Print E-mail
Tuesday, 01 September 2009 00:00
Heavenly Connection    Ang baboy ay baboy, ang tao ay tao
 
Maraming salawikain tayong mga Pinoy. Paniniwalaan ba natin ang mga ito? Bakit hindi natin tingnan ang sinasabi ng biblia na siyang dapat na batayan ng ating pamumuhay dahil ito ang salita ng Diyos na Siyang lumikha sa atin? May kasabihan na ang baboy paliguan mo man at bihisan ay baboy pa rin. Babalik at babalik ito sa madumi at mabahong pamumuhay. Sinasabi natin ito kapag tinutukoy natin ang mga taong walang tigil sa kanilang kalokohan. Kapag nabalitaan nating nagbagong buhay na sila, ayaw nating maniwala. Pakiramdam natin ay pansamantala lamang ang pagbabagong ito, na darating at darating ang panahon na babalik sila sa masamang gawain nila dahil para sa atin ay hopeless case na ang mga taong matagal na at walang tigil sa paggawa ng kasamaan.

Sa bagay, hindi natin masisi ang mga taong nagsasabi ng ganiyan lalo na kung dalang-dala na sila sa mga taong baluktot ang pamumuhay o naging biktima sila ng mga kalokohan ng mga taong ito. Hindi na tuloy nila mapagkatiwalaan ang mga taong ito. Kahit naman siguro ako, kapag may taong tinakbuhan ako sa utang, mahirap nang magtiwala muli.

Pagdating sa pagtitiwala, sang-ayon ako na kailangan pagsikapan nilang maibalik ang pagtitiwala natin sa kanila. Pero pagdating naman sa paghuhusga na wala nang pag-asang magbago ang isang tao, hindi ako sang-ayon diyan. Naniniwala akong lahat ng tao ay karapatdapat na bigyan ng pagkakataon.

Naniniwala ako na ang isang tao, gaano man kasama, ay may pag-asang magbagong buhay hindi sa sarili niyang pagsisikap kundi sa tulong ng Diyos.

Bakit kamo? Dahil alam ko ang pinanggalingan ko. Trese anyos pa lang ako, mangiginom na ako. Maloko sa pag-aral at nasusuot sa kung anu-anong gulo.

Pero binago ako ng Panginoon. Noong sinuko ko ang aking buhay sa Kaniya at hinayaan kong Siya ang maghari at magpatakbo ng aking buhay, nag-iba ang aking ugali at pananalita.

Noong bago akong Kristiyano, nagulat ang mga kabarkada ko noong tumanggi akong uminom ng beer. Sa halip, juice lang ang inorder ko. Nagtaka rin sila na biglang nawala ang pagmumura sa aking bibig at hindi na ako nakikisakay sa mga biro nilang mahahalay. Hinamon nila ako na ilang buwan lamang ang itatagal ko at babalik ako sa dating gawi. Pero tinupad ng Diyos ag pangako Niya sa akin na Siya ang magbibigay ng kapangyarihang mabago ang aking puso at katauhan.

Nakita ko rin ang pagbabagong naranasan ng maraming tao. Mga dating alipin ng alak, drugs, sugal, pambababae na ngayon ay malaya na at masayang nabubuhay nang hindi na ginagawa ang mga dating bisyo nila.

Ang sabi ng biblia kung sinuman ang na kay Kristo ay bago nang nilalang. Wala na ang nakaraan at ang lahat ng bagay ay bago na. Lahat tayo ay makasalanan. Salamat na lamang sa Panginoong Hesus na nagbigay ng Kaniyang buhay sa krus para mapalaya tayo mula sa kasalanan, para sa ating kaligtasan, para sa ating pagbabagong-buhay.

Kahit tayo ay nadumihan na ng kasalanan, kahit tayo ay itinuturing ng ibang tao na wala ng pakinabang at pag-asa, hindi ang Diyos. Punung-puno siya ng pag-asa para sa atin. May nilalaan pa rin siyang magandang kinabukasan para sa atin.

Pakatandaan natin na anuman ang naging nakaraan natin, anuman ang katayuan natin ngayon, kaya tayong baguhin ng Diyos. Kaya Niya tayong bigyan ng magandang kinabukasan. Kaligayahan Niyang pagkalooban tayo ng bagong destinasyon sa buhay. Hindi na tayo kailangan pang mamuhay na bihag na kasalanan kagaya ng caterpillar na naghihirap sa paggapang. May kalayaan na tayong tuparin ang layunin natin sa Diyos kagaya ng paru-parong malayang lumilipad.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

 

Have a comment on this article? Send us your feedback