Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Love, kindness and humility

ni Noel Lapuz

Mahigit sampung taon na akong hindi nakakauwi ng Pilipinas. Sinimulan ko ang paglisan ng Pilipinas noong 2002 nang maging OFW ako sa Qatar at lumipat ng Dubai. Hanggang sa taong 2009 ay napadpad ako kasama ang aking pamilya dito sa Winnipeg. Kapag sumasapit ang Pasko ay lagi kong binabalikan ang iba’t ibang uri at itsura ng pagdiriwang nito base sa aking kalalagayan at kung saan ako naroroon.

Pasko sa Pinas noong 80s - 90s

Naging active ako sa simbahan, barkada at parliamento ng lansangan sa mga kapanahunang ito. Ang pagdiriwang ko ng Pasko noon ay nakadepende sa kung ano ang aking mga obligasyon sa simbahan at mga organisasyong aking kinasasapian. Laging kasama dito ang walang humpay na kainan at inuman. May mga panahong halos gabi-gabi ay umiinom ako ng alak at laging lasing dahil sa mga walang katapusang parties. Ang inuman ay naging tradisyon na tuwing araw ng Pasko. Walang kuwenta ang handaan kung walang bidang alak.

Ang pagdiriwang ko ng Pasko noon ay nakatuon puro sa kasiyahan at pakikisama. Bagama’t mulat ang aking kaisipan sa aking mga pananagutan sa lipunan ay masasabi kong nalunod pa rin ako sa pagdiriwang ng Pasko nang walang pakialam sa tunay ng kahulugan nito.

Pasko nang may asawa at anak

Nabago bigla ang pagdiriwang ko ng Pasko noong mapadpad ako sa Middle East noong early 2000s. Magkahalong kasiyahan at lungkot. Masaya dahil nakakapagpadala ako ng mga regalo at pangangailangan ng aking mga mahal sa buhay. Ubod ng lungkot, dahil ibang-iba ang magdiwang ng Pasko sa ibang bansa lalo na sa Muslim countries. May mga panahon nga na hindi ko naramdaman ang Pasko dahil sa regular working days ito sa Middle East at depende sa inyong employer kung bibigyan kayo ng bakasyon kapag Pasko.

Habang ang mga tropa mo sa Pinas ay nagkakasiyahan at lasing sa alak at tawanan ay nandoon ang mga OFW na normal na araw lang ang Pasko kung saan sila ay nagtatrabaho pa rin at minsan ay overtime pa. Bagama’t mayroon namang mga handaan at parties sa ibang bansa ay isinisingit lamang ito at hindi kasing-haba ng kasiyahan sa Pilipinas.

White Christmas

Taong 2009 nang una naming maranasan ang white Christmas sa Canada. Masasabi kong family-oriented ang bansang ito. Hindi mawawala ang mga kainan, kantahan, sayawan at walang humpay na kasiyahan kapag Pasko. Ang ibang malalaking angkan ay nagre-rent pa ng venues para ma-accommodate ang buo nilang pamilya at kamag-anak. Walang question, masaya ang mga celebrations na ito.

Yung iba naman ay pumapasyal sa iba’t ibang lugar kapag Pasko. Christmas season is a break from our usual activities from work, school o sa kung anuman ang ating pinagkakaabalahan. After the holidays ay balik lahat tayo sa normal. Back to work!

Nakalimutan ang celebrant

Anuman ang setting o saan man tayo naroroon sa pagdiriwang ng Pasko, kadalasan mayroon tayong nakakalimutan. Guilty ako dito dahil sa nalulunod tayo sa dami ng ating mga ginagawa at natatakpan ng mga tradisyon ang tunay na celebrant ng Pasko.

Kailangan talaga nating mag-take ng breaks from our usual na ginagawa and to celebrate with our families ngayong kapaskuhan pero sana huwag nating kalilimuntan ang reason for the celebration base sa ating paniniwala.

Kung wala kayong paniniwala sa Pasko ay hindi ito applicable sa inyo at hindi ko rin kayo pinipilit na i-celebrate ang Pasko sa paggunita kay Cristo. Isa pa, nirerespeto ko ang inyong paniniwala at kawalang paniniwala.

Para sa mga Kristiyano na bitbit pa rin at isinasabuhay ang Pasko sa kabila ng napaka-secular na panahong ito, sana ay ipagpatuloy natin ang pananampalataya. May karapatan tayong ipahayag ang ating pananampalataya. Dahil tayo ay namumuhay sa malayang bansa. At the same time, igalang din natin ang ibang paniniwala at pananampalataya.

Family values

Kung kilala ninyo ang aking mga anak ay tanungin ninyo sila kung ano ang guiding principle ng kanilang buhay. They will tell you: “Spread love and kindness and always be humble.” Hindi ito batas ng aming tahanan kundi ito ay ang values na lagi naming isinasaisip at gawa. Sa lahat ng aming ginagawa, iniisip namin lagi kung ito ba ay makapagpapahayag ng kabutihan at pag-ibig at huwag na huwag magiging mapagmataas. Always be humble. Ang kababaan ay isang virtue. Hindi kailangan ipagyabang ang mga accomplishments.

Ang values na ito ay mismong esensya ng Pasko. Ipinanganak si Kristo dahil sa pag-ibig niya sa sanlibutan at ipinalaganap Niya ang kabutihan sa sangkatauhan. Isa pa, hindi Siya dumating sa mundo sa magarbong setting bagkus ay sa payak na sabsaban.

Giving back to the community

Ang reflection ko ngayong Pasko ay ang patuloy kong pag-give back sa community sa aking napakaliit na paraan. Hindi ako mayaman at wala akong resources para mag-dole-out ng malaking tulong sa mga nangangailangan. Pero natitiyak kong hindi ako pababayaan ng mabuting komunidad ng mundo para itaguyod ang pagmamahal sa kapuwa tao.

Ngayong Pasko, sana ay mag-isip tayo sa kung ano ang maaari nating ibahagi sa mundong ito in our own little ways. Maaaring ito ay para ating pamilya, kaibigan o mahal sa buhay o sa ating komunidad.

Sa palagay ko, matutuwa ang celebrant ng Pasko kung ang ating mundo ay mapupuno ng kabutihan at pag-ibig.

Maligayang Pasko sa inyong lahat. Let us continue to spread love and kindness and always be humble.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback