|
|
| Tuesday, 01 March 2011 00:00 | |||||
Hindi madali ang buhay ng isang salesman lalo na iyong kumakatok sa mga bahay-bahay. Malaki ang tsansang hindi siya pagbuksan sa iba’t ibang kadahilanan. Maaaring hindi siya marinig dahil natutulog ang nasa bahay o nanood ito ng TV o nakikinig ng radyo. Maaaring sinadya rin ng tao sa loob ng bahay na huwag siyang harapin dahil inis ito sa mga naglalako ng kung anu-ano o wala lang ito sa kondisyong humarap sa ibang tao. Maaring rin hindi lang talaga interesado ang ibang tao. Maaaring takot naman ang ibang taong buksan ang pinto sa kung sinu-sino lamang dahil sa dami ng krimeng nagaganap sa ating paligid. Nag-iingat lang siyempre ang iba sa mga taong hindi nila kilala. Alam niyo bang may patuloy na kumakatok sa puso ng lahat ng tao at umaasang pagbuksan nila Siya? Siya ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Hindi tumigil ang Diyos sa pakikipag-usap niya sa tao. Daig pa ng Diyos ang isang masigasig na salesman sa walang sawa at walang tigil na pagkatok sa puso ng tao para pagbuksan nila ito sa Kaniyang paghahari. Sa biblia sa aklat ng Pahayag 3:20, ito ang sabi ng Diyos “Nakatayo ako sa labas ng pintuan at kumakatok. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, ako’y papasok sa kaniyang tahanan at magkakasalo kaming kumain.” Kapag kumatok ang isang VIP sa ating bahay, siguradong hindi na tayo magkadatuto. Pero mantakin niyo na lamang. Ang Manlilikha ay kumakatok sa pinto ng kaniyang nilikha. Ang Makapangyarihang Diyos ay kumakatok sa pinto ng taong puno ng kahinaan. Ang Diyos na mapagmahal at banal ay kumakatok sa puso ng taong pinanganak at nabubuhay sa kasalanan. Naniniwala akong ang kaniyang dakilang pag-ibig ang siyang nag-udyok sa Kaniya para gawin iyon. Ang Diyos na nakakakita ng simula at wakas ang siya ring nakakaalam ng malagim na sasapitin ng taong magsasara ng pinto sa Kaniya kaya’t gayon na lamang ang kaniyang pagppupursige. Kumakatok ang Diyos sa ating puso sa tuwing nakakarinig tayo ng salita ng Diyos mula sa ibang tao tulad ng mga ministro. Kumakatok ang Diyos sa ating mga puso sa tuwing nakakaranas tayo ng kalungkutan o pagkabalisa o pagkatakot o karamdaman. Kumakatok Siya sa ating puso tuwing nakakatanggap tayo ng pagpapala na hindi nararapat para sa atin, Kumakatok siya sa ating puso sa tuwing nakakaranas tayo ng kahirapan bunga ng ating mga kasalanan. Gumagamit ang Diyos ng iba’t ibang paraan para makuha niya ang ating pansin. Kapag kumakatok ang isang salesman, siyempre nais nitong makabenta at kumita. At walang masama dito dahil naghahanap buhay lamang siya. Pero kapag si Hesus ang kumakatok, walang siyang kailangan mula sa atin. Sa katunayan, siya ang nagmamay-ari ng langit at lupa. Ang tanging nais niyang kunin mula sa atin ay ang ating mga kasalanan at mga hirap na nadarama natin bunga nito. Iyon lamang ang kinukuha niya sa atin. At siya pa nga ang may magagandang bagay na nais ibigay sa atin. Nais niya tayong bigyan ng buhay na walang hanggan. Nais niya tayong magkaroon ng buhay na ganap at kasiya siya dito sa mundo. Nais niya tayong bigyan ng pag-ibig, kapayapaan, kalakasan, pag-asa, at kaligayahan. Makapangyarihan sa lahat ang Diyos. Pero hindi siya gumagamit ng dahas o puwersa para pagbuksan natin ang ating puso sa Kaniya. Nais niya kasing ibigin natin siya nang bukal sa ating loob. Kaibigan, ano ba ang pumipigil sa atin para pagbuksan natin ang Panginoon? Natatakot ba tayong hindi magiging maganda ang ating buhay kapag hinayaan natin siya ang magpatakbo nito. Mas malakas ba ang hatak ng layaw ng mundo kesa sa tinig ng Diyos? Kontento na ba tayo sa pansamantalang kasiyahan dulot ng makasalanang pamumuhay kesa sa ganap na buhay na pangako ng Diyos para sa atin? Sinisigurado ko sa iyo, kaibigan, hinding hindi mo pagsisihan kung papapasukin mo ang Panginoon sa iyong buhay. Higit dalawampung taon na ang nakaraan noon ginawa ko ito at hindi ko kailanman pinagsisihan ang desisyon kong ito. Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



