Print E-mail
Tuesday, 16 February 2010 00:00
    Pagkakasundo ng mag-asawa

May kuwento ako tungkol sa mga porcupine. Ang porcupine ay isang uri ng hayop na parang daga. Ang kanilang katawan ay nababalutan ng parang mga toothpick na nakakatusok. Isang napakalamig na gabi ng winter, may isang grupo ng porcupine ang na-stuck sa kalagitnaan ng malaki’t nagyeyelong bukirin. Walang paraan para matakasan nila ang kumakagat na napakalamig na hangin. Hindi sila makapagtago. Nang sila’y naglalapit-lapit para mainitan, ang kanilang matutulis na buhok ay nakakasakit sa kanilang mga katabi. Mas lalo silang lumalapit sa isa’t isa, mas lalong tumitindi ang sakit. Ang ilang mga porcupine ay hindi na matagalan ang sakit kaya’t humiwalay sila sa grupo at natulog mag-isa. Pagdating ng umaga, ang mga humiwalay na porcupine ay natagpuang patay dahil nagyelo sila sa sobrang lamig.

Walang taong perpekto. Lahat tayo ay may kapintasan at kahinaan. Iba’t iba rin ang kinalakihan nating pamilya, kultura, paniniwala at kaugalian. Mas lalong malapit ang mag-asawa, mas lalong malaki ang tsansa na makita nila ang kahinaan, kapintasan at kaibahan ng isa’t isa. At minsan, hindi man sinasadya ng ating kabiyak, nasasaktan nila tayo. Pero hindi sapat na dahilan iyan para hiwalayan na natin ang ating asawa. Mas lalago tayo kung matututo tayong umunawa kung paanong kailangan din natin ang kanilang pang-unawa.

Isang katotohanan na dapat nating tanggapin ay hindi maiiwasan ang pagtatalo at hindi pagkakaunawaan sa pag-aasawa. Hindi ba’t nangyayari iyan sa magkakapatid, sa magkakamag-anak, sa magkakaibigan at sa iba pang ugnayan? Pero huwag natin itong hayaan na masira ang ating samahan. Umunawa at magpatawad tayo. Ang sabi ng biblia sa aklat ng Colossas 3:13, “Huwag tayong magtanim ng sama ng loob.” dahil ito ay nakakasira ng samahan. Ilan na bang mag-asawa ang naghiwalay dahil ayaw magpatawad ng isa o ng parehong partido? Ilang mister o misis na ba ang lumayo sa kanilang kabiyak dahil patuloy nilang dinadala ang kanilang sama ng loob o galit? Ilang buhay na ba ang nasira at nadamay ng naghiwalay na mag-asawa dahil lamang sa ayaw umunawa at magpatawad ni misis at ni mister? Muli ang sabi ng biblia sa Colosas 3:13, “Magbigay kayo ng puwang para sa pagkakamali ng bawat isa at patawarin niyo ang taong nakasakit sa inyo. Tandaan ninyo, pinatawad kayo ng Panginoon kayat dapat lamang na magpatawad kayo sa iba.”

Nakakalungkot pero isang katotohanan na may mga taong palipat-lipat ng relasyon. Kapag nasaktan sila ng kanilang kabiyak, lilipat sila sa iba para makaiwas. Kapag ganoon uli ang naranasan nila, lilipat naman sa iba pang kabiyak. Wala nang katapusan ang kanilang tampo at pag-alis. Sa halip na ayusin ang kanilang ugnayan sa mga tao, iiwas sila. Sa halip na umunawa at magpatawad, aalis sila at hahayaang nakabitin ang kanilang ugnayan sa mga taong nakasakit sa kanila. Tulad ng mga porcupine na humiwalay sa grupo, sila rin ang talo sa huli.

Para maiwasan din ang masaktan o makasakit sa ating asawa, mahalagang magpokus tayo sa mga bagay na nag-uugnay sa atin sa halip na ibaling natin ang ating pansin sa mga pagkakaiba natin. Ituon natin ang ating pansin sa mga bagay na mas mahalaga tulad ng pag-ibig natin sa isa’t isa, ang ating samahan at ang pagtupad ng layunin ng ating relasyon bilang mag-asawa at pamilya.

Noong namuhay si Hesus sa lupa, nakasama at nakasalamuha niya ang iba’t ibang tao. Hindi lihim sa kaniya ang mga kapintasan ng mga ito. Pero hindi niya ito ginawang dahilan para hindi abutin ang tao. Maging noong iniwan siya ng kaniyang mga alagad at pinahirapan at pinako siya sa krus ng mga Hudyo at sundalong Romano, hinayaan niyang mangibabaw ang pag-ibig kaysa sa sama ng loob. Kaibigan, kung gusto nating magtagal ang ating relasyon sa ating asawa, tayo na ang umunawa, magpatawad at umabot sa ating kabiyak. Wala itong katalo-talo.

May mga naghihiwalay na mag-asawa sa dahilang hindi sila compatible, marami silang mga bagay na hindi mapagkasunduan. Inamin ng kilalang pastor at manunulat na si Charles Swindoll na higit sa sampung taong naiirita siya sa kaniyang asawa. Madalas kasi, magkaiba ang pananaw ng misis niya sa kaniya. May mga araw na nag-aaway sila dahil dito. Pero ipinakita sa kaniya ng Diyos na ang kaniyang asawa ay iba dahil sadyang nilikha siya ng Diyos na kakaiba. Doon niya naunawaan ang kahalagahan ng kaniyang kabiyak – na hindi siya ginawa ng Diyos para maging anino niya. Dinisensyo siya ng Diyos para maging katuwang niya, isang nilikhang kailangang kailangan niya upang tulungan siyang maging ganap ayon sa plano ng Diyos sa kaniyang buhay.

Sa librong God’s Little Devotional Book for Couples, isinulat ang kuwento nila Marc at Joanne, mag-asawang parehong dentista at iisa lang ang dental clinic na pinagtatrabahuhan nila. Para sa marami, magkaibang-magkaiba sila at hindi ito itinatatwa ng mag-asawa. Tingin ng marami, hindi magtatagumpay ang pagiging partners nila sa clinic.

Ito ang sabi ni Joanne, “Talagang magkaiba kami sa maraming bagay. Hindi makabalanse ng checkbook si Mark pero ako, magaling ako sa accounting. Magaling si Mark na makipag-usap sa mga salesman na pumupunta sa clinic pero ako, binibili ko halos ng lahat na pinapakita’t inaalok nila sa akin. Mas higit na malinis ako kaysa kaniya pero hindi siya nag-uuwi sa bahay ng problema katulad ko. Noong kami ay nagtapos sa pagdedentista, pinayuhan kami na huwag magpartner sa pagpapraktis na aming propesyon.”

Ito naman ang dagdag ni Mark, “Sinunod namin ang payong iyan sa loob ng maikling panahon. Pero naisip ko dinadala ko ang accounting books sa bahay para balansehin ni Joanne at pinapakansel naman sa akin ni Joanne ang mga order niya sa mga salesman. Kaya’t sa halip na itatuwa namin ang aming kaibahan, ginamit na lamang namin ang mga ito para sa aming pakinabang. Kami’y magkaiba pero isang team din kami. Kung magkaparehong-magkapareho kami, marahil ay mababagot kami sa aming relasyon.”

Maaring magkaiba kayo ng inyong kabiyak sa inyong panlasa, interes, pananaw at personalidad. Pero alam ninyo bang ang inyong mga kaibahan ang siyang magbibigay kulay at yaman sa inyong relasyon.

Kayat sa halip na mainis tayo na iba ang ating kabiyak, bakit hindi tayo magpasalamat na iba sila sa atin. Hindi tayo kinakailangang magkakatulad sa lahat ng bagay upang magkaisa. Igalang natin ang kaibahan ng isa’t isa dahil kadalasan marami tayong mapupulot na aral sa kaibahan ng ating asawa at tao. Mahalagang ituon natin ang ating pansin sa mga bagay na tunay na mahalaga – at iyan ay ang pag-iibigan natin sa isa’t isa tulad ng pag-ibig ni Kristo sa atin

Ang sabi ni apostol Pablo sa biblia sa sa aklat ng Roma 14:19, “Kaya’t pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpaptibay sa isa’t isa.” Magkakaroon ang mag-asawa ng tunay na pagkakaisa kapag pinagsama-sama nila ang kanilang kalakasan at punan ang kakulangan ng isa’t isa. Iyan nga ang kagandahan ng pag-aasawa, na napag-iisa ang dalawang magkaibang nilalang sa pinakamataas na uri ng ugnayan ng tao.

Kaya mga kaibigan kong may asawa na, ano man at sino man ang napangasawa mo, siya ang ganap na kaloob sa iyo ng Diyos para gawin kang kompleto. Mahalin, tanggapin, pakinggan at pasalamatan siya kahit magkaiba kayo sa maraming bagay, dahil na sa kaniya ang kailangan mo para magtagumpay sa buhay.

Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback