Print E-mail
Tuesday, 01 June 2010 00:00
    Pabor ng Diyos

 

Ang kauna-unahang hari ng Israel na si Saul at ang kaniyang anak na si Jonathan ay namatay sa kanilang pakikipagdigmaan sa mga Filisteo. Noong nabalitaan na ang pagkatalo ng kanilang bayan, kinuha ng isang lingkod na naninilbihan sa tahanan ni Jonathan ang anak na lalaki nito na si Mepiboshet. Pero sa halip na iligtas niya ito, inihulog niya ang limang taong bata na nagdala sa kaniyang pagiging lumpo habang buhay. Maging ang tiyuhin Ni Mepiboshet na tinanghal na hari ay pinatay rin. Napilitan tuloy si Mepibosheth na umasa sa pagkakawanggawa ng ibang tao. Ang dating anak ng prinsipe ay ngayo’y hindi na kayang magtrabaho para sa kaniyang sarili. Nanganganib din ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang pamilya. May kaugalian kasi noong unang panahon, pinapapatay ng bagong hari ang lahat ng kamag-anak at malapit sa dating hari para hindi maging sagabal o magtangka ang mga ito sa kaniyang trono.

Pagkalipas ng maraming taon, nang sumagana ang kaharian ni Haring David, naalala niya ang kaniyang pangako sa kaniyang matalik na kaibigan ni si Jonathan na anak ng haring kaniyang pinalitan. Nangako siyang aalagaan niya si Jonathan at ang pamilya nito. Pero dahil namatay sa digmaan si Jonathan, nais malaman ni David kung may natitira pang pamilya ito na maaari niyang alagaan at gawan ng kabutihan.

Nalaman niya sa dating utusan ni Saul na si Ziba na may isa pang nabubuhay na anak si Jonathan at ito ay walang iba kundi si Mepiboshet. Pinatawag niya ito.

Buong pagpapakumbabang lumapit si Mepiboshet sa hari. Hindi siya nakakatiyak kung anong gustong gawin nito sa kaniya. Malamang hindi lingid sa kaniya kung paano tinugis ng kaniyang lolong si Haring Saul si David ng ilang taon. Marahil alam din niya na malapit ang kaniyang tatay na si Jonathan kay David pero sapat na ba ito para paboran siya ni Haring David?

Laking gulat niya noong sinabihan siya ng hari na huwag matakot. At sinabi pa ng hari na para sa ngalan ng kaniyang amang si Jonathan, ibabalik nito ang lahat ng lupain na pagmamay-ari n ng kaniyang lolo. At hindi lang iyan, araw araw, kasalo niya ang hari sa pagkain.

Nagulantang nang husto si Mephibosheth. Hindi lamang naligtas ang buhay niya bagkus biniyayaan pa siya ng lahat ng lupain na dating pagmamay-ari ng kaniyang angkan at itinuring pa siyang pamilya ni Haring David. Ngayon lamang siya nakaranas ng ganoong uri ng habag at biyaya. Sa halip na kapahamakan, nakatanggap siya ng pagpapala.

Hindi ba’t kaawa-awa ang nakaraan ni Mepibosheth? Bata pa ay nalumpo na dahil sa isang aksidente. Nawalan rin siya ng ama sa murang edad. Ang buhay na marangya ay nawala sa kaniya sa isang iglap. Nakaasa siya sa kabutihan ng tao sa paligid niya sa loob ng maraming taon. Nabubuhay siya sa takot na baka isang araw, kunin ang kaniyang buhay ni Haring David dahil sa siya ay kaangkan ng taong tumugis at nagpahirap dito.

Pero nabago ang kaniyang buhay dahil sa habag ng isang lalaki. Isang lalaki na hindi niya inaasahang magbigay sa kaniya ng kahit na kaunting kabutihan – si Haring David.

Kung susuriin nating mabuti, malaki ang pagkakatulad natin kay Mepiboshet. Tayo ay ipinanganak sa kasalanan. Tayo ay itinuring na kaaway ng Diyos dahil dito. Walang magandang kinabukasang naghihintay sa atin. Namumuhay tayo araw araw na walang kasiguraduhan sa ating buhay. Pero dahil sa habag ng Diyos, Siya na mismo ang gumawa ng paraan upang magkaroon tayo ng pag-asa at magandang kinabukasan tulad ng ginawa ni Haring David kay Mepiboshet.

At kung tatanggapin lamang natin ang kaniyang alok tulad ng buong pagpapakumbabang pagpapasakop ni Mepibosheth kay Haring David, makakaranas tayo ng pagpapala at buhay na kasiya-siya. Mapapabilang tayo sa pamilya ng Diyos. Mababalik ang mga nawala sa atin. Maliligtas ang ating buhay mula sa kapahamakan. Hindi na tayo mabubuhay pa sa takot at walang kasiguraduhan.

Sa aking pagtatapos, nais kong ibahagi sa inyo ang isang kataga mula sa biblia sa Jeremias 29:11, “Alam ko ang mga planong inihanda ko para sa inyo, mga planong para pasaganahin kayo at hindi para masaktan kayo, mga plano para bigyan kayo ng pag-asa at kinabukasan.”

Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback