Published on

Batang North End ni Noel LapuzGirl, boy, bakla, tomboy

Lumaki ako sa komunidad na kung saan ang asaran ay parte na ng buhay naming mga bata. Pag pikon ka, talo ka. May kani-kaniya ring bansag ang marami sa amin. Nandyan si Lisang Tuga, Danny Daga, Oging Tipaklong, Allan Pandak, Boy Sebo, Noel Labo (ako) at Landong Bakla. Sanay ako sa asaran na madalas ay nauuwi sa pagka-pikon at away bata.

Palibhasa’t mga bata kami ay hindi namin alam na kami pala ay nambibiktima na ng kapuwa namin bata. Na kami pala ay nagiging bully na sa aming mga kalaro. Na ang asaran namin ay kinikimkim pala ng ibang mga bata at nadadala nila ito hanggang sa kanilang pagtanda. Guilty ba ako sa pagiging bully noong ako ay bata pa?

Lumipas ang panahon, unti-unti kong na-realize na mali ang sobrang asaran at pagbansag ng kung anu-anong karakter o hayop sa kapuwa. Unti-unti kong natanggap na nag-eexist ang ibang kasarian bukod sa lalake at babae. Unti-unti kong binigyang respeto ang kalayaan ng taong pumili at magdesisyon kung ano talaga ang kanilang nararamdaman.

Noong hindi pa ako mulat sa katotohanang ito, ginagawa kong katatawanan ang ganitong uri ng kasarian. Dahil na rin sa maling pakikitungo at orientation ng lipunan sa mga bakla at tomboy, kinagisnan ko ang pagtawanan at minsan ay hamakin pa ang kanilang mga uri. Isang diskriminasyon ito na aking pinagsisihan bandang huli.

Natanggap ko nang buong puso ang kanilang existence. In fact, nagkaroon ako ng kumare/kumpare na isang tomboy. Ninong/ninang siya ng aking panganay na anak. At minsan ay nagtanong ang aking anak kung ano raw ang itatawag niya sa kaniyang Ninang? “Ninong po ba o Ninang.” May kalituhan siya noon, pero ngayong 13 years old na siya ay alam na rin niya ang magbigay respeto sa mga kauri ng kaniyang Ninang/Ninong.

May isang insidente na hindi ko malimot kaugnay ng pagdi-discriminate ng ilan sa mga bakla at tomboy. Early 1990s, umiinom kami sa Cowboy Grill sa Malate kasama ang buong tropa kabilang ang aking kumpare/kumareng tomboy. Nung nagpunta siya ng CR ay laking gulat niya nang pigilan siya ng bouncer o bantay na pumasok sa ladies room. Sinabi niyang babae siya pero kinutya-kutya lang siya ng bantay. Bumalik siya sa aming upuan na hindi nakapag-washroom. Sinabi niya ang dahilan at nung ding oras na yun ay tumayo kaming lahat at sinugod ang bantay. Binugbog namin ang nang-bully sa aming kaibigan. Nauwi sa riot ang gabing iyon dahil sa pambabastos sa kasarian ng isang tao na ultimo pagpasok sa washroom ay isang malaking challenge para sa kaniya.

Ilan pang bakla o tomboy ang nakararanas ng ganitong diskriminasyon? Pinili ba niyang maging ganito o talagang ganito siya talaga. Na kahit tinatago niya dahil baka patayin siya ng kaniyang sundalong Ama ay hindi niya maitatangging ganito ang kaniyang kasarian.

Ipinagmamalaki ko ang aking mga kaibigan na ganito ang kasarian na namumuhay nang maayos at maituturing na mga asset ng lipunan. Isa na rito si Ate Elvie (Elvinaryo) na tinuring naming Nanay-nanayan noong ako ay OFW pa sa Qatar. Palibhasa’t may pusong Nanay, ay siya ang nakaalalay sa amin sa home management. Puro kami barako sa flat (apartment) kaya’t siya ang tumayong taga-organisa ng disorganized naming sistema. Hindi namin siya katulong, in fact, finance manager siya ng aming pinapasukang company. Sadyang mala-Nanay lang kung mag-asikaso siya sa amin. Isa pa, walang pagsasamantala o halong kalaswaan ang pakikitungo niya sa amin.

Mainit ang usapan tungkol sa Bill 18, a proposed law which combats bullying, protects our children and ensures that our schools are safe spaces. Kabilang dito ang pag-respeto sa anumang sexual orientation ng isang tao o estudyante. Sa aking pananaw, ito ay isang pagdiriwang ng civil liberties at fundamental human rights o karapatang-pantao ng sinumang nilalang.

Mayroon din namang mga sumasalungat bunsod ng kanilang faith at paniniwala.

Sa aking palagay, dapat sigurong buksan natin ang ating isipan na ang mga taong ito ay kasama natin bilang mga tao rin. These people exist. At marapat lamang na bigyan natin sila ng respeto tulad ng pagbibigay natin ng respeto sa ating mga sarili. Kasabay nito ang ating pagyakap sa isang lipunan na nagbibigay galang sa iba’t-ibang paniniwala at pananampalataya.

Kapayaan ang sumaating lahat.

Si Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Have a comment on this article? Send us your feedback