Print E-mail
Sunday, 31 January 2010 23:59
Pastor Junie Josue     Bahagi ng iisang katawan

Alam n’yo bang ang isa sa pinakamimithi ng Panginoong Hesus ay ang makilala sa pamamagitan ng kanilang pagkakaisa at pag-ibig sa isa’t isa ang mga Kristiyano, ang mga taong nananampalataya sa Kaniya. Dahil hindi ang ating mga doktrinang pinaniniwalaan kundi ang ating pagkakaisa at pag-iibigan ang pinakadakilang patotoo natin sa mundo. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, naipamumuhay natin ang katuruan at kaharian ng Diyos. Nakakita na ba kayo ng samahan kung saan pantay-pantay ang bawat tao, walang mahirap, walang mayaman? Hindi ba parang imposible yon? Pero totoong nangyari ito sa mga unang Kristiyano. Mababasa natin ito sa biblia sa aklat ng Mga Gawa 4: 32, 34-35, “Nagkaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng sumasampalataya (sa Diyos) at hindi tinuring ninuman na sarili niya ang kaniyang mga ari-arian kundi para sa lahat. Walang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa at buhay at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol. Ipinamamahagi naman ito ayon sa pangangailangan ng bawat isa.” At maraming mga tao ang nakasaksi nito at naakay nila tungo sa malapit na ugnay kay Hesus.

 
 

Noong January 10, 2010, 26 na simbahan sa Winnipeg ang nagtipon sa MTS Centre para sama-samang sumamba sa Diyos. Mga 8,000 tao ang dumalo. Ang layunin ng pagtitipon na ito ay upang pagtibayin ang pagkakaisa ng iba’t ibang kongregasyong nanampalataya sa Panginoong Hesus at sama-samang magtulungan upang iakay ang maraming taga-Winnipeg tungo sa malapit na ugnayan sa Panginoon.

Napakaganda ng larawang pinakita ni apostol Pablo sa biblia sa aklat ng 1 Corinto 12 patungkol sa simbahan na binubuo ng lahat ng mananampalataya kay Hesus. “Si Cristo ay tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng maraming bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat na nanampalataya sa Kaniya, maging Hudyo o anumang lahi, alipin man o malaya ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. Kung sabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya’t hindi ako bahagi ng katawan”, hindi nga ba bahagi ito ng katawan? Kung sabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya’t hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung panay mata lamang ang buong katawan, paano ito makaririnig? Kung panay tainga lamang ang buong katawan, paano ito makaaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ayon sa minabuti niya. Hindi maituturing na katawan kung ito’y iisang bahagi lamang! Ngunit ang totoo’y marami ang mga bahagi ngunit iisang katawan lamang.”

Naunawaan ng 26 simbahang nagtipon noong araw ng January 10, 2010 na pantay pantay ang lahat sa paningin ng Diyos, anumang lahi, o kulay o antas sa buhay, o wikang binibigkas ng mga kasapi ng mga ito. May mga maliliit na simbahan sumali at mayroon ding mga simbahang kasali ng ilang libo ang miyembro. Gayunpaman kinikilala nilang lahat na kailangan nila ang isa’t isa, na ang bawat isa sa kanila ay may dakilang layunin at panawagan mula sa Diyos.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback