Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Galit at diskriminasyon

ni Noel Lapuz

May dalawang sakit sa mundo na matindi pa sa COVID-19 pandemic. Walang bakuna para dito. Mabilis itong makahawa at maramdaman. Kahit saang sulok ng mundo ay mayroon nito. Ito marahil ang dalawang pinakamatinding sakit ng planetang ito na hanggang ngayon ay namamayagpag pa rin.

Hatred and discrimination

Galit at diskriminasyon ang dahilan kung bakit ang mga inosenteng Muslim family sa London, Ontario ay sinagasaan hanggang sa mamatay. Nakaligtas ang siyam na taong bata na sa isang iglap ay naging ulila.

Galit at diskriminasyon ang ugat ng pagkakamatay ng 215 batang katutubo at marami pang hindi natutuklasang bangkay sa mga residential schools sa Canada. Ilan pang mass burial sites ang inililihim ng madilim na kasaysayan ng Canada?

Galit at diskriminasyon ang dahilan ng palitan ng missiles ng mga Palestino at Israelita na kumitil sa maraming buhay. Ito ang ugat ng digmaan. Ito ang ugat ng paghihiwalay. Ito ang mga tunay na pandemya.

Ano ba ang magagawa natin bilang bahagi ng malayang lipunan kung sakaling nakasaksi o nakaranas tayo ng hatred and discrimination?

  1. Kondenahin ang anumang uri ng racism, hate crimes or hate speech saan man ito nangyayari. Huwag nating pagtakpan at huwag tayong magbulag-bulagan dito lalo na’t kung ito ay mismong nangyayari sa loob ng ating tahanan, samahan, o workplace.
  2. Maging sensitibo at responsableng mamamayan. Isipin nating mabuti kung ang ating sasabihin, isusulat o gagawin ay mag-uudyok ng galit sa ating kapuwa. Huwag sana tayo ang pagsimulan ng galit at diskriminasyon.
  3. Buksan ang kaisipan sa pagbabago at isabuhay ang diversity. Tanggapin natin ang lahat maging sinuman sila. Hindi kailan man tayo magiging magkapareho sa lahat ng aspeto ng ating buhay at ng mga paniniwala ngunit hindi ito dahilan ng ating paghihiwalay at pag-aaway.
  4. Manindigan sa katuwiran at pagkakapantay. Tumindig tayo at maging matapang. Pantay-pantay dapat ang bawat isa. Walang may pribilehiyo dahil sa kanilang kulay at estado sa buhay.
  5. Makinig. Kung pinapakinggan natin ang bawat isa ay nagkakaunawan tayo. Kadalasan ang ugat ng galit at diskriminsayon ay ang kawalan ng kaalaman dahil sa hindi natin pakikinig at pag-unawa.
  6. Pag-ibig ang gawing pundasyon. Isapamuhay natin ang pag-ibig kahit saan, kahit kalian.

Acceptance, apology, and reconciliation

Walang pagkakasundo kung walang pagtanggap ng kamalian at paghingi ng tawad sa mga pagkakasala. Hindi tayo uusad sa isang malayang mundo kung patuloy na magmamatigas ang mismong mga institusyon na dapat sana’y nagiging ehemplo ng pagpapakumbaba at pagpapatawad. Mapapatawad mo ba ang gumawa ng krimen kung hindi naman nito tinatanggap ang pagkakasala at humihingi ng tawad? Paano kung baligtarin natin ang pagkakataon? Paano kung ang mga wala sa kapangyarihan o mga ordinaryong tao ang nagkasala sa mga haligi ng institusyon ng lipunan?

Hindi na natin mababago ang kasaysayan ng mundo ngunit dapat ay natuto tayo sa mga kamalian nito.

Hindi na natin maibabalik ang buhay ng 215 bata na ibinaon sa mga Catholic church-run residential schools, ang buhay ng mga pinaslang na pamilya dahil sa sila’y Muslim, ang buhay ng mga inosenteng Palestino at Hudyo na namatay sa digmaan, ang buhay ng mga pinatay dahil sa kanilang kasarian.

Ngunit maaari pa tayong magmulat ng kaisipan ng mga bagong henerasyon na hindi masama ang pagiging isang katutubo, na hindi masama at hindi nakakahiyang mahalin ang ating lahing Pilipino, na hindi masama at hindi pangit ang pagiging maitim at hindi ka katanggap-tanggap kung iba ang iyong kasarian at hindi masama kung ang paniniwala mo ay iba sa nakararami.

Ang malalang sakit na galit at diskriminasyon ay walang solusyong bakuna ngunit ito’y kayang gamutin kung isasabuhay natin ang pagmamahal sa kapuwa anuman ang kanilang kulay, uri, estado at paniniwala sa buhay.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback