|
|
| Sunday, 01 November 2009 00:00 | |||||
Tuwing November 11, ipagdiriwang natin ang Remembrance Day, isang araw na itinalaga upang ipaalala sa atin at maalala natin ang kadakilaan at sakripisyong ginawa ng ating mga sundalo sa digmaan. Sila’y tinuturing na mga bayani na naging magandang halimbawa sa taong bayan. Sila’y nagsilbing inspirasyon sa maraming tao – larawan ng katapangan, kagitingan at katapatan. At hindi nga biro ang inalay nila para sa bayan. Ang kaisa-isa nilang buhay ang tinaya nila para lamang makamtam ang kalayaan at kapayapaan ng ating bayan. Kaya nga’t nararapat lamang na mag-ukol ng kahit isang araw bawat taon upang alalahanin ang kanilang ginawa. At naging simbolo ng pag-alala sa kanila dito sa Canada ang pagkabit sa ating mga damit ng isang bulaklak na kung tawagin ay poppy na may kulay na pula na parang dugo. Ngunit alam n’yo bang may higit na mas dakila kaysa sa mga bayaning ito na dapat natin alalahanin at bigyang pugay? Hindi tulad ng mga sundalo na nag-alay ng kanilang buhay para sa kanilang kakampi, para sa kanilang minamahal at para sa kanilang inang bayan, si Hesus ay nag-alay ng buhay para sa kaniyang mga kaaway, para sa mga taong nagpako sa kaniya sa krus, para sa mga tumakwil at umalipusta sa kaniya at para sa ating lahat na itinuturing na nagkasala sa kaniya. Ang sabi sa biblia sa aklat ng Roma 5:8 “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noon tayo’y makasalanan pa.” Kung ang layunin ng mga sundalo natin ay ang kapayapaan at kalayaan ng ating bayan, may higit na dakilang layunin para sa atin ang Diyos at iyan ay magkaroon tayo ng buhay na ganap at kasiya-siya na hindi base sa ating kapaligiran o sa mga pangyayari sa ating buhay. Hindi siya nangako ng buhay na walang problema, pagsubok at paghihirap ngunit nangako siyang pagtatagumpayan natin ang mga ito sa pamamagitan ng ating pananalig sa Kaniya. At hindi lamang niya inisip ang buhay natin sa lupa na panandalian lamang. Namatay siya sa Krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan at magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Namatay si Kristo hindi lamang para sa isang bayan o sa isang espesyal na grupo. Binigay niya ang buhay niya sa krus upang ang lahat ng tao mula sa bawat lipi, wika, bayan at bansa ay matagpuan ang buhay na walang hanggan. Kaya nga’t nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga taong iba’t ibang kulay at lahi dahil sa kanilang pananampalataya. Noong unang panahon, inalipin ng bayang Ehipto ang mga Israelita. Nagpadala ng salot ang Diyos para mapalaya ang kaniyang mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ang hari ng Ehipto. Ang kahuli-huling salot na ipanadala ng Diyos ay ang pagkamatay ng mga panganay na lalaki maging ng mga anak ng hayop. Inutusan ng Diyos si Moses, ang pinuno ng mga Israelita na sabihin sa bawat puno ng sambahayan ng bayan ng Israel na pumili ng isang kordero para sa kaniyang pamilya. Papatayin nila ang kordero at ipapahid nila ang dugo nito sa mga hamba at sombrero ng pintuan ng bahay na kakainan ng kordero. Lilitsunin ito at kakanin ito kasama ang tinapay na walang lebadura at mapapait na gulay. Sa gabing iyon, lilibutin ng Diyos ang buong Ehipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki. Ngunit lalampasan ang lahat ng bahay na may pahid na dugo at walang pinsalang mangyayari sa kanila. Ang araw na ito na tinatawag na Paskuwa ay ipagdiriwang ng mga Israelita mapakailanman bilang pista ng Diyos. Nais ng Diyos na patuloy nilang ganapin ito kahit makarating na sila sa lupang pangako at ituro ito sa kanilang mga anak bilang pag-aalaala sa Paskuwa ng Diyos nang lampasan niya ang mga Israelita at iligtas ang mga ito mula sa mamumuksa. Nang nanaog si Hesus sa lupa, Siya na ang ating naging kordero na nag-alay ng buhay para tayo ay mabuhay at maligtas sa kapahamakan. Kaya bago siya namatay, tinatag niya ang Banal na Hapunan o ang tinatawag nating komunyon. Noong gabing siya’y ipinagkanulo, kasama niyang naghapunan ang kaniyang mga alagad. Dinampot niya ang tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandg para sa inyo. Gawin inyo ito bilang pag-aalaala sa akin. Hinawakan niya ang saro at sinabi, “Ang sarong ito ang bagong tipan, na pinagtitibay ng aking dugo, na tinigis para sa inyo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-alaala sa akin. Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay at iinom sa sarong ito ay pinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa muling pagparito niya.” Namatay si Hesus sa krus pero bumangon at nabuhay na muli pagkaraan ng tatlong araw. At ito ang ating pinagdiriwang sa panahon ng ating pagkokomunyon. Si Hesus ay namatay para sa iyo at para sa akin upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback
|



