|
|
| Monday, 01 March 2010 00:00 | |||||
Nanalangin tayo ng himala para sa mga pangit at magulong pangyayari sa buhay natin. Pero kadalasan hindi natin nauunawaan na ang kasagutan sa panalangin na iyan ay nasa sa atin rin. Nais ng Diyos na maging kabahagi tayo sa himalang gagawin niya. May kilala akong isang babae na palaging problemado sa kaniya asawa. Lulong sa bisyo si mister. Buhay binata pa rin siya kahit na apat na ang anak nila. Palaging nasa barkada siya at napapasabak pa sa gulo kung may mga panahong kailangan pa siyang ipiyansa ng kaniyang misis makalaya lamang sa kulungan. Minsan ilang araw itong mawawala. Ni hindi alam ng misis niya kung ano na ang nangyari sa kaniya, kung buhay pa ba ito o hindi. May mga pagkakataon ding nahuhuli niya itong may kasamang ibang babae. Puro hirap at sakit ng ulo ang dulot ng kaniyang mister. Sinubukan niya ang maraming paraan para mabago niya ito. Dumating sa puntong hindi na niya makayanan. Sobra na ang lahat. Sa kaniyang desperasyong, nanalangin siya sa Diyos na mabago ang kaniyang asawa. Humiling siyang manatiling buo ang kaniyang pamilya dahil alam niyang anumang panahon, mawawasak na ito. At sa patuloy na pananalangin niya, naging malapit siya sa Diyos. Natuto siyang magbasa ng biblia at sa mga salita at pangako ng Diyos siya nakakahanap ng kalakasan at pag-asa. Hindi niya namamalayan na unti-unti siyang binabago ng Panginoon. Lumago ang kaniyang pananalig sa Diyos. Binago niya ang trato sa kaniyang asawa. Sinuklian niya ng pag-ibig ang mga maling trato nito sa kaniya. Wala siyang sawang nanalangin at naglingkod sa kaniyang asawa kahit na halos wala pa siyang makitang pagbabago nito. Dumating ang panahon na sumama na rin ang kaniyang mister na magsimba. Nagsimula itong makisali sa grupo ng mga Kristyanong sinasamahan niya na nag-aaral ng salita ng Diyos. Unti-unti nasaksihan niya ang himala ng Diyos sa buhay ng kaniyang asawa. Hindi na ito sumasama sa kaniyang mga barkada. Nababago ang pananalita at pagkilos niya. At ang dating munting nang mawasak na ugnayan ay napabuti dahil sa himala ng Diyos. Ilang panahong, makalipas, kasama na niyang naglilingkod sa simbshan ang kaniyang mister. Isang himala ang nangyari sa buhay ng kaniyang mister. Maging ang mga dating kakilala nito ay nagtaka sa kakaiba niyang kilos at pananalita at sa malapit na ugnayan nito sa Panginoon. May mga taong nagiging sanhi ng sama ng loob at pasakit natin at siyempre gusto natin silang magbago. Kaya’t pinapanalangin natin silang mabago. Pero natutunan ko na tayo muna ang binabago ng Diyos bago ang mga tao sa paligid natin dahil nais ng Diyos na maging instrumento tayo ng pagbabagong buhay ng ibang tao. Naisip ko nga na buti na lamang at hindi inisip ng babaeng ito na hiwalayan ang kaniyang mister noong nagloloko pa ito. Buti na lamang at naniwala pa siyang walang imposible sa Diyos, na walang taong hindi kayang baguhin ng Diyos. Buti na lang ang nanindigan siya sa kaniyang pananaligan. Walang ibang ninais ang magulang kundi mapabuti ang kanilang mga anak. Pero marami pa rin ang naliligaw ng landas. Hindi pa huli ang lahat. Andiyan ang Diyos na maaaring kumilos sa kanilang buhay. Nais din ng Diyos na gawin natin ang ating tungkulin – na maging magandang halimbawa sa ating mga anak at gawin ang lahat ng paraan para gabayan sila sa tamang pamumuhay. Kaya’t tayo mismo ay kailangan magpabago sa Diyos upang makita natin ang himala sa buhay ng ating mga mahal sa buhay. Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at the PCCM, 737 Keewatin St. [Worship Services: Sundays 9:00 a.m. & 11:00 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



