Print E-mail
Thursday, 01 July 2010 00:00
Pastor Junie Josue     Ngayong malaya na tayo

Kapag tayo’y magsisi, tumalikod sa kasalanan at tumanggap kay Kristo bilang ating Tagapagligtas at Panginoon, tayo ay tunay na makakalaya sa pagkabihag ng kasalanan. Magkakaroon tayo ng kaligtasan sa kapahamakang dulot ng kasalanan. Ang sabi sa biblia sa Roma 5 “Ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama ni Kristo sa krus upang mamatay ang makasalanang katawan at hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Kaya’t dapat natin ibilang ang ating sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa ating pakikipag-isa kay Cristo Hesus.”

Isang gabi, si Martin Luther ay balisa sa kaniyang pagtulog dahil sa pag-iisip sa mga pagkakasalang kaniyang nagawa. Sa kaniyang panaginip, nakakita siya ng demonyo na nakatayo sa blackboard at sa taas ng bloackboard ay nakasulat ang pangalan ni Luther. Sinusulat ng demonyo ang lahat ng kasalanan ni Luther at napuno ang blackboard ng listahan ng mga kasalanan niya. Nanlumo si Luther at naisip niyang napakarami ng kaniyang kasalanan na hindi na siya mapapatawad kailanman. Ngunit sa kaniyang panaginip, bigla siyang nakakita ng kamay na sinadlak at duguan na nagsusulat sa ibabaw ng listahan ng mga kasalanan niya. Eto ang sinulat ng kamay “Ang dugo ni Hesu-Cristo na anak ng Diyos ay naglilinis sa atin sa lahat ng ating kasalanan.” Habang gulat na gulat na nakatitig si Luther, tumulo ang dugo mula sa sugatang kamay. Nilinis at binura nito ang listahan ng mga kasalanan niya.

Anuman ang akusasyon at pag-uusig na ating marinig mula sa ibang tao o kahit na mula sa demonyo, kailangan tayong manampalatayang pinatawad na tayo ni Kristo sa ating kasalanan kapag pinagsisihan at tinalikuran na natin ang mga ito.

At tulad nga nang binanggit sa biblia sa Juan 8:34, tunay ngang tayo’y malaya kapag tayo’y pinalaya ni Hesus. Wala sinuman o anumang bagay ang makakakuha ng kalayaan na ito mula sa atin maliban sa ating sarili. Ngunit Kung tumanggi tayong magpasakop sa Diyos at patuloy na magpasailalim sa kapangyarihan ng kasalanan, tayo’y patuloy na mabibihag.

Kahit na tayo ay napalaya na sa kasalanan, patuloy tayong naninirahan sa mundong makasalanan. Hindi pa rin tumitigil ang demonyo sa pagtukso sa atin upang tayo’y magkasala. Ngunit ngayong tayo’y pinamumunuan na ni Kristo, may kalakasan at kapangyarihan na tayong mapagtagumpayan ang kasalanan at tukso. May binigay na mahalagang babala si apostol Pablo sa biblia sa Roma 6:12-14 na dapat natin pakatandaan: “Huwag na niyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang mortal upang hindi na kayo maalipin ng masasamang pita nito. Huwag ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay at muling binuhay at ihandog sa kaniya ang buo ninyong pagkatao bilanag kasangkapan ng katuwiran. Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan yamang kayo’y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang loob ng Diyos.”

Inuudyok tayo ng biblia na huwag gamitin ang kalayaang ito upang paglingkuran ang ating sariling kapanan lamang. Hindi lisensiya ang kalayaang ito upang ipilit ang ating mga karapatan habang nakakasakit naman tayo ng damdamin ng ibang tao. Ito ay dapat nating gamitin upang mapaglingkuran ang iba.

Ang sabi ni apostol Pablo sa biblia sa Galacia 5: 13-14 “Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag niyong gamitin ang kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa’t isa dahil sa pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.”

Ang kalayaan natin mula sa pagkabihag ng kapangyarihan ng kasalanan ay hindi nangangahulugang tayo ay perpekto na at hindi na magkakamaling muli. Ngunit may magandang balita sa ating mga na kay Kristo na. Ayon sa biblia sa Juan 1:9, “Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating papatawarin tayo ng Diyos at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat Siya’y matuwid.”

Ano pang uring kalayaan ang hihigit pa sa kalayaan ng buhay na kay Cristo?

Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478.

Have a comment on this article? Send us your feedback.