Print E-mail
Saturday, 16 January 2010 00:00
    Bahala na!

May isang kaugalian tayong mga Pinoy na hindi maganda at iyan ay ang pagwawalang bahala sa mga bagay bagay. “Bahala na!” Iyan ang mga salitang naririnig natin sa mga taong pumapasok sa alanganing relasyon, sa mga taong patuloy na nagtatapon ng pera sa pamimili ng mamahaling gamit o sa kanilang layaw o sa pagka-cacasino kahit ubos na pati mga naipong pera. Iyan din ang sinasabi ng mga taong nagpapatuloy sa masamang bisyo.

Alam ba ninyo na ang kaugaliang bahala na ay nakapokus lamang sa ngayon, sa sarap at ginhawang mararamdaman sa pangkasalukuyan. Ang kaugaliang ito ay bulag at bingi sa maaring magiging epekto o resulta ng kanilang ginagawa sa kanilang sarili at sa ibang tao.

At natural, nasa huli ang pagsisisi. Karaniwan, kailangan pang makaranas tayo ng masasakit at mapapait na pangyayari sa buhay natin bago tayo matauhan.

Mababasa natin ang kuwento ni Samson na sa biblia sa aklat ng Mga Hukom. Bago pa ipinanganak si Samson, pinili na siya ng Diyos para sa isang misyon - ang maging tagapagtanggol ng bayang Israel. Sinabi ng Diyos sa kaniyang ina ang mga alituntunin na dapat sundin ni Samson sa kaniyang buhay bilang hinirang ng Diyos, na siya namang itinuro ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Lumaki ang bata na patuloy na pinagpapala ng Diyos. Binigyan siya ng Diyos ng pambihirang kalakasan para kalabanin ang kaaway nilang bayan.

Ngunit may isang hindi magandang ugali si Samson. Mahilig siya sa tsiks. Dahil sa kagustuhan niyang masunod ang layaw niya sa babae, binabale-wala niya ang tungkulin niya mula sa Diyos at ang mga kautusang dapat niyang sundin. Mula’t sapul, alam niyang hindi maaring makipagrelasyon ang isang Israelitang katulad niya na sumasamba sa tunay na Diyos sa hindi niya tagabayan na sumasamba sa diyus-diyusan dahil malaki ang tsansang aakayin lamang siya ng babaeng ito palayo sa tunay na Diyos.

Pero madalas nananaig ang hilig ni Samson sa tsiks kesa sa kautusan ng Diyos na alam naman niyang para rin sa kaniyang kapakanan. Tuwing naaakit siya sa isang babae, tiyak sinasabi niyang, “Bahala na, mapasaakin lang ang babaeng ito.” Ganoon nga ang kaniyang ginawa. Nagpakasal siya sa isang babae na mula sa kaaway nilang bayan. Walang nagawa ang kaniyang mga magulang. Pero hindi nagtagal, binigay ng ama ng babae ang kaniyang anak sa kaniyang best man. Nagpatuloy si Samson sa ugaling “bahala na.” Hindi pa rin natuto, pumatol siya sa isang babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw na mula rin sa kaaway nilang bayan. Ang pangalan niya ay Delilah. At siempre, walang mabuting kahihitnan ang paglabag sa kabutihan. Pinagkanulo siya ni Delilah at ibinunyag nito ang sekreto ng kaniyang lakas sa kaniyang mga kaaway.

Nagupo siya ng kaniyang mga kaaway, tinanggalan siya ng mata at ginawang alipin. Ang dating tagapagtanggol ng bayang Israel ay naging katawa-tawa sa mata ng kaniyang mga kaaway. Nasayang ang dakilang panawagan ni Samson dahil pinairal niya ang ugaling “bahala na.”

Kaibigan, hanggang kailan natin paiiralin ang ugaling “bahala na?” Hihintayin pa ba nating humantong sa malala ang situwasyon tulad ng nangyari kay Samson bago tayo matauhan? Kailangan bang mauntog pa tayo bago tayo tumuwid ng landas. Tandaan, nasa huli ang pagsisisi.

Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback