Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueAng pag-asa ng isang halimaw

ni Junie Josue

Marami sa atin ang nakakaalam ng kuwento ng Beauty and the Beast. Ang beast o halimaw ay dating makisig na prinsipe. Masaya ang buhay sa kaniyang palasyo. Pero dahil sa kaniyang kasalanan, sa kaniyang pagmamaltrato sa isang taong nagpanggap na pulubi, siya ay sinumpa. Nagbago ang kaniyang anyo. Naging halimaw siya. Maging ang sigla sa palasyo ay naglaho. Nadamay sa sumpa ang mga taong nasa palasyo. Kadiliman ang naghari dito. Dahil sa kaniyang itsura, nagtago ang prinsipeng halimaw. Hindi siya lumalabas ng palasyo. Naging maiinitin din ang kaniyang ulo. Ang tanging pag-asa lamang ng halimaw at ng palasyo ay kung may umibig sa halimaw nang buong puso. Dumaan ang mahabang panahon. Tila wala ng pag-asang mapalaya mula sa sumpa ang halimaw, ang palasyo at iba pang nakatira dito. Sino nga naman ang maliligaw sa madilim at malungkot na palasyo? Sino nga naman ang maaaring umibig sa prinsipeng halimaw?

Pero ang lahat ng ito ay nagbago nang dumating ang babaeng si Belle, na si Beauty. Nanatili si Belle sa palasyo ng prinsipeng halimaw bilang kapalit sa kalayaan ng kaniyang tatay na kinulong ng halimaw. At sa kaniyang pananatili sa palasyo, natutunang ibigin ni Beauty ang prinsipeng halimaw.

Ang kuwento ng Beauty and the Beast ay nagpapaalala sa atin tungkol sa ating sarili. May halimaw sa bawat isa sa atin. Pero alam n’yo bang may panahon na namuhay ang tao na napakaganda sa paningin ng Diyos? Nang likhain ng Diyos ang tao, nilalang niya tayo na kawangis niya. Tayo ang kaniyang obra maestra. Ang kaniyang ibang nilikha tulad ng mga hayop at halaman ay hindi maihahambing sa pagkakalikha sa atin ng Diyos. Hiningahan niya tayo ng buhay. Maganda rin ang lugar na tinirhan ng unang lalaki at babe na si Adan at Eba. Pero dumating ang kasalanan nang suwayin nila ang Diyos. Ang buong sangkatauhan ay napasailalim sa sumpa. At dahil sa sumpang iyon, tayo ay naging marumi sa harap ng Diyos. Nagmistula tayong halimaw.

Kahit sa ating paligid, nakikita natin ang halimaw sa puso ng tao. Makinig ka lang ng radyo, manood ka lang ng TV o magbasa ka lang ng diyaryo, mababalitaan mo na ang sari-saring krimen na nagaganap tulad ng rape, pagnanakaw, pagpatay, panloloko, at pang-aabuso.

Ang halimaw sa ating puso na tinutukoy ko ay walang iba kundi ang kasalanan. Dahil sa kasalanan, hindi tayo maaaring maging katanggap-tanggap sa paningin ng Diyos. Pero mabuti na lang at dumating ang saklolo. Kung paanong dumating si Beauty at inibig ang halimaw, gayundin ang ginawa ng Diyos sa atin. Inibig niya tayo kahit na tayo ay makasalanan. Sa kuwento ng Beauty and the Beast, hinalikan ni beauty ang halimaw at ito ay naging isang makisig na prinsipe muli. Ang palasyo ay naging masigla. Nakalaya rin ang mga tao sa palasyo na nadamay sa sumpa. Pero sa ating kaso, higit pa sa halik ang binigay sa atin ni Hesus. Iniwan niya ang masarap at marangyang buhay niya sa langit kapiling ng kaniyang Ama upang bumaba sa lupa at tuparin ang kaniyang misyon. Naging tao siya upang abutin ang tao. Nagpakasakit siya at namatay sa krus para tayo ay makalaya mula sa sumpa at kapahamakang dulot ng kasalanan. Dumating siya para magkaroon tayo ng buhay na ganap dito sa lupa at sa magpasa walang hanggan.

Si Hesus na matuwid, na walang bahid kahit katiting ng kasalalan, ay ibinilang na nagkasala para maging matuwid tayo sa harapan ng Diyos. Inako at pinasan niya ang dapat na naging kaparusahan ng ating mga sala. Ginawa niya iyan dahil mahal niya tayo.

Kaya kaibigan, huwag ka nang mag-alangan lumapit sa Diyos. Iniibig ka niya. Nais niyang baguhin ka. Alam niyang pagod ka na sa buhay na walang patutunguhan. Siya lang ang makapagtutuwid ng ating buhay. Siya ang Diyos – ang ating tanging katuwiran.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15 p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30. a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.