|
|
| Sunday, 01 May 2011 00:00 | |||
May mga pagkakataon na kahit ano ang turo at disiplina ang gawin natin sa ating mga anak ay pinipili pa rin nila ang maling landas. Paano na? Itatakwil na ba natin sila? Dadaanin ba natin sila sa galit at hahayaang mamayani ang sama ng loob at pagkamuhi sa ating puso? Kamumuhian na ba natin sila hangga’t hindi sila magbago? Ang katotohanan ay hindi natin hawak ang puso at pag-iisip nila. Sa mga ganitong pagkakataon, ipagkatiwala na lamang natin sa Diyos ang kanilang buhay. Huwag tayong tumigil na magsumamo sa Diyos sa panalangin na baguhin ang kanilang puso. Ang asawa ni Billy Graham na si Ruth ang palaging naiiwan na mangalaga sa kanilang mga anak dahil sa palagiang pagpunta ni Billy Graham sa iba’t ibang dako ng daigdig upang mangaral ng salita ng Diyos. Naging problema nila ang kanilang panganay na lalaking si Franklin. Maloko ito sa pag-aaral, mabisyo at mahilig sumuot sa mapanganib na kalagayan. Malaki na si Franklin upang kulitin at paluin pa ito. Patuloy na lamang nilang tinanggap at minahal ang kanilang anak. Hindi nagsawang araw- araw na nanalangin ang kaniyang ina para tumino ang kaniyang anak. Pinatotoo ni Franklin na kapag umuuwi siya ng madaliang araw, naaabutan niya ang kaniyang inang nagdarasal o nagbabasa ng biblia. Minsa’y nakakatulugan na ng ina ang paghihintay sa kaniya. Nanampalataya si Ruth sa Diyos na baguhin ang puso ng kaniyang anak At hindi nga siya nabigo. Binigay ni Franklin ang buhay niya sa Panginoon. Sumunod siya sa yapak ng kaniyang ama. Sa kasalukuya’y nangangaral siya ng salita ng Diyos sa iba’t ibang dako ng lugar. Siya ang namamahala n mga organisasyong tumutulong sa mga nangangailang sa iba’t ibang parte ng daigdig. Hindi malilimutan ng kilalang misyoneryo sa China na si Hudson Taylor noong kinse anyos siya at pumunta sa malayong lugar ang kaniyang ina. Naiwan siyang mag-isa sa bahay. Nagdiwang siya dahil walang magbabawal sa kaniya kahit anong gawin niya. Pumunta siya sa library ng kaniyang ama at sa kawalan ng maggawa, humanap siya ng mababasa. Nasumpungan niya ang isang basket na puno ng pamphlet kung saan nasusulat ang salita ng Diyos. Binasa niya ang isa sa mga ito. Wala siyang kamalay-malay na sa mga oras ding iyon, ang kaniyang ina na walumpung milya ang layo sa kaniya ay biglang tinapos ang hapunan at nagkadama ng malakas na udyok na ipanalangin ang kaniyang anak na magbigay ng buhay sa Panginoon. Nagkulong ang ina sa kuwarto at nagdesisyon hindi siya lalabas doon hanggat hindi nasasagot ang panalangin niya. Ilang oras siyang nanalangin hanggang sa nadama niya sinagot na ng Diyos ang panalangin niya. At habang binabasa nga ni Hudson Taylor ang salita ng Diyos, naunawaan niyang namatay si Kristo para sa kaniyang kasalanan. Para itong ilaw na nagliwanag sa kaniyang kaluluwa. Lumuhod siya at tinanggap si Kristo bilang kaniyang Panginoon at tagapagligtas. Pagkaraan ng dalawang linggo, bumalik na sa bahay nila ang kaniyang ina, Si Hudson Taylor ang kauna-unahang sumalubong sa kaniya para ibalita ang magandang nangyari sa kaniya. Sumagot ang nanay at sinabing “Alam ko, anak ko. Dalawang linggo na akong nagdiriwang.” Mga nanay, malaki pa rin ang magagawa niyo sa buhay ng inyong mga anak kahit na malalaki na sila. Ang aking sariling buhay ay isa sa patunay na makapangyarihan ang panalangin ng isang ina. Ako ang dating black sheep sa aming pamilya. Sinubukan ko na ang lahat ng bisyo. Hindi ito lihim sa aking ina kahit anong pagtatakip ang aking gawin. Sa kabila ng lahat, hindi nagsawang nanalangin ang aking ina para mabago ang buhay ko. Naririnig ko ang iyak niya sa Diyos habang nagdarasal. At nagbunga nga ang panalangin niya. Isang umaga araw ng Sabado, bigla na lang sumama ako sa nanay ko sa isang prayer meeting sa simbahang kaniyang pinupuntahan. May hang-over pa ako noon ngunit kumilos ang Espirito ng Diyos at bigla akong nagsisi sa aking kasalanan at nagbigay ng buhay sa Diyos. Mga magulang, huwag magsawa na ipanalangin ang inyong mga anak. Ilagak natin sa Diyos ang mga bagay na hindi natin kayang baguhin. Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



