|
|
Kinatha at binigkas ni Paquito Rey Pacheco
(Nagtamo ng Unang Gantimpala sa
Patimpalak-Bigkasan ng Tula, ginanap
sa FEU Auditorium noong 1954)
Huling araw ng Disyembre, malaganap na ang dilim,
Ang tala sa kalangitan tila ibig nang magningning;
Walang humpay ang putukan at tugtugang malalambing,
Nakangiti ang bala na’t nangingislap ang paningin;
Sa paano’y isisilang ng umagang dumarating,
Ang Manigong Bagong Taong may hatid na tuwa’t aliw!
***
Sakdal daming nagdiriwang, bawa’t isa’y nagagalak,
Naliligo ang daigdig sa matunog na halakhak;
Datapuwa’t isang Ina at kaniyang bunsong anak,
Ang sa giray nilang dampa, malungkot na magkaharap;
Sa tindi ng dalamhati ay kapuwa naiiyak,
Dahilan sa kahirapan na kanilang nalalasap!
***
Humihikbing itinanong sa Ina ng batang paslit,
“aking Inay, ang Tatay ko ay kaylan magbabalik?
Di ba’t siya ay nangako noong siya ay umalis,
Na ako daw ibibili ng manikang pumipikit?
Ngunit bakit kaya Inay ako’y kanyang natitiis,
Gayung apat na Pasko na ang nagdaang sakdal bilis?
***
Kumikinig yaong labing sumagot ang kanyang Ina,
“Anak hindi magtatagal, darating ang iyong Ama;”
Subali’t ang sinasabi’y di nakuhang dugtungan pa,
Dahil biglang naglulundag ang anak na sinisinta;
“Dala na ba ang manika at baro kong magaganda”?
Oo aking anak, ang Tatay mo’y babalik na!
***
Ang bata ay nakatulog na sa mukha’y nakabadha,
Larawan ng kagalakang namumugad sa gunita;
Hindi niya nalalaman na ang Amang minumutya,
ay kasama ng maraming nangaligaw sa adhika;
Nasa bundok at sa baya’y hindi sila makababa,
Pagkat bawat ulo nila’y may halagang nakatakda!
***
Inihudyat ng kampana at putok ng rebentador,
Ang pagpanaw ng Disyembre’t pagbibihis ng panahon;
Isang Ina’y nagdarasal sa silong ng dampang bubong,
Hinihiling na magbalik ang asawang naparuol;
Lisanin ang kabunduka’t kabaliwang sinusuong,
Yakapin ang bagong buhay, yamang ngayo’y Bagong Taon!
Paquito Rey Pacheco
|