Print E-mail
Thursday, 16 July 2009 00:00
Heavenly Connection    Sa hirap at ginahawa, nasa tabi natin ang Diyos

 

Naranasan ba ninyo na nang manalangin kayo nang taimtim sa Diyos pero walang pagbabago kayong nakikita sa kalagayan o pangyayaring inyong pinagdarasal? Hindi ninyo minsan maiwasan magtanong kung talaga bang dinidinig ng Diyos ang inyong panalangin? Mga ganitong tanong ang minsan binibigkas natin: “Panginoon, hindi mo ba nakikita ang aking mga luha? Hindi mo ba nadidinig ang aking mga iyak? Naiintindihan mo ba ang aking pinagdaraanan? Bakit nangyayari ito?” May kanta pa nga noon ang isang sikat na singer na nagtatanong kung natutulog ba ang Diyos.

Ayon sa biblia, ang kaparaanan ng Diyos at ang Kaniyang pag-iisip ay higit sa ating paraan at pag-iisip. Mahiwaga ang Diyos at hindi Niya inaasahan na maunawaan natin Siya sa lahat ng pagkakataon. Ang nais niya ay ang magtiwala tayo sa Kaniya.

Hindi nangako ang Diyos na ang buhay natin dito sa mundo ay puro sarap at kasiyahan. Hindi rin niya ginagarantiya na sasagutin Niya ang ating mga dasal ayon sa ating inaasahan. Pero sa atin na mga nagtitiwala sa Kaniya, nangako siyang kakasamahin niya tayo sa gitna ng kahirapan at krisis sa buhay.

Sa biblia sa Isaias 43:1-4, ito ang sabi Niya “Huwag kang matakot sapagkat tinubos kita. Tinawag kita sa iyong pangalan. Kapag ikaw ay dumaan sa karagatan, sasamahan kita. Kung tatawid ka sa ilog, hindi ka malulunod. Kung ikaw ay daraan sa apoy, hindi ka masusunog. Sapagkat Ako ang Panginoon na iyong Diyos ang magliligtas sa iyo.” Ang gustong sabihin dito sa atin ng Diyos ay hindi tayo madaraig ng mga suliranin. Hindi tayo mabubuwal ng mabibigat ng pagsubok kung kasama natin siya

Isa sa pinakamadramang halimbawa ng presensiya ng Diyos sa kalagitnaan ng paghihirap ng mga taong nagmamahal sa Kaniya ay mababasa sa biblia sa aklat ni Daniel. May tatlong Hudyong binata ang hinuli, hinila ng walong daan milya mula sa kanilang mga tahanan at inalisan ng kanilang mga pangalan at pagkalalaki habang sila ay ginawang mga lingkod ng isang banyagang hari na kilala sa pagiging malupit at sadista. Siguradong nanginginig sa takot habang natutulog sa gabi ang tatlong lalaking ito. At tuwing gigising sila sa umaga, desperado silang malaman kung nasaan ang Diyos. Ilang beses kayang nanalangin at nagmakaawa sa Diyos ang mga ito para maligtas sila mula sa masamang pinunong kanilang pinaglilingkuran nang sapilitan? Pero tila hindi dinidinig ng Diyos ang kanilang dasal.

Lumala pa ang mga bagay. Nagpagawa ng malaking rebulto ng kaniyang sarili ang hari. Pinag-utos niya na ang lahat sa kaniyang kaharian na yumuko sa harapan ng rebultong ito bilang tanda ng kanilang pagsamba sa kaniya. Nang tumangging sumunod ang mga binata dahil sa dahilang ang tunay na Diyos lamang ang kanilang niyuyukuran at sinasamba, binalaan silang susunugin sila ng buhay sa malaking pugon. Buong tapang nilang pinahayag ang kanilang pananalig sa Diyos. “Kung kami ay itatapon sa nag-aapoy na pugon, ang Diyos na aming pinaglilingkuran ay kaya kaming iligtas mula diyan. At kung hindi man Niya gawin ito, hind pa rin kami sasamba sa rebultong pinagawa ninyo.”

Galit na galit na inutos ng hari na painitin ang pugon ng makapitong ibayo. Sa tindi ng init ng pugon, namatay ang mga taong nagtapon sa tatlong Hudyo. Habang pinagmamasdan nang husto ng hari ang pugon para makita ang kalagayan ng tatlo, nagulat siyang apat at hindi tatlong lalaki ang nasa pugon na naglalakad at hindi nasusunog. At yaong isa, sa paningin ng hari, ay tila ang Diyos.

Nang pinalabas ng hari ang tatlong Hudyo, hindi siya makapaniwala na wala man lang makitang bakas na likha ng apoy sa katawan nila. Hindi nasunog kahit kaunti ang kanilang buhok. Hindi naano ang kanilang kasuutan, ni hindi sila nag-amoy usok.

Kaibigan, huwag mong kalilimutan, kasama natin ang Diyos sa hirap man o ginhawa at iyon ang pinakamahalaga.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

 

 

Have a comment on this article? Send us your feedback