Print E-mail
Saturday, 01 May 2010 00:00
Pastor Junie Josue     Pag-ibig na hindi sumusuko

Sa biblia, sa aklat ng Genesis 6: 5-7 mababasang minsan nakita ng Diyos na labis ang kasamaan ng tao at wala na itong iniisip na mabuti. Kaya’t ikinalungkot niya ang pagkalalang sa tao. Sinabi niya “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng mga hayop at ibon. Bakit ba nilalang ko pa ang mga ito?”

Hindi ba’t nasasagad ang pasensiya natin kapag paulit-ulit na lamang nagkakamali ang ating mahal sa buhay? Nagtatanong minsan tayo kung bakit sila pa ang napili nating pakasalan. Napapagod na tayo minsan sa pagtutuwid sa ating mga anak na parang hindi na natuto-tuto. Mabuti pa ang mga anak ng kapitbahay natin na napakababait at napakagagalang.

Pagsisisi ang nadama ng Diyos nang makita niya ang laganap na kasamaan sa puso ng tao. Banal ang Diyos at hindi niya pahihintulutang mawala ang hustisya. Kaya’t kailangan pagbayaran ng tao ang kaniyang salang ginawa. Pero isa rin sa katangian ng Diyos ang pagkamahabagin. Kalakip sa pag-ibig niya sa tao ang awa niya. Kaya’t nang makita niya si Noe, ang kaisa-isang taong nananatiling namumuhay nang matuwid, nalugod siya dito. Dahil sa biyaya ng Diyos, pinagpatuloy niya ang plano niya para sa tao sa pamamagitan ng pakikipagkasunduan kay Noe. Mula sa lahi ni Noe magsisimula muli ang tao. Nangako ang Diyos sa kaniya na hindi na niya muling wawasakin ang buong daigdig sa pamamagitan ng baha. Dahil sa habag ng Diyos kay Noe, sinilang at nabubuhay tayo ngayon sa mundong ito.

Ito pa ang isang halimbawa ng pag-ibig ng Diyos na hindi sumusuko. Suko na sa langit ang kasamaan ng lunsod ng Nineveh kaya’t inutusan ng Diyos ang propetang si Jonas na magpunta sa lugar na yaon para pangaralan at bigyang babala ang mga mamayan sa nito. Ngunit ayaw sumunod ni Jonas. Sa isip niya, may karapatan siyang tumakas at umayaw. Mahigpit na kaaway kasi ng kaniyang bayan ang Asiria kung saan ang punong lungsod nito ay ang Nineve. Matinding hirap ang dinanas ng mga Israelitang tulad niya sa kamay ng mga taong ito. Kaya’t sa palagay niya, karapat-dapat lamang silang malipol ng Diyos. Ang huling bagay na nais niyang mangyari sa mga kaaway ng kaniyang bayan ay ang makatanggap ng habag at pag-ibig ng Diyos. Ang bayang niyang Israel ang bayang pinili ng Diyos at ito lamang ang karapat-dapat na makatanggap ng pabor mula sa Diyos.

Subalit, kilala niya ang Diyos. Alam niyang ang Diyos ay mahabagin at mapagpala, matiyaga, punung-puno ng pag-ibig at madaling mapawi ang galit. Alam niyang hindi susuko ang Diyos hangga’t hindi niya mapadama ang kaniyang habag kahit sa masasamang taong tulad ng mga mamamayan ng Nineve. Alam niyang sa pagsugo ng Diyos sa kaniya sa siyudad na yaon, nangangahulugan ito ng pag-aalok ng Diyos ng pagkakataon at pag-asa sa masamang bayang yaon.

Kaya’t tumakas siya sa mula sa panawagan ng Diyos. Pagkaraan ng maraming mabibigat na pangyayari, sumunod siya sa pinag-uutos ng Diyos. Kahit na labag sa kaniyang kalooban, nangaral siya sa mga tao sa Nineve. Nakinig ang mga tao sa kaniya at nagsisi sila sa kanilang sala. Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya itinuloy ang pagwasak sa Nineve. Inilalarawan sa kuwento ito ang lubos na kapangyarihan ng Diyos sa kaniyang sangnilikha. Kaya niyang magpadala ng bagyo para pigilan ang pagtakas ng kaniyang propeta. Kaya niyang magpadala ng malaking isda para maturuan ng leksyon si Jonas. Subalit sa ibabaw ng lahat, inilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng pag-ibig at awa na hindi sumusukong magmahal at handang magpatawad at magligtas kahit sa mga kaaway ng kaniyang piniling bayan.

Kaibigan, hindi sumusuko ang Diyos sa inyo. Kung kailangan makaranas kayo ng himala para patunayan niya ang kaniyang pag-ibig sa inyo, gagawin iyon ng Diyos. Walang hopeless case sa Diyos. Saan ka man naroon, hindi titigil ang Diyos hangga’t hindi ka lumapit sa Kaniya. Kaibigan, nananawagan ngayon ang Diyos sa iyo na magsisisi ka’t tumalikod sa iyong mga kasalanan upang makatanggap ka ng kapatawaran at pagpapala mula sa Kaniya.

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.