
Opinions
ni Emmie Z. Joaquin
![]() |
![]() |
|
Ikinasal noong Oktubre 31, 1964 sina Reynaldo Pagtakhan at Gloria Visarra sa St. Louis, Missouri |
Wedding reception |
|
![]() |
||
Dr. Rey Pagtakhan sa St. Louis noong 1960s |
||
![]() |
![]() |
|
Gloria sa St. Lous, 1960s |
Rey & Gloria, Winnipeg, 1970s
|
|
![]() |
||
Rey & Gloria, St. Louis, 1960s |
||
![]() |
||
Ang pamilyang Pagtakhan, 1979 |
||
![]() |
||
Ang pamilyang Pagtakhan, 1999 |
||
![]() |
||
Golden Wedding Anniversary, 2014 |
Ang salaysay na ito ay isinulat ni Emmie Joaquin at unang inilathala sa Hiyas Magazine noong Disyembre, 1998. - Ed.
Kasabay ng Grey Cup Parade nitong nakaraang Nobyembre 20, 1998 ang pagdiriwang ng ikasampung anibersaryo ni Dr. Rey Pagtakhan bilang isang Member of Parliament ng Canada. Puno ng mga kaibigan ng pamilya Pagtakhan ang banquet hall ng Lombard Hotel at parang sinadya namang naisabay ito sa pagsasaya ng lunsod ng Winnipeg. Bukod sa Grey Cup parade ay sinindihan din nang gabing iyon ang mga Christmas lights sa downtown at pagkatapos ay nagkaroon pa ng magandang fireworks display. Pati panahon ay tila nakisama; hindi pangkaraniwang gabi, hindi pangkaraniwang kasaysayan. Napakalayo ang distansiya ng Bacoor, Cavite sa Winnipeg, Manitoba. Malayo na rin ang narating ng batang lumaki sa hirap na nakayapak lamang sa paglalakad patungo sa mababang paaralan noong dekada ‘40.
Ipinanganak si Reynaldo Pagtakhan sa Bacoor, Cavite. Pang-anim siya sa labing-isang magkakapatid. Ang kaniyang ama ay si Victor, Sr. na isang “self-taught” accountant at ang kaniyang ina ay si Fabiana na naging guro sa elementarya. Nang matapos ang panahon ng Hapon, nagtayo ang kaniyang mga magulang ng isang maliit na bakery sa Bacoor, ito’y tinawag nilang Philippine Bakery. Nagsimula lamang ito mula sa kusina ng kanilang bahay.
“Walang social life,” nakangiting sabi ni Dr. Rey nang tanungin ko siya kung paano ang buhay niya noong siya ay lumalaki. Lahat silang labing-isang magkakapatid ay tinuruang maging panadero ng kanilang magulang, gising silang lahat sa madaling-araw at samasamang nagmamasa ng arina at nakaharap sa hulmahan ng tinapay. Kapag naluto na ang pandesal ay katulong pa rin sila sa pagtitinda at pagrarasyon nito sa mga kapitbahay. Hirap man ang katawan nilang lahat dahil sa pagod at puyat, tiniyak ng kanilang mga magulang na ang pag-aaral nilang magkakapatid ay hindi napabayaan pati na ang kalusugan ng kanilang mga katawan at isipan.
Noong una, kahit gusto niya ay hindi isinaisip ni Dr. Rey ang maging isang doktor. Una, alam niyang napakamahal ng matrikula at ikalawa, baka hindi makayang tustusan ng kaniyang mga magulang ang kaniyang pag-aaral ng medisina. Subali’t nanaig ang desisyon ng kaniyang ama. Tiniyak na igagapang ng buong pamilya ang kaniyang karera at ang mga nakatatanda niyang kapatid na may hanapbuhay na ay nangakong tutulong din sa kaniyang pag-aaral.
“Dahil sa taglay naming kahirapan noong araw, ni hindi ako nakapagsuot ng bagong unipormeng pantalon habang ako’y nasa una at ikalawang antas ng pag-aaral ng medisina sa U.P. Taong 1956 noon at tandang-tanda ko pa na puting polo lang ang kaya naming bilhin at ang mga isinuot kong pantalong puti na sulsi-sulsi ay puro pinaglumaan ng aking mga pinsan,” sagot sa akin Dr. Rey nang tanungin ko siya kung paano siya noong siya ay nag-aaral pa ng medisina sa atin sa Pilipinas.
Kahit isang medical student na siya sa U.P. ay hindi pa rin siya tumigil sa pagtitinda ng pandesal at pagtulong sa bakery. Ang huling araw ng kaniyang pagiging magtitinapay ay ang araw na inilabas ang resulta ng Philippine Medical Board Examination sa pahayagan. Hindi makakalimutan ni Dr. Rey ang umagang iyon na binati siya ng “Congratulations!” ng kaniyang mga nirarasyunan ng tinapay dahil sa nabalitaang pagpasa niya sa board.
Nagtayo siya ng klinika sa Bacoor. Bilang isang General Practitioner (G.P.), siya’y nanggagamot kapag gabi at kung Sabado at Linggo. Ito ay isinabay niya sa kaniyang research at pagdadalubhasa sa larangan ng Pediatrics sa UP-PGH. Sa kaniyang panggagamot sa Bacoor, hindi nagtakda si Dr. Rey ng presyo para sa kaniyang serbisyo bilang tanda ng kaniyang pasasalamat sa komunidad na alam niyang nakatulong nila upang maigapang ang kaniyang pag-aaral sa unibersidad. Kung ano ang kayang ibayad, iyon ang kaniyang tinatanggap. Kadalasan, ito’y manok, itlog, gulay o prutas. Kung may nagbayad man ng cash, iyon ay wala pang piso.
Noong 1960, nang siya ay isa pa lang medical intern sa UP-PGH, nakilala ni Dr. Rey ang dalagang bibihag sa kaniyang puso.
“Wala akong pasok noon at nagpunta kami ng aking fraternity brod na si Fernando Pajo sa isang exhibit ng Philippine Medical Association. Pabalik na kami sa dormitoryo sa PGH nang makasalubong namin ang isang napakagandang dalaga na aking hinangaan agad sa una ko pa lang pagkakita,” ayon kay doktor, “at suwerte talaga ako dahil nagkataon namang pinsan pala ni Fernando ang magandang dalagang iyon!”
Sariwa pa sa kaniyang gunita ang oras kung kailan ipinakilala siya ni Fernando sa pinsan nitong si Gloria Visarra na noon ay isang estudyante sa Centro Escolar University. Naumid ang kaniyang dila at ilang beses din siyang nagpasama muna kay Fernando sa pagdalaw kay Gloria. Bandang huli ay nilakasan na rin niya ang loob na solong umakyat ng ligaw sa bahay nito sa Bangkal, Makati.
Mahiyain si Dr. Rey kung kaya’t kahit ilang beses na siyang nakaakyat ng ligaw mag-isa, tumatango lang siya at ngumingiti sa mga magulang ni Gloria kapag kinakausap siya sa wikang Bisaya. Hindi niya masabi-sabi sa kanilang siya’y taga-Bacoor at hindi niya naiintindihan ang kanilang salita sa kaba niyang ayawan agad siya ng mga magulang ni Gloria kapag nalamang hindi pala siya isang Bisaya rin. Sa kalaunan ay nabisto ring hindi nga siya Bisaya at wala naman palang basehan ang kaniyang kaba dahil malugod naman siyang tinanggap ng pamilya ni Gloria.
Konserbatibo at mahigpit ang mga magulang ni Gloria, sina Teofilo at Hospicia Visarra na mula sa Bohol. Mataas ang kanilang pangarap para kay Gloria kung kaya ipinakita naman sa kanila ni Dr. Rey na matuwid ang kaniyang hangarin sa kanilang anak. Napagkasunduan nilang magnobyo na pagbutihin muna ang pag-aaral at pagpapakadalubhasa sa napiling propesyon bago sila lumagay sa tahimik.
Taong 1963 nang magdesisyon si Dr. Rey na magtungo sa St. Louis, Missouri upang doon ay magpakadalubhasa. Dalawa ang kaniyang pinagpipiliang puntahan noon: ang Deaconness County Hospital kung saan siya susuweldo ng $500 buwan-buwan o ang St. Louis Children’s Hospital na isang teaching hospital ng Washington University kung saan naman siya ay makatatanggap lamang ng $250 sa isang buwan.
Wala siyang pera at kukuha lamang siya ng “fly now, pay later plan” para sa kaniyang pamasahe sa eroplano. Dahil sa magiging utang, kahit mas gusto sana niya ang St. Louis Children’s Hospital, napilitan siyang piliin ang Deaconness dahil mas malaki ang ipapasuweldo nito sa katulad niyang intern pa lamang na may babayaran pang utang.
Nang malaman ito ng kaniyang propesor at Head ng Pediatrics sa UPPGH na si Dr. Mabilangan, agad-agad nitong sinabing kailangang sundin ni Dr. Rey ang kaniyang puso at huwag bayaang maging sagabal ang magiging utang sa pamasahe dahil si Dr. Mabilangan na ang magbabayad ng kaniyang ticket. Dahil dito, pinili ni Dr. Rey na puntahan ang St. Louis Children’s Hospital. Hanggang ngayon, malaking utang na loob na tinatanaw ni Dr. Rey ang kabutihang ginawa sa kaniya ng propesor.
Isang taon ang nakaraan, noong 1964, sumunod si Gloria sa US upang mag-aral para sa kaniyang post-graduate degree sa Dietetics sa St. Louis University. Nangingiti na lamang silang dalawa ngayon kapag naaalaala nilang kaya hindi tumutol ang mga magulang ni Gloria na mag-aral siya sa St. Louis University ay sa pag-aakalang ang pinapasukan ni Dr. Rey na Washington University School of Medicine ay nasa Washington D.C. o kaya’y nasa Seattle (Washington State) at malayo kay Gloria.
“You don’t have to volunteer the information if they don’t ask!” may kapilyuhang payo ni Dr. Rey sa kaniyang sulat sa nobya noong bago ito umalis ng Pilipinas.
Bandang huli, ipinagtapat din naman nila na nasa iisang state lamang silang dalawa mag-aaral subali’t ito’y nang ayos na ang lahat ng papeles ni Gloria para tumungo sa Missouri at hindi na puwedeng bawiin pa.
Makalipas ang ilang buwan, Oktubre 31, 1964, pinagtaling-puso sa makasaysayang St. Louis Cathedral sa St Louis, Missouri si Reynaldo Pagtakhan at Gloria Visarra. Isang kasalang masasabing isang pagsasalo ng dalawang pusong nagmamahalan na nanatiling magkaagapay sa tagal ng panahon, isang mahusay na partnership sa pag-ibig at sa kabuhayan.
Sa kaniyang pagnanais na maging isang espesyalistang doktor para sa sakit sa baga ng mga bata kapag bumalik na sila ni Gloria sa Pilipinas, sinulatan niya noong 1967 ang Head of Pediatric Respirology ng University of Manitoba na si Dr. Victor Chernick. Si Dr. Chernick ay kilalang dalubhasa sa children’s lung diseases mula sa John Hopkins Medical Hospital sa US at isa ring Queen Elizabeth Scientist awardee. Inimbitaban siya ni Dr. Chernick na magtungo sa Winnipeg upang makatulong niya sa pananaliksik at dito na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral tungkol sa sakit sa baga ng mga bata.
Noong Enero 7, 1968, lumipat sa Winnipeg ang mag-asawang Rey at Gloria. Ipinanganak ang kanilang panganay na si Reis sa Winnipeg noong 1969 at noon namang 1972 ay isinilang si Advin.
Walang balak na permanenteng manirahan sa Winnipeg noon ang nagsisimulang pamilya ni Dr. Rey. Nasa puso pa rin niya ang bumalik sa bayang sinilangan upang doon gamitin ang kaniyang kaalaman sa panggagamot ng mga batang may sakit sa baga. Subali’t nang sila’y umuwi sa Pilipinas noong Setyembre, 1972 dahil sa pagkamatay ng ama ni Gloria, ang pagbabalik-bayang yaon ang naging dahilan upang desisyunan nilang magkabiyak na gawing permanenteng tirahan na ang Winnipeg. Tatlong araw pa lamang sila sa Maynila noon nang idineklara ni Pangulong Marcos ang martial law. Lubha silang nabahala sa nakitang kaguluhan sa bansa at dahil doon, mahirap man sa kanilang makabayang damdamin, inuna nilang isapuso ang magandang kinabukasan ng kanilang mga anak na sina Reis at Advin at ang kanilang magiging mga anak pa sa pagdating ng araw.
Bumalik sila sa Winnipeg at dito ay puspusan nang itinatag ni Dr. Rey ang kaniyang pagiging pediatric respirologist. Si Gloria naman ay nagkaroon na rin ng pagkakataong maging isang dietician sabay ng pagiging ulirang maybahay at ina ng kanilang lumalaking pamilya. Nasundan si Reis at Advin nang ipinanganak si Sherwin noong 1975 at ang bunso namang si CJ (Christopher Justin) ay isinilang noong 1979.
Sa ngayon, hindi na lingid sa ating kaalaman kung anu-ano ang mga naging tagumpay ni Dr. Rey Pagtakhan. Siya ang unang Pilipino na naging propesor sa Pediatrics and Child Health sa University of Manitoba, naging Director ng Cystic Fibrosis Centre. Siya ang una at hanggang ngayon ay tangi pa ring Canadian Member of Parliament na ipinanganak sa Pilipinas, siya rin ang naging unang Liberal mula noong 1940 na humawak ng Winnipeg North riding noong 1988. Siya rin ang unang M.P. sa bagong riding na Winnipeg North-St. Paul.
Kung paano napunta ang buhay ni Dr. Rey sa paglilingkod sa publiko sa pamamagitan ng pagpasok sa politika ay isa pa ring mahaba, subali’t kapana-panabik na kasaysayan.
Sa pagbabalik-tingin, malayo na nga talaga ang narating ng batang magpapandesal na taga-Bacoor, Cavite. Inaani na niya ngayon ang bunga ng kaniyang naipunlang pagsisikap at pagtitiis na huwag sumuko sa kabila ng kahirapan. Ang malubak na daan patungong Parliament Hill ay makinis na at maaliwalas. Siya ay magandang huwaran para sa lumalaking populasyon ng mga imigranteng Pinoy, hindi lamang dito sa Winnipeg kundi sa buong bansa na rin.
Huling salita mula sa patnugot: Maraming taon na ang nakalipas mula nang isinulat ko ang salaysay na na ito. Sa kasalukuyan ay retirado na si Dr. Rey sa larangan ng politika. Kapiling pa rin ang kaniyang minamahal na si Gloria, kanilang ninanamnam ang maligayang buhay kasama ang kanilang malaking pamilya. Nitong nakaraang Hunyo 25, isang park sa Beliveau Road, na bahagi ng St. Vital, ang pinangalanang Dr. Rey Pagtakhan Park – isa pa ring tanda ng pagkilala sa kaniyang makabuluhang ambag sa pag-unlad ng Filipino Canadian community dito sa Manitoba.