|
|
| Friday, 16 July 2010 00:00 | |||||
Sa California, mayroong isang lugar kung saan nagtatayo ang mga mayayaman ng mga bahay na nagkakahalaga ng tatlong milyong dolyares. Pero nang dumating ang matinding ulan, natangay ang mamahaling mga bagay pababa at nasira. Walang mali sa qualidad ng mga bahay. Mamahaling materyales ang ginamit sa pagtayo ng mga ito. Ang problema ay ang lupang pinagtayuan nila ng mga bahay. Hindi magandang pundasyon ito para pagtayuan ng bahay na mananatiling nakatayo sa panahon ng malakas na ulan. Noong taong 1176, ang Italian architect na si Bonnano Pisano ay nagsimulang gumawa ng isang proyekto. Ito ay isang hiwalay na tower na may bell para sa cathedral ng siyudad ng Pisa. Ang taas nito ay eight-stories o 185 feet. Pero may isang maliit na problema. Nadiskubre kaagad ng mga nagtatayo nito na ang lupang kinatatayuan nito ay mas malambot kaysa sa inaasahan nila at ang pundasyon ay masyadong mababaw para suportahan nang husto ang tower. At hindi nga nagtagal, ang tower ay nagsimulang tumabingi at patuloy na tumatabingi. Sinubukan nilang tuwirin ito pero hindi nila magawa. Napag-alaman ng mga arkitekto at mga builders na wala na silang magagawa para tuwirin ang Tower ng Pisa. Kaya’t ito’y binansagan ng “Leaning Tower of Pisa.” Ayon sa mga eksperto, isang araw ay babagsak na lamang ito. Lahat ng ito ay dahil sa maling pundasyon. Ano ba ang pundasyon ng ating buhay? Ano ba ang basehan ng ating mga paniniwala at gawain? Ito ang sabi ng Panginoong na ating mababasa sa biblia sa Mateo 7: 24-27 “Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha at binagyo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, pero hindi ito nagiba sapagkat nakatayo ito sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binagyo nang malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.” Kung ang pinamumuhay natin ay ang katuruan ng biblia at namumuhay tayo para sa Diyos, makakaasa tayo ng seguridad sa panahon ng krisis at problema dahil matibay ang ating pundasyon. Nagkakaroon tayo ng pag-asa ng magandang kinabukasan kahit na puro problema ang hinaharap natin dahil alam nating hawak ng Makapangyarihang Diyos ang ating buhay. Maaari nating panghawakan ang kaniyang mga pangako. Makakaasa rin tayo ng kalakasan para sa mga darating pang mga pagsubok at problema. Noong unang panahon, kapag gumagawa ng mga malalaking bangka ang mga tao, pupunta sila sa kagubatan at hahanap ng puno. Puputulin nila ang iba pang nakapaligid na puno at iiwang nakatayong nag-iisa ang napiling puno. Hinahayaan itong mabilad sa malakas na hangin at bagyo. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng lakas ang puno na siyang kailangan nito habang naglalakbay sa dagat sa masungit na panahon. Alam n’yo bang kung ang pundasyon natin ay ang katuruan ng Diyos, ang mga pagsubok ay lalong magpapalakas sa atin? Kaibigan, kung ayaw nating mawasak ang ating buhay, pag-aralan at ipamuhay natin ang katuruan ng biblia dahil ito lang ang siguradong sandigan sa lahat ng panahon. Fatima Josue is the wife of Pastor Junie Josue, Senior Pastor of International Worship Centre at Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



