Print E-mail
Friday, 16 October 2009 00:00
Pastor Junie Josue     Kailangan bang matakot tayo sa kamatayan?

Minsan sinabi ng kilalang mangangaral ng salita ng Diyos na si Billy Graham, “Ano ba ang itsura ng langit? Kung paanong may hiwaga sa impyerno, gayon din sa langit. Ngunit naniniwala ako na tinuturo ng biblia na ang langit at impyerno ay kapwa literal na lugar. Hindi ako nag-aaalala kung saan sila matatagpuan dahil alam ko kung nasaan si Hesus at sinabi Niyang katatagpuin Niya ako doon.”

May mga taong walang takot na harapin ang kamatayan dahil alam nilang ito ay isang parang pintuan lamang na magbubukas sa daan ng kanilang destinasyon – ang langit. Naniniwala sila sa mga salita ng Panginoon tungkol sa kabilang buhay dahil naranasan nila mismo ang katapatan ng Diyos sa lupa.

Marami sa ating mga Pinoy ang patuloy na nagpupunta dito sa Canada. Tulad ng marami sa atin, nagtitiyaga silang pumila sa embassy, naghihintay ng ilang buwan o taon sa pagproseso ng kanilang mga papeles, nagbebenta ng kanilang mga bahay at ari-arian para may ipakita sa embassy at kahit paano ay may pang-umpisa sa bagong bayan. Nagpapaalam na sila sa mga barkada at mahal sa buhay na nakasama nila ng maraming taon. Iniiwan nila ang mga bagay na pamilyar at kinalakihan nila. Bakit? Dahil naniniwala sila na may mas magandang buhay at kinabukasan nag-aabang sa kanila dito.

Pananalig sa mas magandang buhay at kinabukasan ang nag-udyok sa kanila at karamihan sa ating mga Pinoy dito na iwan ang lahat sa sinilangang bayan. Ganiyan din ang mga Kristyanong tinutukoy sa biblia sa aklat ng Hebreo 11. Namatay silang lahat nang may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtam ang lahat ng mga ipinangako ng Diyos sa ibabaw ng lupa pero natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinikilala nilang sila ay mga dayuhan o turista lamang sa lupa. Naghahanap pa rin sila ng sariling bayan. Nais nila ang isang lungsod na nasa langit. Kaya nga’t hindi ikinahiya ng Diyos na Siya ay maging Diyos nila.

May mga nagdanas ng hirap sa lupa dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos. May ilang tumangging palayain sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap para magtamo ng mas mabuting buhay sa piling ng Diyos. Mayroon namang nilibak at hinagupit at mayroon ding nabilanggong gapos ng kadena. Sila’y pinagbabato at nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang naging damit nila. Sila’y naghihirap, aping-api at pinagmamalupitan. Nagtatago sila sa mga lungga, ilang at kabundukan. Ngunit lahat ng mga ito ay tinanggap at hinarap nila nang buong tapang dahil ang paningin nila ay wala sa buhay dito sa lupa na pansamantala lamang. Ang paningin nila ay nakatuon sa kabilang buhay kung saan ang katuparan ng kanilang mga pangarap ay makakamtam nila, kung saan ang walang paris na kaligayahan at kapayapaan ay mararanasan nila ng magpasawalang-hanggan.

Mula sa sinulat ni Max Lucado na may pamagat na And the Angels were Silent ang totoong kuwentong ito: May isang anim na taong batang lalaki na si Matthew Huffman. Anak siya ng mga misyoneryong nagpunta sa Salvador, Brazil. Isang umaga, nagkaroon siya ng lagnat. Habang tumataas ang kaniyang lagnat, nagsisimulang mawala ang kaniyang paningin. Sinakay siya ng kaniyang mga magulang sa kotse para itakbo sa ospital. Habang sila’y nasa daan, nakahiga si Matthew sa kandungan ng kaniyang nanay. May ginawa si Matthew na hinding hindi malilimutan ng kaniyang mga magulang. Biglang itinaas ni Matthew ang kaniyang kamay sa ere. Binaba ito ng kaniyang nanay. Tinaas muli ni Matthew ang kaniyang kamay sa ere at binaba muli ito ng kaniyang nanay. Pero tinaas muli ni Matthew ang kaniyang kamay. Nalilito ang kaniyang ina kaya’t tinanong niya ang kaniyang anak “Anong inaabot mo, Matthew?"

“Inaabot ko ang kamay ni Hesus, ‘nay,” ang sagot niya. Pagkasabi niyang iyon, pinikit niya ang kaniyang mga mata at naging comatose na ang bata. Hindi na muli itong nagising. Dalawang araw ang nakalipas, si Matthew ay namatay dahil sa sakit na meningitis.

Bilang isang musmos na bata, maraming hindi nalalaman sa buhay si Matthew ngunit natutunan niya ang pinakamahalagang bagay sa lahat at iyan ay kung sino ang aabutin sa panahon ng kamatayan.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback