidad, hindi sapat ang basic services, walang maayos na daan. Bulok ang sistema! Maraming kabataan sa reserve communities ay hindi nakakatapos ng pag-aaral. “Some high school students can’t even spell their names and do simple math,” sabi pa ng isa kong nakapanayam. Wala daw kasing nagtatagal na magturo sa mga paaralan sa reserve communities. Malayo sa kabihasnan. Mahirap ang buhay. At maaaring pinagsasamantalahan sila ng mga nasa posisyon sa gobyerno at mismong mga lider ng kani-kanilang mga tribo. May suliraning pang-internal ang mga katutubo. Base sa aking mga panayam, ang mga ordinaryong katutubo ay walang tiwala sa liderato ng kanilang mga band councils, sa lokal na pamahalaan, sa provincial government at federal government. Tila wala na silang tiwala kahit kanino. Karamihan sa mga kabataan sa reserve ay nakikipag-sapalaran sa siyudad, partikular sa Winnipeg. Makikitira sila sa mga kaibigan o kamag-anak. Maghahanap ng pag-asa sa siyudad pero kadalasan ay mauuwi sa kapahamakan ang kanilang buhay. Sa totoo lang, tuwing makakakita ako ng mga pasaway na katutubo sa downtown o kasakay ko sa bus ay nag-iinit ang ulo ko. Pero, sa kabilang bahagi ng utak ko ay may nagtatanong kung bakit sila ganito? Hindi ba puwedeng ugatin natin ang dahilan? Baka sakaling kapag nalaman natin ang ugat ng suliranin ay makabuo tayo ng mas epektibong solusyon para sa kinabukasan ng mga susunod na katutubo sa Manitoba. Minsan, gusto kong mag-integrate sa aboriginal communities para lalu ko silang makilala. Para mainitindihan ko nang lubusan ang kanilang kasaysayan, kultura at pananaw sa buhay. Pero hindi ko alam kung katang-tanggap ba ako sa kanila. Nangangarap ako ng isang payapang Winnipeg sa darating na panahon na kung saan ang mga katutubo ay nangunguna sa pagsulong ng ekonomiya, kultura, edukasyon at tapat na pamamahala sa ating lipunan. Pangarap ko rin na makita ang tunay na development sa mga Indian reserve communities sa lalong madaling panahon. Taong 2012 na, magsimula ulit tayo ng bagong pag-asa para sa lahat, regardless kung anuman ang ugat ng ating lahi. Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata- Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP). Have a comment on this article? Send us your feedback
|




