Published on

Heavenly Connection ni Pastor Junie JosueKagandahan mula sa abo

ni Junie Josue

Ayon sa librong sinulat ng kilalang mangangaral ng salita ng Diyos na si Billy Graham na may pamagat na How to Be Born Again, may isang kilalang kuwento tungkol sa ilang mga lalaki sa Scotland na nangisda nang buong araw. Kinagabihan, pumunta sila sa isang inn para uminom ng tsaa. May isang mangigisda na nagkukuwento tungkol sa napakalaking isda na nakawala sa kaniyang mga kamay. At nang ipinapaliwanag niya ang sukat ng isda sa pamamagitan ng mga galaw ng kaniyang mga kamay, natamaan niya ang tray na buhat ng waitress na paparating. Sa ibabaw ng tray ang isang tasa ng tsaa na ilalagay sana ng waitress sa la mesa ng mangigisda. Tumalsik ang tasa at bumuhos ang laman nitong tsaa sa puting dingding. Kaagad namuo ang pangit na mantsa na kulay brown sa dingding at madali itong kumalat.

Hiyang hiya ang lalaki at humingi ito ng paunmanhin. Pero may isang panauhin din ng inn na nakaupo sa ibang mesa na biglang tumayo at lumakad tungo sa nadungisang dingding. Nagsalita ito at sinabi sa lalaking nakabangga sa waitress na huwag itong mag-alala. Kumuha ang lakaking panauhin ng isang pen mula sa kaniyang bulsa at nagsimula itong mag sketch sa paligid ng mantsa na namuo sa puting dingding.

Hindi nagtagal, lumabas ang larawan ng isang maharlikang lalaking usa at ang mga sungay nito’y tila korona ng isang hari. Ang panauhin na nagdrawing ay si Sir Edwin Landseer, isang kilalang painter na taga England at ang kadalasang pinipinta niya ay mga hayop.

Ang sabi ng Billy Graham na ang kuwentong ito ay maliwanag na nagpapahayag na kung ikukumpisal natin hindi lamang ang ating mga kasalanan kundi pati ang ating mga pagkakamali sa Diyos, kaya ng Diyos na gumawa na isang dakilang bagay mula dito para sa ating kabutihan at sa kaniyang kaluwalhatian. Minsan mas mahirap aminin at ikumpisal sa Diyos ang ating mga kapalpakan dahil nahihiya tayo na maturingan na bobo o tanga o mahina. Pero aminin man natin o hindi, hindi natin kayang baguhin angating sarili. Tanging Diyos lamang ang makakagaw nito.

Kilalang tagapagturo ng salita ng Diyos si Joyce Meyer. Nakakahiya ang kaniyang nakaraan. Sa katunayan, halos wala siyang kaibigan dahil ayaw niyang malaman ang katatago-tago niyang lihim. Bata pa lamang siya ay ginagahasa na siya ng kaniyang tatay. Walang magawa ang kaniyang nanay kahti na nadiskubre nito ang ginagawa ng kaniyang asawa sa anak nila. Noong nag-18 anyos na si Joyce, lumayas upang takasan ang magulong buhay. Sumama siya sa isang lalaki at nagtiwalang mamahalin siya nito pero may kalokohan din pala ang lalaking ito. Kaya’t hindi nagtagal ang kanilang pagsasama.

Sa halip na magwala at magalit sa Diyos dahil sa mga kabiguan at gulo sa kaniyang buhay, nanawagan si Joyce sa Diyos. Alam niyang ang Diyos ang tangi niyang pag-asa. Nagbuhos siya ng panahon araw-araw sa pagbabasa ng biblia at pinanghawakan niya ang salita at pangako ng Diyos. Unti unting napuno siya ng pag-asa. Lumalakas ang kaniyang pananampalataya na sa kabila ng lahat, may inilaan ang Diyos na magandang kinabukasan para sa kaniya.

Itinalaga niya ang kaniyang sarili sa pagtuturo ng salita ng Diyos. Una’y sa mga bible study na iilan-ilan ang nakikinig hanggang sa patuloy na dumarami ang tagapakinig niya. Paglipas ng panahon, siya’y naging tagapagsalita sa iba ibang conferences sa iba’t bang bahagi ng mundo at libo-libong tao ang nakikinig sa kaniya. Marami rin siyang naisulat na bestseller na libro. Makikita din siya sa TV. Ang kaniyang mga mensahe ay nag-bibigay inspirasyon at encouragement sa napakaraming tao na nahihirapang makawala sa kanilang bisyo o pangit na nakaraan. Nagawa niyang patawarin ang kaniyang tatay at tinulungan pa niya ang kaniyang mga magulang na magkaroon ng maginhawang buhay sa kanilang pagtanda. Humingi ng tawad ang kaniyang tatay sa kaniya at sa Diyos at nagsuko rin ito ng kaniyang buhay sa Diyos. Ang magulong nakaraan ni Joyce ang siya ring ginamit ng Diyos para makatulong sa ibang tao

Kaibigan, gaano man kapangit ang nakaraan mo, gaano man kagulo ang buhay mo, magtiwala ka sa Diyos. Kaya niyang gumawa ng himala. Kaya niyang baguhin ito para sa iyong kabutihan.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. and 6:15p.m. English services). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10 a.m., Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m., Calvary Chapel at 221 Hamilton St. Neepawa, MB at 1:30 p.m. & West End Community Centre at 247-23rd St., Brandon, MB at 10:30.a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.