
Opinions
ni Junie Josue
Nagulat ako nang mabalitaan ko ang tungkol sa biglang paghihiwalay na mag-asawa na higit na 40 taon na magkasama. Kadalasan, hindi tayo nakakasigurado sa pag-ibig ng ating kapuwa sa atin. Maraming mga bagay ang nakakaapekto ng pag-iibigang ito – pinansiyal na problema, stress, tukso at kung anu-ano pa. At ang nakakalungkot na bagay, pati ang pag-ibig ng Diyos ay hindi na rin pinaniniwalaan ng ibang tao lalo na ng mga taong dumaranas ng matinding paghihirap, trahedya at dalamhati sa buhay.
Siyam na taon si Emily Kloosterman noong namatay ang kaniyang nanay dahil sa cancer. Ang kaniyang ama at lolo ay nagdalamhati nang husto pero nagpatuloy ang dalawa na magtiwala sa Diyos. Inamin ni Emily na kahit ilang taon na ang nakalipas mula nang namatay ang kaniyang nanay, wala pa ring siyang madamang kapayapaan patungkol sa kamatayan nito. Madalas naiiisip niya kung paanong ang isang mapagmahal ng Diyos ay nagawang kunin ang kaniyang mahal na ina mula sa kanila.
Ang sabi ng biblia ang Diyos ay pag-ibig. Ang kalikasan ng Diyos ay pag-ibig. Ayon sa biblia sa 1 Juan 4:8, ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. Bukod sa pag-ibig, may iba pang katangian ang Diyos. Siya ay walang simula at katapusan, Siya ay magpakailanman. Siya ang nakakaalam ng lahat ng bagay. Siya ay liwanag. Siya ay banal. Mahalagang maunawaan natin na kapag ipinahahayag ng Diyos ang isa sa kaniyang katangian, hindi ibig sabihin na ang katangiang ito ay mas superyor o nakahiwalay sa iba pa niyang katangian.
Kapag ipinahahayag ng Diyos ang kaniyang galit dahil sa kasalanan ng tao, siya pa rin ay Diyos ng pag-ibig. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang kaniyang kabanalan, siya pa rin ang Diyos ng hustisya. Alam n’yo bang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nakaugat sa pag-ibig at inuudyukan ng pag-ibig? Dahil sa pag-ibig, nilikha niya ang mundo. Nilikha niya ang tao, ikaw at ako.
Ayon kay Pope Benedict XVI, ang kuwento ng biblia tungkol sa pagkakalikha ng mundo at tao ay hindi parang libro tungkol sa siyensiya. Sa halip, ipinahahayag ng unang kabanata ng Genesis ang katotohanan na ang mundo ay hindi resulta ng kaguluhan ngunit ito ay nagmula at patuloy na sinusuportahan ng pag-ibig ng Diyos. Pinahahayag ng biblia na may plano ang Diyos sa mundo at sa sangkatauhan, isang plano na nagbibigay ng lakas ng loob sa atin para harapin ang mga hamon ng buhay nang may pag-asa at pagtitiwala.
Kadalasan hinuhusgahan natin ang pag-ibig ng Diyos base sa ating karanasan o sa mga nasasasaksihan natin sa ating paligid. At kadalasan, ang mensahe na ipinararating ng mga ito ay ito: ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maasaahan. At kapag nagpatuloy ang tao sa paniniwalang ito, nakakawasak ito ng buhay.
Ang pinakamaasahang nating gabay para maunawaan natin ang tungkol sa pag-ibig ng Diyos ay ang biblia. Nasusulat sa biblia ang mga ginawa ng Diyos at sa pag-aaral nito mauunawaan natin na ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Sa biblia, mababasa ang sari-saring kuwento na nagpapakita ng iba’t ibang mukha ng pag-ibig ng Diyos.
Isa sa pambihirang kuwento sa biblia na tungkol sa pambihirang pag-ibig ng Diyos ay matatagpuan sa aklat ng Jonah. May isang siyudad na kung tawagin ay Nineveh na siyang capital city ng kaharian ng Assyria. Ang Assyria ay isa sa pinakamalupit na kaaway ng mga Israelita. Ginawa ng mga taga-Nineveh na isang sining ang kalupitan. Bihasa sila sa pagpapahirap ng kanilang kaaway.
Laking gulat na isang Israelitang propetang si Jonah nang tinawag siya ng Diyos upang pumunta sa Nineveh para balaan ang mga ito na tutupukin silang lahat ng Diyos dahil sa labis na kasamaan ng kanilang mga puso kung hindi sila magsisi. Noong makita ng Diyos ang pagsisisi ng mga taga-Nineveh, hindi tinuloy ng Diyos ang pagtupok sa kanila.
Maging sa bagong tipan ng biblia, mababasa natin ang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng tao, masama man o mabuti. Nakikihalubilo ang Panginoong Hesus sa mga manginginom at sa mga kolektor ng buwis na tinuturing ng lipunan na makasalanan. Naggugol siya ng panahon sa isang babaeng may kalaguyo na natagpuan niyang umiigib sa isang balon para ipaliwanag ang tungkol sa tunay na paraan ng pagsamba sa Diyos. Nagpagaling siya ng may mga sakit, nangangaral ng salita ng Diyos nang hindi iniisip kung nararapat ba ang mga ito na gawan niya ng kabutihan. Ginawa niya ito para abutin ang kanilang puso at sa pag-asang sa pagpapakita niya ng pag-ibig sa mga ito ay ipagkatiwala nila nang lubusan ang kanilang buhay sa Diyos.
Pumunta ang kilalang experto sa pag-aaral tungkol sa relihiyon at biblia na si Karl Barth sa America. May isang estudyante sa seminary ang nagtanong sa kaniya kung ano ang pinakamalalim na katuruan na patungkol sa Diyos ang kaniyang natutunan sa loob ng maraming taon niyang pag-aaral at pagtuturo ng biblia. Natahimik ang lahat at naghihintay sa kaniyang isasagot. Pagkalipas ng ilang sandali, binigay niya ang kaniyang sagot, “Mahal ako ng Diyos. Alam ko iyan ‘pagkat iyan ang sabi ng biblia.” Ang simpleng katotohanang ito patungkol sa pag-ibig ng Diyos ang isa sa pinakamalalim at mahiwagang katotohanan sa kapahayagan ng Diyos.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.