Published on

Batang North End ni Noel Lapuz

Hindi ang mga Marcos ang biktima sa Edsa

ni Noel Lapuz

Kung bakit sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay parang kakaiba ang nararamdaman ko sa paggunita natin ng Edsa Revolution ngayong taong ito. Parang bumabalik ang euphoria at humahalo ang paghihimagsik ng damdamin.

Nakakailang or awkward sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na gunitain ang People Power Revolution dahil sa panahong ito ay ipinatalsik ng taumbayan ang kanilang pamilya na nagtapos sa rehimen ng diktaturya. Thirty-eight years later, naibalik sa puwesto ang anak ng diktador.

Seventeen years old ako nang mangyari ang rebolusyon. Tanda-tanda ko pa kung paano nakilahok ang aming pamilya at mga kaibigan sa pagkilos na ito. Isang makasaysayang kaganapan na naging ambag ng Pilipino sa mundo. “Marcos Flees,” iyan ang laman ng mga pahayagan nang kumpirmadong umalis na ng bansa ang mga Marcos.

Ang Edsa Revolution ay hindi tungkol sa mga Aquino. Ito ay kulminasyon at bunga ng mahabang pakikibaka ng mga aktibista laban sa rehimeng Marcos. Ang Edsa ang pumigil sa mga Marcos na manatili sa poder habang buhay at nagbukas ng pag-asa ng kalayaan at demokrasya sa bansang Pilipinas.

Ang rebolusyon ding ito ay ang pagkabigo ni Juan Ponce Enrile na mamuno sa gobyerno. Ang kasaysayan ang makapagpapatotoo na wala sa equation si Cory Aquino nang mag-defect ang tropa ni Enrile at Ramos. Ang buong akala nila ay sila ang papalit kay Marcos ngunit sa kasamaang palad ay iba ang isinigaw ng tao – “Cory”.

Ganumpaman, ang totoong mga bayani ng Edsa ay hindi ang mga indibidwal na ito kundi ang mga simpleng taumbayan na literal na nagkapit-bisig upang pigilan ang mga tanke ng militar at inalayan ng mga bulaklak at pagkain ang mga sundalo.

Sa mga hindi inabot ang Edsa Revoluation, masasabi kong higit akong naging Pilipino nang mga panahong ito. Napakataas ng tingin ng buong mundo sa mga Pilipino dahil sa tagumpay ng rebolusyong ito. Masarap mahalin ang Pilipinas ng mga panahon iyon.

Ang Edsa Revolution ay hindi dapat kalimutan at marapat lamang na ikuwento nang tama at huwag baluktutin. Hindi ang mga Marcos ang biktima sa Edsa. Huwag sanang babuyin ang kasaysayan.

Ang kinasapitan ng mga Marcos noong rebolusyon ay bunga ng kanilang kagahamanan sa posisyon. Ang nangyaring pagtaboy sa kanila ng mga taumbayan ay dulot ng galit ng mga ito dahil sa korapsyon, kawalang-hustisya, panunupil, pagpatay, paninikil at marami pang pang-aabuso dulot ng martial law. Ito ay isang bahagi ng kasaysayan kung saan dapat nating panghanguan ng inspirasyon. Hindi “fake event” ang Edsa Revolution, ang peke ay ang magandang buhay noong panahon ni Marcos.

Matapos ang Edsa ay may mga pagkukulang din ang administrasyon ni Cory Aquino at ang lahat ng mga sumunod na administrasyon.

Totoo din na maraming frustrations after Edsa. Kaya nga naupong pangulo si Erap, Gloria na naging taksil sa bayan at later on ay si Duterte at noong 2022 ay tuluyan nang nakabalik ang anak ng diktador.

Hindi dapat kalimutan ang People Power Revolution noong 1986 dahil ito ay isang tagumpay ng taumbayan. Hindi ito tagumpay ng mga pulitiko, hindi ito tagumpay ni Enrile at Ramos at hindi tagumpay ng mga Aquino.

Sana ang diwa ng Edsa ay manatili sa mga nakakaalala dito at doon naman sa mga hindi inabot ito, sana maging bukas at kritikal ang inyong kaisipan sa tunay na mga nangyari noong February 25, 1986. Huwag sana kayong maging mangmang sa kasaysayan.

Noel Lapuz ay dating OFW sa Middle East (Dubai at Qatar). Nagtrabaho nang sampung taon sa City Hall ng Taguig bilang Human Resource Management Officer. Naging bahagi ng Bata-Batuta Productions bilang manunulat, entertainment host at stage actor. Nagtatag ng Kulturang Alyansa ng Taguig. Kasapi ng Ecumenical Movement for Justice and Peace (EMJP).

Paunawa: Ang mga paksa at salitang nakasaad sa Batang North End ay sariling opinion ng may-akda at maaaring hindi opinion ng mga taga-lathala ng Pilipino Express.

Have a comment on this article? Send us your feedback