|
|
| Tuesday, 16 March 2010 00:00 | |||||
Kapag mamamatay na ang isang tao, mahalaga para sa atin ang bawat salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Alam kasi natin na bukal sa puso ang sinasambit ng isang taong malapit nang pumanaw. Ang pinakahuling pangungusap ni Hesus sa krus bago siya namatay ay ito “Tapos na.” Hindi tinutukoy ni Hesus ang katapusan ng kaniyang buhay sa lupa. Sa halip, ang pangungusap na ito’y nangangahulugang nagawa na niya’t nakompleto ang tungkuling pinagagawa sa Kaniya ng Diyos Ama. Naibuhos na Niya ang kaniyang dugo. Naialay na niya ang kaniyang buhay. Nakagawa na siya ng paraan para maligtas ang tao sa kaparusahang bunga ng kasalanan. Nabayaran na niya nang buo ang utang na dapat sana tayo ang nagbayad. Noong inalay niya ang kaniyang sarili sa krus, binigay niya nang buong buo ang hinihingi ng batas kayat natubos na ang tao mula sa kasalanan. Dahil natapos na ni Hesus ang pinagagawa sa kaniya ng Diyos Ama, maaari na tayong makinabang sa mga benepisyong dulot nito. Napawalang sala na tayo dahil sa kamatayan ni Hesus. Minsan may nakausap akong isang lalaki. Sinabi niyang nais niyang magbagong buhay, talikuran ang makasalanang buhay at magkaroon ng malapit na ugnayan kay Hesus. Pinangunahan ko siya sa panalangin – isang panalangin ng pagsisi sa kaniyang mga nagawang kasalanan at pagsuko ng kaniyang buhay sa Panginoong Hesus. Pagkatapos niyang makapanalangin, sinabihan ko siya na magpasalamat siya sa Diyos dahil napatawad na ang kaniyang mga kasalanan at may bagong buhay na siya na handog ng Diyos para sa kaniya. Parang hindi siya makapaniwala. Ang tanong niya sa akin “Ganoon lang? Nanalangin lang ako’t nagsisi sa aking mga kasalanan tapos ay makakatanggap na ako ng kapatawaran ng Diyos? Hind ba kailangan pa akong magpenitensiya para sa mga kasalanang nagawa ko?” Hindi ko siya masisi na magtanong at magkaroon ng maling paniniwala dahil hanggang ngayon pinaiiral sa mundong ang prinsipyong kung may nagawa kang kasalanan o atraso ay kailangang pagbayaran mo ito, Kaya nga nakukulong o namumultahan ang mga lumalabag sa batas ng lipunan. Kaya nga hindi tayo nasisiyahan hanggat hindi natin nakikitang pinagbayaran na ng mga nakaatraso sa atin ang kanilang pagkukulang. Humihingi tayo ng hustisya. Maging ang Diyos ay naniniwala sa hustisya – na may karampatang kabayaran ang kasalanan. Nilabag natin ang kaniyang mga kautusan at nararapat lamang tayong maparusahan. Pero alam din ng Diyos na hindi natin kayang pagbayaran sa sarili nating paraan at lakas ang mga salang nagawa natin. Kamatayan ang kabayaran ng ating kasalanan pero kahit ialay natin ang atin buhay ay hindi pa sapat. Kailangan ng pag-aalay ng buhay ng isang tao walang bahid ng kasalanan para mapatawad tayo at tanging ang Anak niyang si Hesus na nagkatawang tao ang maaaring magng handog para sa ating kasalanan. Buong pagsunod sa Diyos Ama na tinapos ni Hesus ang kaniyang tungkulin. Mababasa sa biblia na noong unang araw, naghahandog ang mga Israelita ng mga hayop, pinapatay nila ito at binubuhos ang dugo nito para mapatawad sila sa kaniyang mga sala pero ang mga handog nilang mga ito ay nagpapagunita sa kanila taun-taon ng kanilang mga kasalanan dahil hindi talaga nakakapawi ng kasalanan ang mga hayop na kanilang sinasakripisyo. Kayat dumating si Cristo na minsan lamang nag-alay ng kaniyang buhay at iyon ay sapat na para mapatawad ang tao sa kasalanan. Kayat hindi na tayo kailangan pang magpenitensiya. Kailangan lamang natin pagsisihan ang ating mga kasalanan, talikuran ang ating kasalanan at hayaang maghari sa ating buhay ang Panginoon para tayo ay mapatawad. Sapat na ang krus para sa kabayaran ng ating mga atraso maniwala ka man o hindi. Kaibigan, hindi basta basta ang pinambayad ni Hesus para sa kapatawaran ng ating kasalanan. Hindi biro ang tiniis niyang hirap para hindi tayo maparusahan ngayon at sa kabilang buhay. Binigyan niya rin tayo ng halimbawa para magpatawad ng mga taong nagkasala sa atin. Panahon na para tanawin natin bilang malaking utang na loob ang ginawa sa atin ng Panginoon. Ipaubaya natin ang ating buhay sa kaniyang pamumuno at paggabay. Nakaranas tayo ng kapatawaran para sa mga kasalanang hindi natin kayang pagbayaran, kayat magpatawad rin tayo sa mga nagkasala sa atin. Nakaranas tayo ng pag-ibig kahit hindi tayo karapat dapat, gayundin ang gawin natin sa ating kapwa kahit na sa tingin nati’y hindi sila dapat pag-ukulan ng pansin. Ang sabi sa biblia sa Efeso 4:32 “Maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa at magpatawaran tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.” Bigyan halaga natin ang ginawa niyang paghihirap sa krus. Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback
|



