Published on

Pastor Junie Josue

    Biyaya

Kapag may magandang bagay tayong natatanggap o may magandang pangyayari sa ating buhay, nabubulalas natin ang salitang, “Biyaya ito ng Diyos.” Biyaya o kung tawagin sa Inglis ay grace, ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang ito? Unang una kapag sinabing biyaya, ito ay isang bagay na bigay sa atin na kailanman at anuman ang gawin natin ay hindi natin kayang bayaran ang nagbigay nito.

Ang biyaya ay hindi natin pinagpapagalan o pinaghihirapan pero napapasaatin. Kakaiba ito sa kalakaran ng mundong ginagalawan natin. Sa mga nagtatatrabaho sa atin, kapag ikalawang linggo, karaniwan natatanggap natin ang ating sweldo. Pero hindi tayo pumupunta sa ating boss para sabihing, “Boss, salamat sa perang natanggap ko. Hindi ako talaga karapat dapat tumanggap nito. Paano kaya kita mapapasalamatan?” Alam kasi natin na pinagtatrabahuan natin ang ating kinikita.

Kadalasan din nabibigyan tayo ng titulo, award, premyo o bonus base sa ating ginawa o kontribusyon sa isang companya, sa lipunan o sa anumang organisasyong kasapi tayo. Pero kakaiba ang biyaya. Hindi natin ito pinaghirapan pero sa kabila ng lahat, binigay pa rin sa atin ito.

May mga nakakausap akong mga tao na ayaw magsimba o sumama sa mga bible study dahil naaalangan sila. Pakiramdam nila’y galit ang Diyos sa kanila dahil aminado naman silang may mga alanganin pa silang ginagawa sa buhay. Hindi nila nauunawaan na sapat ang biyaya ng Diyos na abutin sila; na hindi naghahanap ang Diyos ng perpekto at matuwid na tao para makipag-ugnayan sa kaniya.

Ayon sa biblia sa aklat ng Hebreo 5:8 “Pinakita ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin sa ganitong paraan: makasalanan pa lamang tayo, namatay na si Kristo para sa atin.” Naaalala n’yo ba ang isa sa dalawang kriminal na nakapako sa krus katabi ni Kristo? Ilang minuto na lamang ang nalalabi sa buhay niya sa mundo. Alam niyang may kaparusahang naghihintay sa kaniya sa kabilang buhay. Pero naglakas loob siyang nakiusap sa Panginoong Hesus at sinabing, “Hesus, alalahanin mo ako kapag nakarating ka na sa iyong kaharian.” At nakatanggap nga siya ng biyaya. Sumagot ang Panginoon at sinabing, “Sinasabi ko sa iyo, ngayong araw, makakapiling mo ako sa paraiso.”

Nakarating ang isang makasalanan sa paraiso hindi dahil sa naging mabuting tao siya bago nalagutan ng hininga. Bagkus, inilagay niya ang kaniyang kinabukasan sa kamay ng Diyos. Umasa siya sa kabutihan at biyaya ni Hesus na alam niyang tanging makapagliligtas sa Kaniya. At hindi nga siya nabigo.

Biyaya rin ang nakamit ni Zakeo. Ang kuwento niya ay mababasa sa biblia. Kolektor siya ng buwis at marami siyang dinayang tao. Natural lamang na magalit ang tao sa kaniya, At hindi kataka-takang may pangit siyang reputasyon sa lipunan at iniiwasan siya ng mga tao. Pero lumapit siya sa Panginoong Hesus at nakamit niya ang bagong buhay at kaligtasan mula sa kapahamakang dulot ng mga kasalanan.

Sa biblia, mababasang may isang babaeng nahuli sa akto ng pagpatol sa hindi niya asawa. Kinalakadkad ng mga pinuno ng relihiyon ng mga Hudyo ang babaeng ito tungo kay Hesus. Ayon sa batas, ang parusa sa ganitong sala ay kamatayan. Pagbabatuhin ang may sala hanggang sa siya ay malagutan ng hininga. Pero sa halip na makiayon sa parusang nararapat, biyaya ang inihandog ng Panginoong sa babaeng makasalanan.

Kaibigan, walang taong napakasama na hindi kayang patawarin ng Diyos. Iyan ang biyaya! Kaibigan, alam ng Diyos ang kalagayan ng buhay mo. Naghihintay lamang siya sa paglapit mo sa Kaniya. Huwag ka nang mag-alinlangan o mag-alangan.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays 8:45 a.m. Tagalog and 10:30 a.m. English) and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.