|
|
| Monday, 16 August 2010 00:00 | |||||
Ang mga tao sa Canada ay partikular sa kalinisan. Nais nating makalanghap ng malinis na hangin. Siyempre, kapag lumabas tayo sa daan, gusto natin na sariwang hangin ang sasalubong sa atin. Kaya nga may mga regulasyon na may kinalaman sa polusyon ng hangin tulad ng pagbabawal ang mga tambutsong sira at ng mga factory na nagpapalabas ng masasamang usok. Gusto rin natin ng sariwang pagkain – pagkaing walang pesticide o preservative, pagkaing bagong huli o bagong pitas. At mabenta ang mga distilled o purified water at mga tubig na nasa botelya dahil iniingatan nating magkasakit tayo mula sa mga mikrobyong nagkalat sa mga tubig. Sa biblia, sa Mateo 5:8, mababasa natin ang sabi ni Hesus, “Pinagpala ang may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.” Ang Diyos ay partikular sa kalagayan ng ating puso. Tinanggihan na ng Diyos si Saul bilang hari ng Israel dahil sa patuloy nitong pagsuway sa Kaniya. Pumili siya ng bagong hari. Sinabihan niya ang propetang si Samuel na pumunta sa bahay ni Jesse sa Bethlehem dahil napili Niya ang isa sa mga anak nito na maging haring kapalit ni Saul. Nang hinarap na ni Jesse ang kaniyang mga anak kay Samuel, napansin ng propeta si Eliab at sinabi nito sa kaniyang sarili, “Ito siguro ang pinili ng Diyos para maging hari.” Pero sinabi sa kaniya ng Diyos, “Huwag mong tignan ang kaniyang taas at kakisigan. Hindi siya ang pinili ko. Ang batayan ko ay hindi tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.” Ang napili ng Diyos ay ang batang batang si David na kasalukuyang nagbabantay ng mga tupa ng kaniyang pamilya. Sa pastulan kung saan nagugugol ng maraming panahon si David na nag-iisa na tanging mga tupa lang ang kasama, naririnig ng Diyos ang kaniyang mga awit at papuri para sa Kaniya. Alam ng Diyos ang puso ni David. Ang ating puso ay kung ano talaga tayo; sa pinakasuluk-sulukan ng ating isipan at damdamin, kung saan walang nakaaalam maliban ang Diyos. Kahit na mga relihiyoso at madasalin ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Hudyo noong panahon ni Hesus, hindi bumilib sa kanila ang Panginoon. Sa katunayan, pinagsabihan pa Niya ang mga ito dahil puro mapag-imbabaw lang ang kanilang ginagawa. Wala sa kanilang puso ang tunay na pagsamba sa Diyos. Ang pagkakaroon ng malinis o wagas na puso ay hindi nangangahulugan ng pagiging perpekto o hindi na nagkakamali. Ayon sa biblia, ang mga taong malilinis ang puso ay yaong mga taong hindi nahahati ang puso. Sila ang mga taong may buong puso pagtatalaga sa Diyos. Nagkakamali pa rin sila pero nagsisisi sila at nagpapalinis sa Diyos. Sa pagbangon nila sa kanilang pagkadapa, patuloy silang nagpapaakay sa Diyos. Hindi nila inaalis ang pagkapit nila sa Diyos. Hindi nila hinahayaang maputol ang ugnayan nila sa Diyos. May isang uri ng hayop sa Minnesota na kung tawagin ay ermine. May maikli itong buntot at kakaibang abilidad na magpalit ng balahibo para maging singputi ng snow kapag winter. Pinangangalagaan ng ermine ang kaniyang puting balahibo mula sa kung anumang bagay na makapagpapadumi nito. Hindi lihim ang ugali ng ermine sa mga mga hunter na nais ibenta ang magandang balahibo nito. Hindi sila gumagawa ng trap para mahuli ang hayop. Sa halip, hinahanap ng mga hunter ang tirahan ng ermine. Karaniwan itong nakatira sa mga uka ng malalaking bato o sa butas ng puno. Nilalagyan nila ng uling ang harapan ng tirahan nito at pinakakawalan nila ang kanilang mga aso para habulin ang ermine. Ang takot na takot na ermine ay tatakbo papunta sa bahay nito pero hindi ito papasok dahil sa dumi sa harapan. Kaysa madumihan ang puting balahibo nito, lalabas na lamang ito pero nahuhuli siya ng mga aso habang pinapanatili nito ang kaniyang kaputian. Para sa ermine, ang kaniyang kaputian ay mas mahalaga keysa buhay? Kaibigan, tayo kaya? Anong ginagawa nating mga hakbang para hindi madumihan ang ating puso? Gaano natin pinahahalagahan ba mapanatiling malinis ang ating puso? Kumusta na ang ugnayan natin sa Diyos? Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre at 1077 St. James St. [Worship Service: Sundays 10:30 a.m.] and host of the radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information call 774-4478. Have a comment on this article? Send us your feedback.
|



