Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueKahit sino ka pa?

ni Junie Josue

Hindi isang reyna o beauty queen ang pinili ng Diyos para maging ina ni Hesus. Pinili niya ang isang simpleng teen-ager na si Maria. Si Jose na siyang tumayong ama ni Hesus sa lupa ay wala ring mapagmamalaking mataas na posisyon o kayamanan. Isa lamang siyang pangkaraniwang karpintero.

At kung pag-aaralan natin ang lahi kung saan nanggaling si Hesus, mababasa natin sa biblia sa kauna-unahang bahagi ng aklat ng Mateo, na kasama sa kaniyang ninuno ang apat na babae, Isa si Tamar na nagkaroon ng relasyon sa kaniyang biyenan. Ang pangalawa’y si Rahab na dating isang prostitute. Ang ikatlo’y si Bathsheba na sumiping kay David kahit na siya ay may asawa na. At ang pang-apat ay si Ruth na isang taga Moab, isang bayan na tinuturing na kaaway ng mga Israelita.

Ang Jerusalem ay tinuturing na sentro ng relihiyon at kabihasnan ng mga Israelita. Sa katunayan doon itinayo ang napakaengrandeng templo ni Haring Solomon. Nadoon din ang royal palace. Pero hindi doon pinanganak si Hesus kundi sa isang hindi kilalang lugar, sa isang maliit na nayon na ang pangalan ay Bethlehem. At dahil wala nang lugar para kay Maria at Jose na dumalaw lamang doon para magparehistro, wala silang ibang masilungan kundi sa isang kuwadra, isang kulungan ng kabayo.

Hindi sa ospital o clinic man lang pinanganak si Hesus kundi sa isang kuwadra. At walang kuna o kama para sa kaniya. Isang sabsaban lamang. Ang sabsabang ito ay karaniwang ginagamit para pakainin ang mga hayop. At hindi mamahaling damit na may tatak tulad ng Gap o Osk Kosh ang sinuot sa sanggol na si Hesus noong siya’y ipinanganak. Simpleng tela lamang ang binalot sa kaniya para hindi siya ginawin.

Maraming mga bigating tao noon sa Israel noong pinanganak si Hesus.

May mga matatalinong tao, mga makapangyarihan pinuno at kilalang mamamayan ang andoon sa Israel pero hindi pinili ng Diyos ang mga ito. Nagpunta ang mga anghel sa mga mahihirap at simpleng tao, sa mga pastol na kasalukuyang nagbabantay ng mga tupa, para ipamalita ang kapangakan ng anak ng Diyos sa lupa.

Noong 1809, punung puno ang mga diyaryo ng mga balita tungkol sa mga campanya ni Napoleon. Ang buong mundo ay nakatuon sa balita ng pagmamartsa ni Napoleon tungong Austria at Spain. Ang ibang mga pangyayari ay parang walang halaga. Kung titignan natin, parang si Napoleon lamang ang nagdedetermina ng patutunguhan ng mundo

Pero noong taong 1809 rin, may ilang mga sanggol ang sinilang. Isa si William Gladstone na naging isa sa pinakamagaling na Prime minister ng England. Ang isa pa ay si Alfred Lord Tennyson na naging isa sa pinakamahusay na manunulat at makata ng England. Andiyan din si Loius Braille na nakaimbento ng paraan para makabasa ang mga bulag. Isa pa si Felix Mendelssohn, na naging kilalang composer at si Abraham Lincoln, ang tinuturing na pinakadakilang presidente ng America.

Gayundin noong panahon na pinanganak si Hesus, akala ng lahat ang Emperor na si Cesar Augusts ang siyang maghuhubog ng kinabukasan ng mundo. Pero nagkamali sila. Ang kasaysayan ng mundo ay hinuhubog sa isang sabsaban sa Bethlehem kung saan pinanganak si Hesus. At hindi rin mga kilala at sikat na tao, bagay o lugar ang naging kasangkapan sa kaniyang pagdating.

Kataka takang pinili ng Diyos ang mga tao at bagay na may bahid, na mga walang magandang reputasyon, mga walang ipagmamalaki para magbigay daan sa kapanganak ng kaniyang anak na si Hesus. Bakit niya ginawa ito? Sa palagay ko’y para sabihin niya sa atin na hindi siya interesado kung ano tayo sa paningin ng mundo, kung ano ang trabaho natin at kung ano ang kalagayan natin sa buhay. Mas interesado siya sa puso natin. Anuman ang ating kalagayan sa buhay, kung may puso tayong handang gawin anuman ang nais ng Diyos, kaya niyang gawing dakila ang ating buhay. Kaya’t bakit hindi natin buksan ang atin puso para sa Diyos ngayong Pasko?

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.