Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosuePanalo ang mahinahon at talo ang magagalitin

ni Junie Josue

Ang sabi sa biblia sa Kawikaan 14:17, “ang taong mainitin ang ulo ay nakakagawa ng di dapat.” Minsan sa ating galit, nakakapagbitiw tayo ng mga salitang nakakasakit ng damdamin ng ibang tao at sa malaunan ay pinagsisihan natin ito. Gustong gusto atakihin ng isang abogado ang kaniyang mga kaaway sa pamamagitan ng pagsulat sa mga diyaryo ng mga liham na puno ng pagpipintas sa mga ito. Hindi niya binabanggit ang kaniyang pangalan sa diyaryo. Nagalit nang husto ang isa niyang kaaway na si James Shield. Pinahanap niya kung sino ang nagsulat ng mga liham. Nang malaman niya na ang abogadong iyon ang sumulat, niyaya nito itong makipagduelo. Hindi marunong makipaglaban ang abogado pero hindi siya makaatras sa duelo. Karangalan niya ang nakataya.

Nagpaturo pa siya sa isang eksperto sa espada para maghanda sa duelo. Nang magtagpo ang abogado at si Mr. Shields, may isang taong namagitan para kumbinsihin silang itigil na ang duelo. Nakahinga ng maluwag ang abogado. Nagbago siya mula noon. Hindi na siya namimintas tulad ng kaniyang nakagawian. Tinigil na niya ang pagsusulat sa mga diyaryo. Sa katunayan, pagkalipas ng ilang taon, nang magkaroong ng civil war, nang marinig niyang pinipintasan ng kaniyang misis ang mga taong mula sa South na kumakampi sa mga itim, pinigilan niya itong mamintas. Ang abogadong ito ay walang iba kundi si Abraham Lincoln na nabigyan ng leksyon tungkol pagsasalita laban sa kaaway.

Isang beses, ang kilalang manunulat na si F.W. Boreham ay nawalan ng pasensiya sa isang lalaking nagngangalang Crittingden na patuloy na nagsasalita at nagsusulat laban sa kaniya. Galit na galit at hindi na niya makayanan ang paninira nito kaya’t gumawa si Boreham ng naglalagablab na sulat para gantihan ang mareklamong lalaki. Pagkatapos ay pumunta siya sa mailbox para ihulog ang sulat. Maganda ang panahon nang gabing yaon kaya’t nagpasiya siyang maglakad-lakad. Nilagpasan na niya ang mailbox nang hindi hinuhulog ang sulat. Ang sabi niya sa kaniyang sarili, “Ihuhulog ko na lamang ang sulat pabalik ko.”

Hindi pa siya nakakalayo sa kaniyang paglalakad nang may nasalubong siyang isang kaibigan na nagsabing, “Kawawang Crittingden, patay na!”

Laking gulat ni Boreham sa kaniyang narinig. Nagtanong siya, “Totoo nga ba? Kailan ito nangyari?”

Sumagot ang kaibigan “Biglaan ang kaniyang pagkamatay. Itong hapon lamang nangyari. Mainam na para sa kaniya ang nangyari. Hirap na hirap na siya sa kaniyang buhay. Sa palagay ko, alam mo naman siguro ang tungkol dito?”

“Wala akong nalalaman,” ang sagot ni Boreham.

Nagsalita muli ang kaibigan “Akala ko alam na ng lahat ng tao. Dalawa lang ang anak ni Crittingden, isang babae at isang lalaki. Napatay ang kaniyang lalaking anak ilang panahon lamang pagkamatay ng kaniyang asawa. Nasiraan ng bait ang kaniyang anak na babae at nasa asylum ngayon. Hindi nakayanan ni Crittingden ang mga pangyayari kaya’t para siyang galit sa mundo kung umasta.”

Nagbalik sa kaniyang bahay si Boreham nang gabing yaon. Hiyang hiya at buong pagpapakumbabang pinunit ang sulat para sana kay Crittingden. Tinapon niya isa-isa ang bawat piraso sa apoy at habang nakaluhod siya sa harap ng fireplace, nanalangin siya na sa mga darating na araw na bigyan siya ng biyaya ng Diyos na maging mahinahon at may pag-ibig siyang makipag-ugnayan sa mga taong mahirap pakisamahan.

Gayahin natin ang halimbawang pinakita ni Hesus. Siya’y binugbog at pinahirapan ngunit hindi niya binuksan ang kaniyang bibig. Para siyang tupang hinatid sa katayan, para siyang tupa na kahit na gupitan ng balahibo ay hindi tumututol ni umiimik kahit bahagya. Kaya kaibigan, talo ang magagalitin at panalo ang mahinahon.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.