Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Ang boto mo!

ni Noel Lapuz

May nanalo na pero hindi pa rin naiintindihan ng maraming mga Pinoy Canadians ang istruktura ng eleksyon sa Canada. Hindi alam kung sino-sino ang mga kandidato, ang mga partido at mga general information on how election works. Ito marahil ay dahil sa kakulangan ng gobyerno na patuloy na i-educate ang mga tao lalung-lalo na ang mga bagong Canadians tungkol sa electoral process.

Bakit mahalaga ang information about government and public governance? Ang mga batas na ipinatutupad ay bunga ng mga pinag-aaralan at pinagde-debatehan sa tatlong level ng gobyerno; ang federal, provincial at city or municipal. Ang mga batas ay direkta o inderektang nakakaapekto sa ating lahat bilang mga mamamayan. Halimbawa, ang pagtaas ng property taxes ay pinag-uusapan sa city level. Ang improvement ng health care ay sa provincial at ang immigration policies ay binabalangkas naman sa federal level.

Matatandaan na bahagi ang mga ito sa pagsusulit at reviewer bago kumuha ng Canadian citizenship. Subalit marami sa atin ang walang panahon, interes o sadyang nakakalimutan lamang ang mga impormasyong ito.

Heto ang mga tanong na dapat sana’y pinag-uusapan or pinag-aaralan natin:

Ano ba ang silbi ng inyong konsehal o nakita n’yo na bang muli ang inyong konsehal o nabalitaan man lamang matapos ang eleksyon noong nakaraang taon? Bago mag-election ay siguradong magpaparamdam na naman sila. Anyway, ano ba ang ginagawa nila para sa iyo at iyong pamilya? Nararamdaman mo ba? Ang address mo ba ay bahagi ng bagong hatian o biyakan ng provincial ridings? Nagtanong ka ba kung bakit mayroon ng Winnipeg-Burrows and Winnipeg-McPhillips? Bakit nakakatakbong kandidato ang isang Manitoban sa isang lugar kahit na hindi naman doon siya nakatira? Bakit mayroon na namang election, eh, bumoto na ako noong isang taon? Kailan ulit ako boboto? Sino ba ang opposition parties sa federal at provincial? Si Palister ba ulit ang Premier ng Manitoba? Totoo bang nagkatanggalan o magtatanggalan ng mga health workers? Anong ahensya ng gobyerno ang napapabalitang ipa-privatize? Ok ba ang privatization? Sinong partido ba ang may pinakamalaking gastos noong sila ang nakaupo? I could go on and on dahil napakaraming mga tanong na dapat nating hinihimay at pinag-aaralan nang husto.

Hindi lahat ng tao ay interesado sa ganitong uri ng usapan. Pero, I would encourage everyone na kahit paano sana ay magbasa tayo ng mga news feeds tungkol sa ating lipunan para may basehan tayo kapag darating na ang panahon ng pagboto. Hindi puro tsimis at hugot ang pino-post sa FB.

Ang nangyayari kasi madalas ay hindi tayo prepared or hindi natin alam kung sino ang dapat iboto dahil wala tayong alam sa mga nangyayari sa bansa. Kaya tuloy ang nagiging basehan natin ay yung recommendation ng ating kaibigan o ng kung sinuman. Kaya tuloy, nakaboto tayo nang walang sapat na kaalaman. Ang masakit nito, nakasalalay ang future nating lahat sa pagpili natin kung sino ang uupo sa ating gobyerno.

Halimbawa, putak ka ng putak ngayon dahil sa legalization ng marijuana. Galit na galit ka dahil hindi ito ayon sa iyong paniniwala. Pero ang ibinoto mo naman sa nakaraang federal election ay Liberal party. Sino bang partido ang nag-legalize ng marijuana? Aral-aral din ng desisyon kapag may time. Hindi ulit naakbayan ka at nakipag-selfie ka sa kandidato o nakipag-kape ka sa MacDo sa kaniya ay iboboto mo na. Esep-esep din.

Pahabol. Mayroong isang talunang elected official na ipinagmamalaki sa mga umpukan na napakadali daw di-umano ng kaniyang trabaho dahil ang tanging ginagawa lang niya ay umuupo sa session, manahimik, no participation at relaxed, pero kumikita daw siya at sumasahod nang ayos. Nakakapag-init ng ulo ang mga comments na ganito, kahit biro o buladas lang. Parang tirada lang ng mga mala “Erap” na trapo sa Pinas.

I would like to congratulate all Manitobans who voted and participated in our electoral process. Karapatan natin bilang mga Canadians ang bumoto. Gamitin natin ito. Sa mga nanalo, sana ay magtrabaho kayo nang maayos; huwag tatamad-tamad at huwag puro pa-epal lang.

Ang susunod na election ay ang federal election sa October 21, 2019. Again, mag-aral tayo, makibalita, makipag-diskusyon sa mga issues, dahil mahalaga ang boto mo!

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback