Print E-mail
Friday, 01 April 2011 00:00
Pastor Junie Josue     Mga dapat unahin sa buhay

Napakabusy natin. Ano nga ba ang mga bagay na dapat nating unahin? Alin ba sa napakaraming bagay ang dapat nating pahalagahan nang husto at pag-ukulan ng pansin at atensyon. Upang malaman natin kung anu-ano ang mga ito, may isang tanong tayong kailangan sagutin. Ano ang mga bagay na magbibigay sa atin ng pinakamalaking balik? Kapag tayo ay nagnenegosyo o nag-iinvest ng pera, natural lamang maghanap tayo ng uri ng negosyo o investment na may malaking balik. Sa ating buhay, ano ba ang may halaga hanggang sa kabilang buhay, ang bagay na hindi maglalaho kahit na tayo ay yumao na?

Ito ang babalang ibinigay sa atin ng Panginoon Hesus na matatagpuan natin sa biblia sa aklat ng Mateo 6:19-20 “Huwag kayong mag-impok ng kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang insekto at kalawang at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng mga kayamanan sa langit. Doon ay walang naninirang insekto at kalawang at walang nakakapasok na magnanakaw.”

Kadalasan nakakaligtaan natin na ang mga bagay na pinaghirapan natin dito sa lupa tulad ng kayaman, katanyagan, at tagumpay ay hindi natin madadala sa langit kapag tayo ay nalagutan na ng hininga dito sa lupa.

Minsan naman ay hinahayaan natin na mabalisa tayo sa mga bagay na maglalaho rin sa malaunan. Kakaiba ang lalaking si Job. Ang kaniyang kuwento ay mababasa natin sa biblia. Nang nabalitaan niya na sa isang iglap ay nawala ang lahat ng kaniyang ari-arian at kayamanan, bigla siyang nagpatirapa sa lupa at nagpuri sa Diyos. Ang sabi niya: “Hubad akong lumabas sa tiyan ng aking ina, hubad din akong babalik sa alabok. Ang Diyos ang nagbibigay, siya rin ang kukuha. Purihin ang Diyos.”

Sa biblia sa aklat ng 2 Pedro 3:10-12, sinasabing darating ang araw na ang kalangitan ay mapaparam ng may nakapangingilabot na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin at ang lahat sa lupa ay malalantad. Matutunaw sa matinding init ang lahat ng mga bagay na naroon. Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa Diyos ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kaniyang kalooban. At sa aklat ng Hebreo 12:27, sinasabing darating ang araw kung saan aalisin ang mga bagay na nilikhang nayayanig at mananatili na lamang ang mga bagay na hindi nayayanig.

Sa biblia sa aklat ng Lucas 10:25-28, mababasang mayroong isang escribang lumapit kay Hesus upang siya’y subukin. “Guro,” aniya, “ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan?” Tumugon siya “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas at nang buong pag-iisip; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo,” wika ni Hesus “Gawin mo iyan at mabubuhay ka.”

Sa madaling sabi, ang Diyos ang karapat-dapat na maging pangunahin sa ating buhay. Siya ang may karapatan sa listahan ng ating prioridad. Ang pag-ibig naman sa ating kapwa ang sapat na pumangalawa sa ating prioridad. Ngunit ito nga ba ang nangyayari sa ating buhay?

Kaibigan, mag-isip isip tayo para hindi nasasayang ang ating buhay.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.