|
|
| Thursday, 01 April 2010 00:00 | |||||
Kilala tayong mga Pinoy na marunong tumanaw ng utang ng loob. Pero kahit anong pagpepenitensiya natin, kahit ilang beses tayong manalangin, hindi natin kayang bayaran ang ginawa ni Hesus para sa atin. Inalay niya ang kaniyang buhay sa atin. Hindi biro ang pasakit na dinanas niya noong nilagay ang koronang puno ng tinik sa kaniyang ulo, ang mga hagupit ng latigong puno ng matutulis na bakal na pumunit ng balat at laman ng kaniyang likod, at mga malalaking pakong nilagay sa kaniyang mga kamay at paa at ang mga pang-aalipusta ng mga taong hindi naman niya ginawan ng masama Totoong hindi natin kayang bayaran o suklian ang kaniyang ginawa. Pero may paraan para mapasalamatan natin siya at ipakitang pinahahalagahan natin ang kaniyang ginawa. Mamuhay tayo nang marangal, nang matuwid at ayon sa kaniyang kaparaanan. Noong 1998, may isang pelikulang pinalabas sa sa sinehan na ang pamagat ay Saving Private Ryan. Apat na lalaking magkakapatid ang sumama sa giyera noong World War 2. Ang dalawa sa kanila ay namatay habang nakikipaglaban sa Normandy. Ang isa naman ay namatay sa New Guinea sa kainitan din ng labanan. Parehong araw nakatanggap ang kanilang ina na si Mrs. Ryan ng mga telegrama tungkol sa pagkamatay ng kaniyang 3 anak. Nalaman ng United States Army Chief of Staff na si George C. Marshall na may isa pang anak sa giyera si Mrs. Ryan. Siya ay si Private James Ryan. At para magbigay kagaanan sa pinapasang dalamhati ni Mrs. Ryan, nagpadala si Marshall ng walong sundalo para hanapin si Private Ryan at ibalik ito sa piling ng kaniyang ina. Pinamunuan ni Captain Miller ang grupong maghahanap kay Private Ryan. Walang nakakaalam kung buhay pa si Private Ryan at ang lugar kung saan siya nakikipaglaban ay napakamapanganib. Sa paglalakbay nila’t paghahanap kay Private Ryan, ilan sa mga tauhan ni Captain Miller ang namatay. Natagpuan rin nila sa wakas ang kanilang hinahanap. Pero sa halip na pumayag itong sumama sa kanila, tumanggi ito. Naatasan kasi ang squad ni Private Ryan na tumao sa isang tulay na kritikal na lugar sa labanan na iyon. Napilitang si Capt. Miller at ang kaniyang mga tauhan na tumulong para labanan ang pag-atake ng mga German. Pero sa bandang huli, nabaril si Captain Miller. At tatlong tauhan na lang niya ang nakaligtas sa labanan. Bago tuluyang nalagutan ng hininga si Miller, ito ang sabi niya kay Private Ryan, “James, maging karapat dapat ka.” Nais ipahatid ni Capt Miller na hindi biro ang sakripisyong ginawa niya at ng kaniyang mga tauhan para lang hanapin siya at ibalik nang buhay sa piling ng kaniyang ina at ayaw niyang mabale-wala ang kanilang sakripisyo kaya’t sinabihan niya si Private Ryan na mamuhay siya nang karapat- dapat. Sa bandang huli ng pelikula, pinakita si Private Ryan na matanda na at nasa isang sementeryo ng mga sundalo sa Normandy. Dinalaw niya ang libingan ni Captain Miller. At pagkatapos na gunitain niya ang nakaraan, ang mga ginawang pagliligtas sa kaniya ni Captain Miller at ng mga kasamahan nito, tinanong niya ang kaniyang misis na nasa tabi niya kung namuhay ba siya nang matuwid, kung naging karapat dapat ba siya sa pagpapakasakit na ginawa ng mga sundalong ito. Kaibigan, hindi ba panahon na para itanong din natin ang ating mga sarili kung anong uring buhay ang pinamumuhay natin. Natutuwa ba ang Diyos sa buhay natin ngayon? Nagpapahayag ba ang ating buhay ng pasasalamat at pagpapahalaga sa sakripisyong inalay ng Panginoon sa krus? Kung alanganin ang ating sagot, habang may panahon pa, mamuhay tayong nang karapat-dapat. Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



