|
|
| Sunday, 16 May 2010 00:00 | |||||
Si Nathan ay isang propeta sa Israel noong panahong naghahari si David sa Israel. Kaibigan ni Nathan si Haring David. Isang araw, noong panahon na walang mga giyerang nagaganap at nagre-relax si Haring David sa kaniyang tahanan, sinabi niya kay Nathan “Eto ako, nakatira sa isang palasyong gawa sa cedar samantalang ang arko ng Diyos ay nananatili sa isang tolda.” Nangarap si David na gumawa ng isang permanenteng lugar para sa arko na siyang simbolo ng presensiya ng Diyos. Nakaisip siyang gumawa ng isang templo para sa Diyos. Umayon sa kaniyang plano si Nathan. Hindi sinabi sa biblia kung umayon si Nathan. Marahil takot siyang salungatin ang plano ng hari na magtayo ng templo. Pero noong gabing iyon, kinausap ng Diyos si Nathan upang sabihin dito ang plano niya tungkol sa templong binabalak ni Haring David. Sinabi niya hindi si David ang magtatayo ng templo kundi ang kaniyang anak na si Solomon. At kinaumagahan, kahit marahil ay takot siyang sabihin sa hari ang sinabi sa kaniya ng Diyos, sinabi pa rin niya ito. Pero walang dapat ikabahala si Nathan dahil buong pusong sumang-ayon ang hari sa plano ng Diyos. Lumipas ang panahon, nagkasala si Haring David. Pumatol siya sa isang babaeng hindi niya asawa. Pinapatay pa niya ang asawa ng babaeng ito. Sinabi ng Diyos ang lahat ng ginawa ni David sa propetang si Nathan at inutusan ng Diyos na harapin niya si David upang sabihin ang kaniyang kasalanan. Ang kanilang pagkakaibigan at ang kaniyang buhay ang nakataya sa pagharap niya sa hari. Ang pagkakaibigan ay madalas nasusubukan sa maraming oras ng pagpapagal o paghihintay. Ang kaibigan ay handang makinig at magsabi ng mga salitang puno ng pag-ibig at pagpapalakas ng loob. Pero hindi maiwasan minsan na bilang isang kaibigan, kailangan nating sabihin ang katotohanan gaano man kasakit ito. Pero sa halip na diretsahin ni Nathan ang hari na maaring magpahamak sa kaniya, naisip niyang idaan ito sa isang kuwento. Kinuwento ni Nathan sa hari ang tungkol sa isang tupa na pag-aari ng isang mahirap na lalaki at tinuring niyang mistulang anak niya na nakikisalo sa kaniyang pagkain, umiinom mula sa kaniyang tasa at natutulog sa kaniyang mga bisig. At sa lugar na rin iyon ay may isang mayamang lalaki. Isang araw, may isang manlalakbay na pumunta sa bahay ng mayamang lalaki at sa halip na kumuha sa kaniyang mga alagang hayop, kinuha niya ang tupa na pagmamay-ari ng mahirap na lalaki. Ang tupang ito ang inihanda niya para ipakain sa bisita. Nagalit ang haring David sa mayamang lalaki at sinabi niyang karapat dapat lamang mamatay ito. Tahasang sinabi ni Nathan sa kaniya “Ikaw ang lalaking iyon.” Sa pamamagitan ng mensahe ni Nathan, malinaw na narinig ng hari ang tinig ng Diyos. Nagsisi siya sa kaniyang ginawang sala. Napatunayan ni Nathan ang kaniyang pag-ibig sa kaniyang kaibigan na si Haring David sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan gaanuman kasakit ito maaring tanggapin. Hindi tayo puwedeng manahimik na lamang kung alam nating patuloy na namumuhay sa kasalanan ang ating mahal sa buhay, kung alam natin na kapahamakan ang naghihintay sa kanila. Hindi tayo puwedeng sumang-ayon na lamang sa mga ginagawa ng ating mga mahal sa buhay kahit na mali ang ginagawa nila. Takot kasi tayong masira ang ating samahan. Takot tayong madamay, masangkot sa gulo. Ayaw nating masabihan tayong pakialamero. Nag-aalala tayong baka tayo ang balikan nila. Pero kung tunay tayong nagmamalasakit, kailangan nating pagsabihan ang ating mga mahal sa buhay kung sila ay naliligaw na ng landas. Kailangan tulungan natin silang makita ang kamalian ng kanilang ginagawa. Iyan ang tunay na kaibigan. Ang sabi sa biblia sa Kawikaan 27:6, “Mas mabuti ang sugat ng isang kaibigan kesa sa mapanlinlang na halik ng isang kaaway.” Hindi minsan maiwasang masaktan natin ang damdamin ng ating mahal sa buhay. Alam kong nasasaktan minsan ang aming mga anak kapag pinagsasabihan namin sila kung may nagawa silang mali. Pero alam nilang ito ang paraan para matuto sila. Sino pa ang magsasabi sa kanila? Sino pa ang maggagabay sa kanila? Kaibigan, hindi tayo puwedeng manahimik na lamang. May responsibilidad tayo sa mata ng Diyos. Alam kong mahirap minsan gawin ito dahil nakataya ang ating ugnayan sa kanila. Humingi lamang tayo ng biyaya sa Diyos at Kaniya tayong gagabayan. Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



