Published on

Pastor Junie Josue

    Ngayon na

Narinig n'yo na po ba ang “mañana habit” na ang kahulugan ay ang pagpapabukas o pagpapaliban ng mga bagay na dapat nang gawin. “Saka na yan. Bukas na. Mamaya na.” Iyan ang mga salitang sinasabi ng mga taong may mañana habit.

Hindi tayo nauubusan ng mga bagay na dapat gawin at asikasuhin. Sa bahay na lamang, andiyan ang pagluluto, paglilinis, paglalaba, pagpaplantsa, etsetera, etsetera. Siyempre sa trabaho, may mga tungkulin din tayong dapat gawin. At sa komunidad o simbahan, may mga gawain din tayo. May mga tungkulin din tayo sa ating mga mahal sa buhay.

Ngunit paano nga ba natin gagawin ang lahat ng mga yan? Minsan naiisip ba ninyo na sana ay dalawa ang inyong katawan? Sa dami ng mga responsibilidad at tungkulin natin, talagang imposibleng magawa ang lahat ng mga iyan nang sabay-sabay kaya nga mahalaga ang maingat na pagpaplano at paglagay ng prioridad sa ating mga gawain upang unahin natin ang mga bagay na hindi natin puwedeng ipagpabukas.

Ano nga ba ang mga bagay na hindi natin puwedeng ipagpabukas?

Isa sa mga bagay na ito ay ang ating pamilya. Sobra-sobra ang mga laruan ng mga bata dito ngunit walang katumbas ang panahon na igugugol ng mga magulang sa kanilang mga anak. Walang puwedeng ipalit sa kaligayahan ng pagsasama ng pamilya kung saan may tawanan, bigayan, at pagmamahalan. Kaibigan, ilang oras ba ang ginugugol natin sa ating mga anak? Kilala pa ba natin kung sino ang mga barkada nila? Alam ba natin ang kanilang mga ginagawa at kung saan sila pumupunta? Nagagabayan ba natin ang kanilang paglaki? Dine-deyt pa ba natin ang ating asawa?

Ayon sa kilalang pastor na si kay Rick Warren, ang oras daw ay ang pinakamahusay na kapahayagan ng pag-ibig. Kung binibigyan natin ng panahon ang ating mga mahal sa buhay, binibigyan natin sila ng bahagi ng ating buhay na hindi na natin makukuha muli. Puwede nating kitain uli ang perang ating nagastos ngunit hindi na natin maibabalik ang mga panahong nasayang natin, mga panahong inuna natin ang trabaho o barkada kesa sa pamilya. Kaya, kaibigan, habang may pagkakataon tayo ngayon, bumawi tayo at maggugol ng panahon para sa kanila.

Ang isa pang bagay na dapat nating bigyan ng prioridad ay ang ating kalusugan. Kung may nararamdaman na tayong kakaiba o may nakakapa na tayong bukol sa ating katawan, mahalagang kumunsulta agad sa doctor. Maraming sakit ang puwedeng maiwasan o maagapan kung agad tayong nagpapa-checkup. Huwag din nating hintayin pang magkaroon ng malubhang sakit bago tayo mag-ehersisyo at kumain ng tama.

May kasabihan na ang kalusugan ay kayamanan. Iisa lang ang ating buhay at ang ating katawang lupa ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos upang ingatan. Sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 6:19 na ang ating katawan ay templo ng Espirito Santo na nasa atin at tinanggap mula sa Diyos nang isuko natin ang ating buhay sa kaniya. Ang ating katawan ay hindi talaga sa atin kundi sa Diyos; binili niya tayo sa malaking halaga at iyan ay sa pamamagitan ng dugo ni Hesus. Kaya’t nararapat lamang na pakaingatan natin ang ating katawan nang magamit natin ito para maparangalan ang Diyos at lubos na maipamuhay ang buhay na itinalaga niya para sa atin.

Ang paggawa ng mabuti sa kapwa ay isa rin sa mga bagay na hindi natin dapat ipagpaliban. Tayo’y nilikha ng Diyos hindi lamang para sa ating sarili ngunit para sa Kaniya at sa ating kapwa. Ayon sa biblia si sa Efeso 2:10 “Tayo’y kaniyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti na itinalaga na ng Diyos para sa atin noong una pa man.”

At sa Kawikaan 3:27, sinasabing, “Huwag ipagkait ang kagandahang loob sa kapwa kung ikaw ay may kakayahan na ito’y magawa. Kung mayroon ka ngayon na kailangan ng iyong kapwa, huwag mong sasabihing, Bumalik ka’t bukas ko na ibibigay.” At ang sabi sa Galacia 6:10: “Samantalahin natin ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa, lalo na sa mga kapatid sa pananampalataya.”

Ang isang pinakamahalagang bagay na hindi natin puwedeng ipagpabukas ay ang paninigurado ng ating destinasyon kapag tayo’y mamatay. Ang kamatayan ay dumarating sa lahat, ngunit walang katiyakan kung kailan.

Alam ba ninyo na ang buhay natin sa mundo ay isang paghahanda lamang sa buhay na walang hanggan? Kahit na isang daan taon tayong namuhay dito sa lupa, hindi pa rin iyan maikukumpara sa panahong igugugol natin sa kabilang buhay. Sa biblia, ang ating buhay lupa ay madalas na tinutukoy na isang usok na naglalaho dahil panandalian lamang ito. Pero bakit marami sa atin ay nabubuhay sa lupa na tila wala nang kabilang buhay na haharapin? May mga nagpapakasarap at napapakasasa sa kayamanan, kasalanan at bisyo. Ang mga taong ito’y nabulag sa panandaliang kaligayahan na inaalok ng mundong ito. Katulad sila ng mayamang hangal na kinuwento ni Hesus. Dahil sa sobra-sobrang yaman, nagdesisyon magpakasasa sa kaniyang kayamanan ang lalaking ito. Ngunit sinabi sa kaniya ng Diyos na siya’y hangal dahil sa gabi ding iyon ay mamatay siya at ang lahat ng kaniyang yaman at pinagpaguran ay hindi niya madadala sa kabilang buhay.

Kaibigan, gumawa na ng paraan ang Diyos para makapiling natin siya sa langit. At hanggang ngayon ay patuloy niya tayong inaalok, iniimbita na isuko ang ating buhay sa Kaniya at pagsisihan ang ating kasalanan upang magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Bakit natin hahayaang mabuhay na walang kasiguraduhan sa hahantungan natin sa kabilang buhay samantalang may pagkakataon namang ibinibigay sa atin ang Diyos? At ang inaalok ng Diyos na kaligtasan at buhay na walang hanggan ay libre dahil ang panginoong Hesus na ang nagbayad. Kung kumukuha tayo ng plan para sa ating burol at libing, hindi ba mas lalong mas mainam na paghandaan na rin natin ang kabilang buhay?

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.