|
Salaysay ng aking batang kaibigan,
Tungkol kay Santa Klaus at kaniyang Nanay;
Bisperas ng Pasko sila’y nasubukan,
Sa silid ng ina na naghahalikan!
Napansin ng Nanay ang batang malungkot,
Nilapitan niya at inalong lubos;
“Bakit aking bunso waring ikaw’y yamot,
Ano ang dahilan bakit nagdadabog?
Hindi mo ba alam, bukas ay Pasko na?”
Patuloy na sabi sa anak ng ina;
“Kaya nararapat ikaw ay magsaya,
may regalong tiyak na tatanggapin ka”!
Sa halip sumagot ang bata’y naiyak,
Ang ina ay lalong nagtaka’t nahabag;
Pinahid ang luhang sa pisngi’y naglandas,
ng hihikbi-hikbing nagtatampong anak!
Ang nakita niya’y sapat nang dahilan,
Magtampo sa ina’t ang bata’y magdamdam;
Tanong sa sarili, “Bakit kaya naman,
Ang mahal na ama ay pinagtaksilan?”
Nagbilin ang ama nang siya’y umalis,
“Anak ikaw sana ay magpaka-bait;
Sasamahan ko lang ang iyong kapatid,
Na may kailangang totoong mahigpit!”
“Halika na anak, matulog na tayo,”
Amuki sa anak ng ina at payo;
“Bukas ay mayron kang Pamaskong regalo;
bigay ni Santa Klaus na dadalaw dito!”
Kahit nakapikit ang bata ay gising,
Hinihintay-hintay ang amang dumating;
Ang nakita niya’y nais na banggitin,
Isumbong ang inang sa akala’y taksil.
Bumukas ang pinto, ang bata’y nagbangon,
Amang pumapasok agad sinalubong;
“Itay, ikaw sana’y magpakahinahon,
si Inay may ibang kulasising-ibon!
Nang ako’y manggaling mula kina Lola,
Aking inabutan sa bahay si Santa;
Kayakap si Inay, binigyan ng pera,
At bago umalis, naghalikan muna!”
Namangha ang bunso sa kilos ng ama,
Sa halip magalit ay tatawa-tawa;
Kaniyang sinabi’y bale-wala pala,
Sa amang hinintay, labis na nagtaka!
Kaya ang ginawa’y kinuha na lamang,
Sa kamay ng ama ang supot na tangan;
Pumasok sa silid, dala ang balutan,
at doon sinuri sa kamang higaan!
Ang bata’y nangiti, lumukso’t nagtawa,
Laman ng balutan ay damit na pula;
“Nanay ko Tatay ko, ngayo’y alam ko na,
Kaya pala kayo’y palaging masaya!
-Paquito Rey Pacheco
|