Print E-mail
Sunday, 16 August 2009 00:00
Heavenly Connection    Hindi lang sa salita kundi sa gawa
 
Mayroong isang lalaking dumating nang late sa simbahan. Halos patapos na ang service nang pumasok siya. Nagtanong siya sa usher, “Tapos na ba ang sermon?” Sumagot ang usher “Naipangaral na ang sermon pero kailangan pa itong ipamuhay.”

Iyan ang nais sabihin ni Santiago na ating mababasa sa biblia. Ang sabi niya, “Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo pero hindi ipinamumuhay, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Ang mga taong nagsasaliksik at patuloy na nagsasagawa ng salita ng Diyos at hindi isang tagapakinig lamang na pagkatapos ay nakalilimot, ang taong iyan ang pagpapalain ng Diyos sa lahat niyang gawain.”

May kuwento tungkol sa isang pastor na si Peter Miller na namuhay noong panahon ng American Revolution. May isa ring lalaking nagngangalang Michael Wittman na gumagawa ng lahat ng paraan para kalabanin at hiyain ang pastor. Ginawa niyang miserable ang buhay ng pastor. Isang araw, inaresto si Wittman dahil sa isang malaking krimen at siya’y nasintensiyahang mamatay.

Noong una, nagpasalamat si Miller dahil naisip niyang ang Diyos na ang gumawa ng paraan para matigil ang maling trato sa kaniya ni Wittman. Pero naalala niya ang isang bahagi ng biblia sa aklat ng Mateo 5 na nagsasabing “Mahalin mo ang iyong kaaway at ipanalangin mo ang mga umaapi sa iyo.” At biglang nakonsiyensiya si Miller. Nagpasiya siyang maglakbay nang naglalakad lamang ng pitumpung milya tungo sa Philadelphia para makiusap sa buhay ng isang traydor.

Nilapitan niya si Gen. George Washington. Pero ito ang sabi ni Washington “Hindi ko maaaring ibigay sa iyo ang buhay ng iyong kaibigan.” Sumagot si Miller “Hindi ko kaibigan ang lalaking iyan. Sa katunayan, siya ay isang pinakamalupit na kaaway ko.” Nagtaka si Washington “Ano? Naglakad ka ng pitumpung milya para iligtas ang buhay ng iyong kaaway? Kakaiba iyan. Patatawarin ko siya.” Kaya’t inuwi ni Miller si Wittman sa kaniyang tahanan hindi bilang isang kaaway kundi isang kaibigan.

Sa pambihirang pagpapatunay ng pag-ibig ni Miller, pinakita niya ang kaibahan ng nakikinig lamang ng salita ng Diyos at sumusunod at pinamumuhay ito.

Sa biblia, mababasang noong nagtuturo sa napakaraming tao si Hesus, dumating at tumayo sa may labasan ang kaniyang nanay at mga kapatid na lalaki. Hindi sila makalapit sa Kaniya dahil sa dami ng tao kaya’t may isang lumapit kay Hesus para sabihin na ang Kaniyang nanay at mga kapatid ay nasa labas at nais siyang makausap.

Pero ito ang sagot ni Hesus “Ang nanay at mga kapatid ko ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nagsasagawa nito.” Nais kong linawin na hindi tinatakwil ni Hesus ang Kaniyang sariling pamilya. Nais lamang Niyang gamitin ang pagkakataong iyon na ipaliwanag sa mga taong nakikinig sa Kaniya na ang mga taong tunay na malapit sa puso Niya ay ang mga taong nakikinig ng Kaniyang mga salita, ang mga taong nagbabasa ng biblia at sinasagawa at pinamumuhay ang mga sinasabi Niya.

Hindi ba’t ganoon din tayong mga magulang at mga lola’t lola? Hindi natin mapigilan maging magiliw sa mga anak o apo nating nakikinig sa ating mga payo at sumusunod sa ating mga sinasabi.

Kaibigan, kung gusto nating maging malapit sa Diyos, na maituring na kapamilya Niya, mag-aral tayo ng biblia at isagawa natin ang mga tinuturo nito.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback